OLIN
"Gusto kong malaman ng iba ang mala-paraisong mundo na nadiskubre ko," pirming wika ni Cormac.
Namilog ang mga mata ko dahil sa sinambit niya. Ilang sandali pa'y tuluyan na 'kong tumayo, suot ang lukot na mukha. "Cormac, nababaliw ka na ba?" paghihimutok ko, ang parehong kamay ay tapon doon at tapon dito. "Hindi mo puwedeng gawin 'yon kasi delikado! Manganganib ang buhay ng mga taga-rito! 'Pag nalaman ng mga tao sa mundo natin ang tungkol sa Kahadras, alam kong gagawa sila ng hakbang para makapunta rito at lilikha 'yon ng gulo. 'Di mo ba naisip 'yon, ha?" singhal ko.
Nagtiim ang kaniyang bagang, ang mga kamay niya'y nalipat sa magkabilang kili-kili, at saka nag-iwas ng tingin. "Wala ka kasabot nako, Olin, maong naingon na nimo," katuwiran niya.
["Hindi mo 'ko naiintindihan, Olin, kaya mo 'yan nasabi."]
Lumapit ako kay Cormac, hinawakan ang kaniyang mga balikat, at pinaharap sa 'kin dahilan upang magtama ang aming mga mata. "Naiintindihan kita, Cormac. Naiintindihan ko ang pinanggagalingan mo," mahinahon kong pagkasabi. "Hindi ko in-invalidate ang struggle mo sa buhay. Normal lang sa tao ang mag-explore ng iba't ibang bagay. Okay lang na matalo o hindi makamit ang inaasam-asam na titulo. Natural lang na panghinaan ng loob minsan at kuwestiyunin ang sariling halaga o kakayahan. Pero, tama bang isiwalat mo ang tungkol sa mundong 'to para lang dumami ang followers mo? Ayos lang na isipin mo ang sarili mo, pero minsan ay kailangan mo ring ikonsidera ang mga taong nakapaligid sa 'yo sa ilang desisyon mo."
Hindi siya makasagot sa halip ay nakatitig lang siya sa 'kin.
"Hindi ka nauubusan ng oras. 'Wag kang magmadali, wala kang kakumpitensya. Marami ka pang panahon. Marami ka pang matutuhan sa buhay saka mahahanap mo rin ang bagay na gusto mo at kung saan ka talaga magaling. Hindi mo kailangang pilitin. Hindi mo kailangang madaliin. Ang lahat ay tumatakbo sa sarili nilang karera. Hindi ka nahuhuli at mas lalong hindi ka maaga. Nasa tamang oras ka."
Muli, may namuong luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Itinulak niya ako nang kaunti saka tuluyan na siyang lumayo sa 'kin. Naglakad siya palapit sa ilog at nagtapon ng mga bato roon dahil sa poot.
Akmang susundan ko siya para kausapin ulit pero kaagad akong pinigilan ni Talay.
"Hayaan mo muna siya, Olin," sambit niya at binigyan ako ng maliit na ngiti.
"Hayaan?" hindi makapaniwalang saad ko. "Talay, manganganib kayo rito kung itutuloy niya ang plano niya."
Napabuga siya ng hangin. "Alam ko," tahasan niyang sabi. "Pero hayaan mo lang siyang mapalapit sa mga tao rito at mapamahal sa lugar na ito. Sa huli, alam kong mapagtanto niyang hindi tama ang kaniyang ninanais, at maiisip niyang hindi niya kami kayang ipahamak."
Nakahahawa ang ngiti niya kaya uminat na rin ang aking mga labi. "Ang bait mo talaga, Talay. Nagulat nga ako kahapon kasi tinawag mo 'kong 'tanga.'"
"Tanga ka, eh," bulalas niya at nagpakawala ng halakhak. Tumawa na rin ako.
Pabiro niya akong hinampas sa balikat 'tapos gumanti naman ako kaagad. Kaya lang, medyo napalakas kaya muntikan na siyang matumba. Mabuti na lang at nahawakan ko agad ang kaniyang baywang saka kumapit naman siya sa braso ko. Pagkatapos, dali-dali naming binitawan ang isa't isa saka sabay na lumikot ang aming mga mata.
"Ano 'yon, ilog?" maang-maangan ko.
Nang kumagat ang dilim ay tuluyan nang lumapit sa 'min si Cormac, pero 'di pa rin siya kumikibo. Inilatag namin ni Talay ang mga dahon ng saging sa lupa para higaan. 'Buti na lang at maraming dala si Langas no'ng lumabas siya sa kakahuyan. 'Tapos, hinubad namin ni Talay ang aming balabal para gawing kumot. Bale napagitnaan kaming dalawa nina Cormac at Langas.
BINABASA MO ANG
Olin in Kahadras
Fantasy[FINISHED - VOLUME 1] Categories : Mythological Fantasy • Isekai • Adventure • Action By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell? Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, pr...