(Adele Medina POV)
Sumapit ang hatinggabi. Kung anu-ano nang ginawa ko para aliwin ang sarili ko. Nakakaburyo! Bakit ba hindi ako sumama kay Sandra? Siguro ang saya-saya 'nun sa paghahasik niya ng lagim.
Para may magawa ako, inisa-isa ko na lang ang mga kalapit-puntod ko. Kinatok ko ang mga lapida nila, "Tao po—este multo po!" at nag-abang kung babangon ba sila. Kaso na-realize ko, baka nakatawid na sila. E 'di wow! Sila na ang nasa tahimik na lugar!
Muli akong nagbalik sa aking puntod. Nahiga ako sa damuhan para panoorin na lamang ang mga bituing nagkikislapan sa langit. Kahit papaano ay napangiti ako. Hindi ko kasi ito nagawa noong buhay pa ako. Bawal kasi ako noon na magpagabi dahil baka raw mahamugan ako at magkasakit pa.
Sobrang strikto at boring ng naging buhay ko pero ngayon, wala nang bawal. Ni hindi na ako mapapagod, magugutom, aantukin o mao-ospital. Lahat ay pwede ko nang gawin—'yun nga lang ay wala akong gana para doon.
Napapikit ako at nagmuni-muni na lamang. Pero agad na nasira ang moment ko nang may tumapat na ilaw sa mukha ko. Akala ko sinusundo na ako ng langit pero false alarm. Pinaasa lang ako!
'Yung liwanag ay galing pala sa headlights ng isang puting van at saka nagbabaan ang tatlong pasahero nito.
"Sigurado ba kayong dito siya inilibing?"
"Oo, boss! Nagmanman kami rito habang inililibing siya kanina."
"Nandoon po ang pwesto niya, boss!"
Nagulat ako nang tumigil na sila sa paglalakad at sa harap pa mismo ng puntod ko. "Anong meron? Sino kayo?"
Tatlong lalaki sila. Ang dalawa ay may edad na pareho. Sa tancha ko ay nasa mga 40's na at naka-itim na mga damit. Mukha sila myembro ng sindikato na napapanood ko sa TV at may bitbit pa silang piko at pala.
'Yung lalaking tinatawag naman nilang boss ay 'di hamak na mas bata at 'di hamak na mas pogi rin. Siguro, hindi nalalayo ang edad niya sa Ate Giselle ko. Gamit ang flashlight na hawak ng binatang ito, binasa niya ang pangalan ko sa lapida, "Adele Medina."
"Oo, ako nga 'yun."
Nagulat at na-touch ako sa sunod niyang ginawa dahil bigla na lamang siyang lumuhod binata at nag-alay ng dasal para saakin.
Medyo kinilig naman ako. "Kilala ko ba ang poging 'to? Bakit kaya niya ako dinadalaw?"
Kaso, short lived lang ang kilig—parang buhay ko. Ang bilis natapos. Ouch. Pagkatapos kasing magdasal ni pogi, pumagilid na siya at nagbigay-utos na sa mga tauhan niya, "Sige na, hukayin niyo na yan."
"Hukayin? Huhukayin niyo ako? Don't tell me mga magnanakaw kayo?"
Ang dami kong tanong na alam ko namang hindi nila masasagot dahil hindi nila ako nakikita at naririnig. Pero obvious naman na talaga ang balak nila. Sinimulan na nilang hukayin ang puntod ko para nakawin ang aking bangkay!
Nagsimula na akong mag-panic. "Tulong! May magnanakaw ng katawan ko! May multong pulis ba dyan! Tulungan niyo ako!"
Tinulak, sinuntok at tinadyakan ko na nga rin sila, kaso walang epekto. Tumatagos lang ako.
"Wala na bang ibibilis 'yan?" utos naman ni poging boss nila na wala namang ginagawa. Nakatunganga lang.
"Malapit na boss!" sagot ng isa sa mga tauhan niya ngunit sabay bulong, "Naduduwag lang yata 'to eh."
"Halata nga. Atat na atat."
Mukhang sanay ang dalawang taga-hukay sa ginagawa nila dahil ang bilis nilang natapos. Tumambad na ang aking ataul at dahan-dahan ay binuksan nila ito.
