Chapter 19 - Princess of Horia

47 5 0
                                    

OLIN

Nagising ako dahil sa sikat ng araw na tumama sa mukha ko. Ipinasada ko agad ang kamay ko patungo sa 'king leeg at naramdamang namaga ito nang kaunti, buhat nang tumusok dito 'yong matulis na bagay na kagagawan ng mga Siyokoy. Kung 'di lang sila gumamit niyon ay malamang napatumba na sila ng mga kasama ko!

Umayos ako sa pagkakaupo at agad na napansin na nabilanggo kami sa isang malaking bula na kasalukuyang nakalutang sa ere. Sinubukan kong gibain ang bula pero matigas ito na animo'y may mahikang nakabalot dito.

Inilibot ko ang aking tingin sa paligid. Narito kami ngayon sa parang kuweba na may malaking butas sa dakong itaas dahilan para malayang nakapapasok ang sinag ng haring-araw dito sa loob.

Namilog ang mga mata ko at nalaglag ang aking panga nang matanaw ang mga makukulay at kakaibang nilalang sa ibaba namin. May mga nilalang na may katawan na parang isda, kulay luntian, napapalamutian ng kaliskis, at may palikpik sa ibang parte ng kanilang katawan. Sila ay mga Siyokoy.

Ang mga damuhong 'yan ang dumakip sa 'min!

Mayro'n ding mga nilalang na kung tawagin ay Kataw—kalahating tao at kalahating isda. Samot-sari ang kulay ng kanilang mga buntot at 'yong sa iba ay batik-batik. May nakatakip na dalawang kabibe sa dibdib ng mga babaeng Kataw, ang buhok nila na kulay-uling ay sobrang taas, at saka mayro'n ding nakapulupot na damong-dagat sa kanilang ulo. 'Yong iba'y lumalangoy pero 'yong iba nama'y nakaupo lang sa bato at parang pinag-uusapan pa kami.

Umiwas ako ng tingin at binusog ang mga mata sa makukulay na mga isda na tila naglalaro sa paligid ng bahura ng mga bulaklak na bato, at ang iba pa nito'y parang utak ng tao.

May namataan din akong dikya, pawikan, at maliit na dragon sa dagat na kulay dilaw at berde na kung saan ang kanilang mga paa ay parang dahon. Sobrang bagal din nilang lumangoy. Hindi rin naman nakatakas sa 'king paningin ang mga salungo na nagkukumpulan sa ibaba mismo ng malaking bula na aming kinalalagyan.

Ang salungo o tuyom sa Bisaya ay uri ng hayop-dagat na may itim na balat at saka napapalamutian ng mga tinik.

'Pag kami bumagsak, sugat lang ang aabutin namin.

Isa-isang nagmulat ng mga mata ang mga kasama ko. Hinugot kaagad nina Cormac, Langas, at Talay ang kanilang mga sandata. At gaya ng ginawa ko kanina, kinalampag nila ang kulungan at tinangka ring wasakin ang bulang nakabalot sa 'min. Samantala, umupo naman si Solci sa tabi ko saka niyakap niya ang kaniyang mga tuhod.

"Ilang beses ba tayong kailangang makulong? Kaloka," nabuburyong wika ni Solci, ang mga mata'y dumako sa ibaba.

"Kagahi sad niining buwa, uy!" May namumuong pawis sa noo ni Cormac dahil sa ginagawa niyang pagpukpok sa bula.

["Ang tigas naman nitong bula!"]

"Pagpuyo na lang diha," pagsita ni Saya sa kaniya.

["Tumigil ka na lang."]

Umirap lang si Cormac at ngunguto-nguto siyang tumabi sa 'min ni Solci. "Maayo pa'g wala lang 'mo gibalik ni Burigadang Pada sa normal," anas niya.

["Mabuti pang 'di na lang kayo ibinalik ni Burigadang Pada sa dati."]

"Sana, 'di ka na lang niligtas nina Olin at Solci," pakikisali ni Alog sa usapan.

"True," pagsang-ayon naman ni Lish.

Isinuksok ni Talay sa kaniyang tagiliran ang kaniyang punyal saka nagpanting ang tainga. Masamang tingin ang ipinukol niya sa kanila. "Tumigil na nga kayo! Manahimik kayo, Saya, Alog, at Lish!" Pagkatapos, tinakpan niya ang mga ito gamit ang kaniyang gula-gulanit na balabal at inilayo nang kaunti sa puwesto ni Cormac.

Olin in KahadrasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon