OLIN
Pinapasok kami ni Haring Hestes sa kanilang ginghariang yari sa mamahaling klase ng kristal. Nanalamin pa nga ako sa sahig na inaapakan namin. Nang ilibot ko ang aking paningin ay natanaw ko ang mga bulaklak na nakalagay sa makukulay na mga paso at nakabitay sa magkabilang gilid ng bintana. Hindi rin nakatakas sa 'king mga mata ang malaking chandelier na nakasabit sa itaas namin. May nadaanan pa kaming fireplace nang igiya kami ng kababata ni Solci, si Garam.
Naglakad kami sa pasilyo sa pangunguna ni Garam at huminto sa ikatlong silid. Pumasok agad kami at bumati sa 'min ang malamig na simoy ng hangin, nakabukas kasi ang malaking bintana. Isa-isang nilapitan nina Cormac at Langas ang mga muwebles na nakapuwesto sa gilid ng kuwarto.
Habang si Talay naman ay matamlay na umupo sa paanan ng kamang yari sa pinagsama-samang bulak. Malungkot pa rin siya sa nangyari kay Ru-An at sa pagkawala ng kaniyang mama.
Si Solci? Hayun, tinawag ni Haring Hestes.
"Magpapahinga na ba kayo o gusto n'yong maligo sa swimming pool?" usisa ni Garam, suot ang malapad na ngiti. Kulay asul ang kaniyang mga mata, matangos ang ilong, may patusok na tainga, kulay-krema ang kaniyang buhok, at balot ang kaniyang katawan ng pinagsama-samang kulay berdeng dahon.
"May swimming pool dito?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Cormac sa Banwaanon.
Tumango si Garam. "Of course!"
"Ano iyon?" Kumunot ang noo ni Langas habang unti-unting umupo sa kama, katabi ni Talay.
Humagikhik si Cormac. "Palanguyan," tugon nito. "Wala talaga sa bokabularyo mo ang salitang ligo, 'no?"
Hindi na 'ko nagulat na may swimming pool dito sa gingharian ng mga Banwaanon dahil naikuwento na sa 'min ni Solci na nakuha nila ang kultura sa kabilang parte ng Kamariitan, ang mundo namin. Katulad din namin kung magsalita ang mga Banwaanon dahil paminsan-minsan din silang bumisita sa mundo namin, nagpapanggap bilang tao, at nakihalubilo sa 'min nang 'di namin alam. Ayon pa kay Solci, mayaman din daw sila at kapag may nagustuhan silang mga tao o kapag may tumulong sa kanilang mga tao, hinahandugan nila ito ng maraming ginto.
Mababait talaga ang mga Banwaanon. Pero may mga masasama rin namang engkanto na tinatawag na Dalaketnon. Sinasabing paubos na raw ang lahi nila at nagtatago na sila ngayon sa mga liblib na lugar dito sa Kahadras saka may ilang lumikas sa normal na mundo.
'Di nagtagal, sumama na sina Cormac at Langas kay Garam papunta sa swimming pool. Hindi ako sumama kasi pagod ako. Kailangan kong humiga at kailangan kong analisahin kung bakit ko nga ba nagagamit ang kapangyarihan ni Sinrawee. Bukod pa ro'n, wala ring kasama rito si Talay. Nag-aalala ako sa kaniya kasi hanggang ngayon ay hindi pa rin napapawi ang lumbay sa kaniyang hitsura dahil do'n sa makadurog-pusong eksena nila Ru-An, at siyempre sa nanay niya.
"May sinabi ba si Manoy Bundiyo kung nasaan ang nanay mo?" basag ko sa katahimikang naghahari dito sa apat na sulok ng silid.
Umiling lang siya bilang sagot. Tumindig siya, ipinagkrus ang mga braso sa harapan ng dibdib, at naglakad nang dahan-dahan palapit sa nakabukas na bintana. 'Di nakaligtas sa paningin ko sina Saya, Alog, at Lish na ngayon ay natutulog na.
Hinubad ko ang gula-gulanit kong balabal, humiga sa kamang yari sa bulak, at saka nilunod ang sarili sa pagmumuni-muni. Sumagi sa 'king isipan 'yong alaalang dumalaw sa 'kin pagkatapos kong hagkan si Solci kagabi.
Nagkita na kami ni Solci no'ng bata pa kami? Pero imposible kasi 'di naman ako nagpunta rito sa Kahadras no'ng bata ako, eh. Lumaki kaya ako sa Maynila 'tapos lumipat sa Cebu. Pero ano 'yon? Ano'ng ibig sabihin n'on?
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasi[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...