"Ano ba talagang balak niyo sa katawan ko? Hindi naman yari sa ginto mga buto ko ah!"
Sandali namang tinitigan ng boss nila ang itsura ko. Napatakip siya ng kanyang ilong at, "Sige na, dalhin niyo na siya." atat nang utos nito.
"Saan niyo ba ako dadalhin?" Naglulupasay na ako pero tuloy pa rin ang mga magnanakaw sa pagbuhat sa katawan. "Waaaaaah! Ibaba niyo ang bangkay ko! Ibalik niyo ako sa libingan ko!"
Ang careless pa 'nung isa at nabitawan niya ako. Bumaldog ang ulo ko doon sa lupa pero mabuti na lang hindi ko na ramdam 'yun. Kaso nakita ni poging boss nila ang nangyari at binulyawan sila pareho.
"Hey! Ingatan niyo naman siya. Kapag 'yan nabasagan ng bungo, babawasan ko ibabayad sa inyo."
Tagumpay sila na isakay ang bangkay ko sa loob ng kanilang van. Pero bago sila umalis, nagpaalam naman ang isa sa kanila. "Mauna na kayo, boss. Lilinisin at ibabalik ko lang ulit sa dati 'yung puntod para walang maghinala."
"Okay, tara na! Kanina pa nila tayo hinihintay!"
Pasakay na rin sana ako, kaso nasaraduhan na ako at agad na humarurot paalis ang sasakyan. "Ang bangkay ko..."
Tuluyan na itong nakalayo paalis. Pero pumikit lang ako at nag-concentrate sa kinaroroonan ng bangkay ko. Pagmulat ko, nasa loob na ako ng van kasama ang mga magnanakaw. May kausap naman 'yung poging boss sa phone.
"Hello Mommy... yes, nahanap na namin siya. She's in good condition. We'll be there, ASAP."
"Saan niyo ba talaga ako dadalhin?" nag-aalalang tanong ko kahit alam kong hindi naman nila ito masasagot.
* * *
Halos one hour din ang naging byahe. Ramdam kong tense na tense na ang poging boss dahil panay ang check niya sa wrist watch niya, and then sa mga texts na nare-receive niya, tapos ay lilingon ulit siya sa bangkay ko.
Tumigil rin sa wakas ang pag-andar ng sinasakyan namin at nalaman kong sa isang Chinese Temple nila akong dinala. Binayaran na ng poging boss ang tauhan niya at saka bumaba.
Isang mag-asawa naman ang sumalubong sa kanya. Mukha silang Chinese-Filipino, at tinawag na nila sa pangalan ang poging boss.
"Xian!"
So that's his name! Xian pala! Pati pangalan ang pogi! Sayang lang, magnanakaw! Nakipag-beso siya sa mag-asawa. Turns out na parents pala niya ang mga ito.
"Where is she?" Excited naman na tanong ng mommy niya. I think ako na ang tinutukoy niya.
Binuksan ni Xian ang van at ipinasilip ako sa parents niya. Halos maiyak-iyak sa galak ang mag-asawa at, "Oh my... she's beautiful!" anang Mommy niya.
"Thank you." Partida, patay na ako.
"What's her name?"
"Adele Medina." sagot naman ni Xian.
"Paniguradong matutuwa si Louie," comment naman ng daddy niya.
Wait! Sino si Louie? At bakit siya matutuwa?
"Anyway, dapat ayusan na siya! At ikaw naman Xian, magbihis ka na rin!"
May iba pa silang mga katulong at tauhan na nagtulung-tulong upang marahan buhatin ang aking bangkay.
Gusto ko pa rin sanang sundan kung saan mang lupalop nila balak dalhin ang katawan ko. Pero may kung anong nagaganap naman sa loob ng templo na nakatawag sa atensyon ko.
Parang hinahalina talaga ako na pasukin ito at pagdating ko sa loob, napanganga na lang ako sa naabutan ko. "A—ano bang nangyayari?"
BINABASA MO ANG
Match Made After Life ✔
Romance[PUBLISHED UNDER PSICOM: Available at all leading bookstores nationwide] ‘Where there is love, there is life.’ Pero paano makakahanap ng LOVE kung maagang nawalan ng LIFE?