Chapter 25 - Ungo Chronicles

40 5 0
                                    

OLIN

"Olin? Solci? Yoo-hoo! Nasa'n na kayo?"

Mabilis pa sa alas-kuwatro na nagkahiwalay ang mga labi namin ni Solci nang maglakbay sa bakuran ng aking tainga ang sunod-sunod na sigaw ni Cormac. Umusod ako nang kaunti at alanganing ngumiti. 'Tapos, lumikot ang mga mata ko.

Klinaro ni Solci ang kaniyang lalamunan bago sumigaw ng, "Naa 'mi diri, Cormac!"

["Nandito kami, Cormac!"]

Pareho kaming nakatingin sa ibaba, hinihintay ang kaklase naming magpakita. Ilang sandali pa, tuluyan na niyang isiniwalat ang kaniyang sarili. Nakatingala siya sa 'min habang may bitbit siyang sulo.

Nanlaki ang mga mata nito. "Hoy! Nag-unsa man 'mo, dira? Inyo mang gihimo'g hotel intawon ang kahoy, uy!"

["Hoy! Ano'ng ginagawa n'yo riyan? Ginawa n'yo namang hotel ang puno!"]

"Buang ka? Ang sarap mong kutusan sa esophagus!" buwelta naman ni Solci.

Humagalpak ito ng tawa. "Siya nga pala, may nangyari," pag-iiba niya ng usapan. "Ang nanay raw ni Ru-An na si Aling Pulana ay naghihikahos na!"

Nagkatinginan kami ni Solci dahil sa gulat at dali-daling pumanaog sa puno. Ang sunod naming ginawa ay naglakad nang mahaba patungo sa bahay nina Ru-An at Aling Pulana sa pangunguna ni Cormac.

Ngunit lumilipad ang utak ko. Pakiramdam ko, may nawawala akong mga alaala. Siguradong-sigurado ako na batang bersyon namin 'yon ni Solci 'yong dumalaw sa 'king isipan no'ng nagkahalikan kami.

Pero sa Maynila ako lumaki 'tapos lumipat sa Cebu. Ngayon lang ako napadpad sa katakut-takot na mundong 'to. Sino ba talaga ako? Ano ba talaga ako? Ang gulo-gulo!

"Nandito na tayo," anunsyo ni Cormac sa mahinang tinig.

Iginala ko ang aking mga mata. Ang layo nito sa bahay nila Manoy Bundiyo.

Pansin kong parang ginaanan niya ang pag-apak sa mga tuyong dahon sa lupa. At ngayon ko lang din napansin na marami pala siyang dalang bagay, bukod sa kaniyang maso at mahiwagang kabibe.

"Ano 'yang mga dala-dala mo?" kunot-noong tanong ko.

Ngumiti siya at tiningnan ang bitbit niyang mga bagay. "Ah, ito? Buntot pagi, asin, at saka dinikdik na bawang. Lahat ito'y pangontra sa mga Ungo."

Tumango-tango ako. Hindi na ako nagsaboy ng kuwestiyon kung bakit niya ito dala ngayon. May naengkwentro kaming Ungo kanina kaya may posibilidad na may aatake sa 'min sa loob ng gubat na 'to.

"'Di ba sabi mo naghihikahos na si Aling Pulana? Ba't parang tahimik dito? Wala bang gustong mag-check sa condition niya? Baka puwede pa siyang magamot ng doktor or something," pagsingit naman ni Solci.

Inilapit niya ang kaniyang hintuturo sa labi niya. "Shh! 'Wag kayong maingay. Ganito kasi 'yan, pumunta raw sina Ru-An at Talay sa bahay nila Talay pero sa kasamaang palad ay wala na roon ang kaniyang ina. Nagpulong ngayon ang Tribong Tselese sa kanilang himpilan. At doon ko nakalap ang mga impormasyon.

"Napag-alaman kong tumungo kina Talay si Langas para i-comfort ito. Pero si Talay lang ang nadatnan niya, wala raw do'n si Ru-An. Nang dalhin ni Langas si Talay sa himpilan at tanungin niya kung nasaan si Ru-An, ang sagot ni Talay ay dali-dali raw itong tumakbo pauwi sa kanila dahil nabalitaan niya sa isang Tselese na narinig nito ang palahaw ng kaniyang nanay na si Aling Pulana.

"Nanindig ang balahibo ng ilan nang marinig iyon kay Talay. Talamak daw kasi ang kuro-kuro na isang Ungo si Aling Pulana. At kung totoo man 'yon, sa tingin ko, siya ang umatake sa 'yo kanina, Olin. Grabe 'yong sugat na natamo niya kaya siya nanghihina ngayon. Ayon sa mga Tselese, baka raw malipat kay Ru-An ang pagiging aswang o Ungo. Hindi raw matitigok si Aling Pulana kung hindi niya maisalin kay Ru-An ang sumpa, pero habang buhay naman itong manghihina. At kapag mabalitaan naman natin na patay na ang nanay niya, ibig sabihin n'on ay isa nang ganap na Ungo ang kaibigan ni Talay."

Olin in KahadrasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon