OLIN
Eksaktong paglabas namin mula sa 'ming pinagkublihan ay tumambad sa 'min ang makapal na hamog na pumalibot sa buong paligid dahilan upang lumukob ang matinding kaba sa buo kong kalooban. Magkatalikuran kaming lima habang napapaligiran kami ng napakakapal na hamog at naghanda sa nakaambang peligro.
Tinapunan ko ng tingin ang mga kasama ko. Si Talay ay may punyal. Si Langas ay malakas, maliksi, at may hawak na sundang. Nakahanda na rin ang pana at palaso ni Solci sa pag-atake. Wala nang camera si Cormac ngunit may dala naman siyang maso na sigurado akong galing sa gingharian ng Escalwa.
Sa aming lahat, ako lang yata ang pabigat dito sapagkat wala akong bitbit na kahit anong armas o sandata 'tapos 'di ko pa gamay ang paggamit ng itim na kapangyarihan na galing kay Sinrawee. Siguro nga, ito ang rason kung ba't ko sila nakasama sa paglalakbay—para protektahan at gabayan ako hangga't mahina pa 'ko.
"Ayon kay Tahom kanina, may sakit ang gubat na 'to kaya kailangan na nating umalis," ani Talay. Bakas ang pangamba sa kaniyang binitawang mga salita.
"Subalit batid kong gaya ko, nauuhaw na rin kayo," giit pa ni Langas. "Diretsuhin na lang natin ang gubat na ito, at paglabas natin ay may makikita na tayong dagat."
"Sang-ayon ako sa sinabi ni Langas," sabi ko.
"Me too!" pakantang dugtong ni Solci.
"Pero bago 'yan, kinahanglan una natong atubangon kung unsa ang ania diri," buong-tapang na wika ni Cormac. Palibhasa, may hawak-hawak siyang maso.
["Pero bago 'yan, kailangan mun nating harapin kung ano'ng mayro'n dito."]
Saglit na naghari ang katahimikan dito sa loob ng gubat pagkatapos niyon. Kalaunan, dahan-dahang umimpis at naglaho ang makakapal na hamog na pumalibot sa 'min. Doon na namin natunghayan ang pagbabago ng lugar. Sa tulong ng maliwanag na buwan, nakilala namin ang kaibahan—ang kaninang ordinaryong mga puno ay bigla na lang namatay, nalagas ang mga dahon, at nangitim ang mga balat ng kahoy.
"Ano'ng nangyayari?" maang na tanong ni Cormac.
Nagdikit-dikit kaming lahat sa puntong 'to.
Mahigpit ang pagkakahawak ni Talay sa kaniyang punyal at sa lalagyan ng mga bulaklak. "Totoo ngang may sakit ang gubat na 'to," aniya.
"Huwag tayong magsayang ng oras. Kailangan nating umabante at magtungo sa dagat," deklara ni Langas na agad naman naming sinang-ayunan.
Nag-umpisa kaming maglakad, 'di inalintana kung ano man ang natatapakan namin. Ang mahalaga'y makausad kami't makarating sa 'ming paroroonan. Pero 'di nagtagal, ramdam namin ang pag-iiba ng ihip ng hangin sa loob ng gubat na 'to. Gumagalaw na ang itim na mga kahoy na animo'y nagwawala. Unti-unti ring pumailanlang ang mga tuyong dahon kaya napatakip kami ng mukha kasi may mga alikabok ding sumabay sa pag-angat.
"Magpatuloy lang tayo!" sigaw ni Langas.
Habang binabaybay ang gubat ay may namataan akong mga kabute sa gilid ng nakahigang kahoy na sinasalakay ng itim na usok saka ang mga ito'y unti-unting nabubulok. May mga alibangbang din akong nakita ngunit hindi nagtagal ay bigla na lang itong bumagsak at nanigas. 'Tapos, isang masangsang na amoy ang lumusob sa ilong namin nang mapalapit sa mga naaagnas na bangkay na nakasandig sa isang puno.
Pagkalipas ng ilang minutong lakaran ay nakaramdam ako ng panghihina sa mga tuhod ko, parang sumusuko na ang mga ito, kaya napahawak ako sa isang kahoy. Pero sa kasamaang palad, bigla na lang gumalaw ang mga sanga nito at pinuluputan ang aking palapulsuhan. Nagpumiglas ako ngunit parang ayaw ako nitong pakawalan. Idagdag pa ang panghihina ng buo kong katawan kaya't hindi ako makaalis dito.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasy[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...