Chapter 6 - Reek of Tustos

71 5 17
                                    

OLIN

"Totoo bang masarap ang mga taga-Melyar?" nakangising tanong ni Langas sabay taas ng kaniyang sundang.

Nagkatinginan kami ni Talay at sabay na napalunok ng laway. 'Tapos, tumango-tango kami sa isa't isa na animo'y nagkausap kami gamit ang isip. Tumalikod kami at akmang tatakbo nang biglang humagalpak ng tawa ang pangit at mabantot na nilalang dahilan upang mapatingin ulit kami sa gawi niya.

"Biro lang, mga kaibigan," pagbawi niya. Pagkatapos, nilagay niya ang dala niyang sundang sa lalagyan nito na nakasabit sa kaniyang baywang. "Gusto ko nga palang humingi sa inyo ng paumanhin," dagdag pa niya na ikinakunot ng noo ko.

"Para saan?" tanong ko.

"Ang totoo niyan, ako ang gumising sa Tambaluslos kanina. Wala kasi akong magawa kaya naisipan kong magpahabol sa kakatwang halimaw na iyon," pag-amin niya at kaagad na nag-iwas ng tingin. May nahihimigan akong kalungkutan sa bawat salitang lumabas sa kaniyang bibig.

Siguro, para kay Langas, nakalulungkot ang mag-isa lalo pa't hindi niya gustong maging ganiyan ang hitsura niya at katakutan ng mga tao. 'Di siguro siya sanay na walang nakasasalamuhang normal na naninirahan dito sa Kahadras.

"Ayon kay Ginoong Mounir, ang asul na salamangkero, alam mo raw ang pasikut-sikot sa buong Kahadras. Puwede mo ba kaming samahan patungo sa Kagubatan ng Sayre?" walang paligoy-ligoy na sabi ni Talay. Umupo siya para maging kapantay na niya si Langas at saka pasimple niyang inilagay sa lupa sina Saya, Alog, at Lish na nakalagay sa nirolyong balabal.

Tumingin si Langas kay Talay saka napabuntonghininga. "Bukas na natin iyan pag-usapan. Bukas ko na ibibigay ang pasya ko. Sa ngayon, magpapahinga muna ako sapagkat napagod ako kaiikot sa kagubatan. Dito lang pala tayo magpapalipas ng gabi sa harapan ng gingharian ng Porras. Sira na kasi ang kahariang iyan."

Tumango-tango na lang kami ni Talay. Wala rin naman kasi kaming magagawa. 'Di naman namin siya puwedeng pilitin o kulitin, baka kung ano pa ang gawin niya sa 'min. May dala-dala pa man din siyang sundang.

Sobrang bilis lang ng oras at nagpaalam na nga sa 'min ang araw saka pumalit dito ang malaki at kulay dilaw na buwan kasama ang mga kampon nitong kumukutitap na bituin. Sinakop na ng kadiliman ang buong lugar kaya namulot kami ng mga baling sanga sa harapan ng kagubatan sa tulong ng liwanag na nagmumula sa buwan. 'Tapos, gumawa agad kami ng apoy nang sapat na ang nakolekta naming kahoy.

Sumandal kami ni Talay sa nakahigang katawan ng isang kahoy habang nakatitig sa apoy. Kanina, ginawa niyang plorera ang isa sa mga lalagyan namin ng tubig. Nilagyan niya ito ng kaunting lupa at inilipat niya roon sina Saya, Alog, at Lish na ngayon ay masigla nang gumagalaw-galaw ang kanilang mga tangkay habang binubuhusan ng tubig.

Wala pa rito si Langas kasi ginagalugad pa niya ang masukal na kagubatan para manguha ng prutas na aming kakainin. Gusto ko sana siyang samahan pero sabi niya, kaya niya na 'yon mag-isa at saka puwede naman daw siyang umakyat ng puno 'pag umatake na naman ang Tambaluslos.

"Curious lang ako," sabi ko. Ako na ang nangahas na sumira ng katahimikan sa pagitan namin. "Ano ba talaga ang nangyari kay Langas? I mean, sino ba talaga siya at bakit siya nagkagano'n? Sino'ng nagsumpa sa kaniya?" sunod-sunod na tanong ko sa kanila.

"Rumor has it that he's a womanizer," ani Lish.

"Tinuod na," gatong naman ni Saya.

["Totoo 'yan."]

"Hayaan n'yong si Talay ang magpaliwanag," biglang sumabat si Alog. "Alam kong may alam siya sa kuwento ng isinumpang nilalang na si Langas. 'Di ba, Talay? Usap-usapan kaya 'yan sa buong Melyar."

Olin in KahadrasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon