OLIN
"Isa siyang Tambaluslos! Takbo!" sigaw ko, na pumailanlang dito sa loob ng kagubatan. Dali-dali kong ibinigay kay Talay ang paso at tinulak siya sa ibang direksyon. Kumaripas naman ako ng takbo patungo sa kabila. "Luslus! Habulin mo 'ko! Yoo-hoo!" Pero sinuntok ko kaagad ang sarili ko sa isip ko dahil sa labis na pagsisisi.
Habang tumatakbo ay rinig ko ang hininga ng katakut-takot na nilalang na nasa likod ko at pati na rin ang ingay na nililikha ng mga puno't halaman na nadaraanan niya.
Napa-sign of the cross ako at nag-ungot ng madaliang panalangin na sana'y tantanan na 'ko ng pangit na halimaw na 'to. 'Tapos, ang puso ko naman ay walang humpay sa pagkabog na animo'y may karera ding nagaganap sa aking dibdib.
Umalingawngaw ang kakaiba nitong ingay at hindi iyon nagustuhan ng pandinig ko.
Pawisan at ang dungis-dungis ko na katatakbo sa masukal na kagubatan na 'to. Punit-punit na rin ang pinahiram sa 'kin ni Mounir na balabal dahil sa mga malalagong halaman at sangang nasasagi ko. 'Yong iba'y may tinik kaya nagpakawala ako ng impit na tunog.
Maya't maya akong yumuyukod, pasimpleng nangolekta ng mga bato sa paligid ko na may sapat na bigat lang para ihagis sa Tambaluslos kapag magkakaroon ako ng pagkakataon na umatake sa kaniya.
Habang patuloy pa rin sa pagtakbo, naisipan ko pang humiling na sana'y okay lang sina Talay, Saya, Alog, at Lish. Kailangan ko lang pagurin ang isang 'to. Hahanapin ko na lang sila rito pagkatapos. Pero parang ako yata ang unang mapapagod sa senaryong 'to. Yawa!
Rumehistro sa magkabila kong tainga ang pagkaluskos sa tabi kaya mas binilisan ko pa sa pagtakbo. Hindi ako puwedeng sumuko rito, may naghihintay pa sa 'min sa gingharian ng Melyar. Pero pa'no ko tatakasan ang buwisit na nilalang na 'to?
Habang ang mga mata'y naka-focus sa dinaraanan ko, nagtapon ako ng ilang bato sa likuran ko, umaasang matamaan ko siya at mapahinto siya sa pagbuntot sa 'kin. Subalit nagkamali ako. Ramdam ko pa rin ang presensya niya hanggang ngayon.
Dili na g'yod ko molukso sa inidoro sunod. 'Nimal!
['Di na talaga ako tatalon sa inidoro sa susunod. 'Nimal!]
Sa unang pagkakataon, tumigil ako at humarap sa nilalang na may malaking bibig at ari para sabuyan siya ng bato nang sunod-sunod. Pagkatapos kong marinig ang pagdaing niya ay nagpatuloy na 'ko sa pagtakbo. Pasimple akong napatingin sa kaniya at nakitang sinusundan niya pa rin ako.
"Mama! Kuhaa ko dinhi, please!" Halos maputol na ang litid ko sa sigaw na 'yon.
["Mama! Kunin mo na 'ko rito, please!"]
Ngunit sa kasamaang palad, napagtanto kong pamilyar ang dinaraanan ko ngayon kaya kaagad na kumunot ang aking noo. Hindi ako sigurado pero parang dumaan na 'ko rito. Sinalakay muli ako ng matinding takot at saka mariing napalunok nang maglakbay sa bakuran ng dalawa kong tainga ang nakapangingilabot na tawa ng Tambaluslos.
Hanggang sa may nabangga akong tao. Si Talay! At dahil sa pagtama ng aming katawan, nabitawan niya ulit ang paso kung saan nakalagay sina Saya, Alog, at Lish. Buwisit! Ito 'yong puwesto kung saan siya natisod kanina. Pinaglalaruan ba kami ng Tambaluslos na 'yon?
Pareho kaming naghagis ng isang kamay patungo sa 'ming bibig nang makitang nabasag ang lalagyan ng mga nagsasalitang bulaklak at ito'y nahati sa dalawa. Mabuti na lang at hindi sila namatay kasi nanatili pa rin sila sa lupa na nakahulma na parang paso.
Biglang umihip ang malamig na hangin dahilan para maalarma kami. Gumalaw ang mga puno na tila ba gusto nang kumawala ang mga ugat nito sa lupa saka narinig din namin sa 'di kalayuan ang malulutong na tunog ng mga tuyong dahon at ang pagkabali ng mga sanga.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasi[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...