OLIN
"Pulbusin ang mga Melyarine!" Dumagundong ang sigaw ni Sinrawee rito sa labas ng gingharian. Nasundan iyon ng sunod-sunod na alulong ng mga itim na lobo saka hiyaw ng mga yawa at damang.
"Lipulin ang mga kampon ng kasamaan!" ganting sigaw ni Mounir sabay taas ng kaniyang tungkod. Humiyaw rin ang mga Melyarine bilang pagsang-ayon.
"Sugod!" sabay na sigaw ng dalawang panig, aligagang tumatakbo na para bang kating-kati nang kumitil ng buhay.
Doon ay nagkabanggaan na ang puwersa ng mga Melyarine at ng kampon ng dilim. Nagsalpukan na ang mga halimaw at ang mga mandirigma ng Melyar. Naghalo-halo na ang kulay-pilak at itim sa gitna saka mayro'n pang paparating na mga yawa sa bandang hulihan.
Naglakbay sa bakuran ng aking tainga ang pag-iyak ng tali ng mga pana. Nakahanda nang lumipad sa ere ang mga palasong nakadikit sa mga ito.
"Bitiw!" malakas na sigaw ni Solci sa mga mamamana sa mataas na pader.
Sabay naming natunghayan ang umuulang mga palaso patungo sa mga halimaw. Sunod-sunod itong tumusok sa katawan ng mga yawa dahilan para mapadaing ang mga ito. Nasusunog ang kanilang mga katawan hanggang sa unti-unti silang naglalaho.
"Para kay Labuyok!" bulalas ni Langas at sumugod na rin sa mga yawa, lobo, at damang. Pero alam ko na ang Mambabarang ang pupuntiryahin niya, ang pumatay sa kaniyang kapatid. Isa-isa niyang pinugutan ng ulo ang mga kalabang nadaraanan niya.
Kaagad namang sumunod si Solci kay Langas. Sakay ang dalawang pugot na ulo, dumausdos siya sa lupa papunta sa ilalim ng mga gagamba. Kaagad niya itong pinana nang magkakasunod. Sunod-sunod na bumagsak ang mga damang ngunit humihinga pa ang mga ito.
Dali-dali namang rumesponde si Cormac, na naging makulay na Mansalauan, at tinapos ang mga natamaan ni Solci. Pagkatapos, lumipad si Cormac patungo sa direksyon ng kalabang Mansalauan. Doon ay nagsabong ang dalawang Mansalauan sa ere gamit ang kanilang pakpak, matutulis na kuko, at mahahabang dila.
Nahagip ng paningin ko ang dalawang malalaking bagay na parang sandok. Ginalaw na iyon ng mga Melyarine na nakatalaga roon. Nilagyan nila ito ng malaking bola na sinindihan muna nila bago isalang doon. 'Tapos, hinila nila ang kadena dahilan para tumayo ang malaking sandok at tumilapon ang nagliliyab na higanteng bilog sa direksyon ng mga paparating na yawa, lobo, at gagamba. Sunod-sunod na rumehistro sa 'ming pandinig ang pagdaing ng mga ito bago bumulagta sa lupa.
Pinaangat ko ang isang habilog na bato at kaagad akong pumatong dito. Pansin kong gumalaw-galaw ang itim na ugat sa 'king bisig at parang may bumbilyang lumiwanag sa itaas ng aking ulo.
Dahan-dahan akong napapikit habang nilalanghap ang hangin. Nang tuluyan ko nang buksan ang dalawa kong mata, iwinasiwas ko ang mga kamay ko sa ere. 'Tapos, gumawa ako ng sariling espada gamit ang itim kong kapangyarihan.
Mula rito'y tanaw kong nakipagbakbakan si Mounir sa di-kalayuan gamit ang kaniyang matibay na tungkod. Isa-isa namang tumilansik ang lahat ng nakalaban niya dahil kontrolado niya ang enerhiya ng hangin. Lumikha iyon ng kulay asul na liwanag.
Hindi rin naman nakatakas sa 'king paningin ang berdeng salamangkero na si Girion. Lumipad siya at bumagsak sa gitna ng mga yawa. 'Tapos, nag-ungot siya ng orasyon at itinusok niya sa lupa ang dala-dala niyang tungkod. Kapagkuwan ay biglang nabutas ang ilang parte ng lupa at umarangkada mula roon ang mga baging. Nagsikilos agad ang mga baging at pinuluputan ang mga yawa saka ibinaon sa lupa. 'Tapos, dali-daling nagsara ang mga butas sa lupa na parang walang nangyari.
Hinanap ng mga mata ko si Sinrawee. Nakasakay siya sa isang mabangis na lobo habang nakangisi. Agad kong kinontrol ang batong pinapatungan ko papalapit sa kinaroroonan ni Sinrawee.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasía[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...