Chapter 14

15K 924 101
                                    


(Adele Medina POV)


Oras na ng hapunan para sa pamilya Chua. Naabutan namin sina Xian, Mommy at Daddy ni Louie na pare-parehong tulala sa harap ng lamesa. Grabe yata talaga ang trauma na ibinigay namin sa kanila.

Nang ihain na ang pagkain nina Manang El at Adora, kahit papaano ay natuwa rin ang mga ito. Kaso parehong alam namin ni Louie na hindi rin magtatagal ang saya nila.

Humigop ng miso soup ang kanyang Daddy pero, "Pweh! Lasang suka!"

Pansit naman ang sinubukang kainin ng kanyang Mommy, "Ahh! Ang anghang!"

At nang tikman naman ni Xian ang ulam nilang chopsuey, "Bakit sobrang alat! Ano ba 'to, Manang El?"

Maski sina Manang El ay hindi makapaniwala sa reklamo ng buong pamilya. Matagal na siyang nagluluto kaya imposible raw na pumalpak siya! Pero nang tikman na nila ang mga nilutong putahe, maging sila ay hindi ito nasikmurang kainin.

"Naku, Manang El! Sabi sa inyo kakaiba na 'to eh!" napakapit si Adora sa kanya. "Kagagawan talaga 'to ni—"

"Shhh!" mabilisang saway sa kanya ni Manang El.

"Kagagawan nino?" nagtatakang tanong naman nina Mr. & Mrs. Chua.

Ito na ang cue namin ni Louie. Nagpunta ako sa switch ng ilaw at pinatay-sindi ito. Sinadya namang galawin ni Louie ang upuan na dating pwesto niya noong nabubuhay pa raw siya. 

"Kagagawan nina Louie at Adele!" napasigaw na si Xian.

Dinala na namin ang palabas sa kanilang living room. Bawat gamit ng madaanan namin ay pinagbabagsak namin. Pinalamig din namin ng sobra ang temperature sa loob. At syempre, salitan kami sa pag-iyak at sigaw para mas bongga.

Nagtungo na rin ang buong pamilya Chua sa sala upang tignan ang kaganapan. Nag-group hug na nga sila sa sobrang takot.

"Louie! Anak! Ano bang gusto niyo ng asawa mo?" tanong ng kanyang Mommy.

May maliit na burial altar sila at 'yun na ang nilapitan namin. Hinawi namin ang mga alay nila doon. Saka namin kinuha ang isang picture frame kung saan may litrato ng mga bangkay namin ni Louie na magkasama. Binasag namin ito at sobrang sakto na nahati ito sa dalawa.

Tuluyan naming pinatayan sila ng ilaw. At dahan-dahan, muli namin silang nilapitan. Bumulong si Louie sa kanyang mga magulang, "Ipawalang-bisa niyo ang kasal."

Samantalang kay Xian naman ako bumulong, "Isaoli niyo ang katawan ko."

At bilang finale, sabay kaming nag-aparisyon ni Louie. Kunwari talaga ang seryoso ng mga mukha namin kahit na tawang-tawa na kami sa mga pinaggagawa namin.

"Tama na! Gagawin na namin! Gagawin na namin!" sabay-sabay nang lumuhod ang buong pamilya Chua. Nagmamakaawa sila at nagdarasal na tigilan na namin ang pagpaparamdam.

'Yun lang naman din talaga ang hinihintay namin. Nang sabihin na nila ang magic words, unti-unti na kaming naglaho ni Louie sa kanilang paningin upang muling manumbalik sa normal ang lahat.

Operation Takutin ang Pamilya Chua is finally done! Mission accomplished! Pack-up time na!

* * *

Walang pagsidlan ang saya namin ni Louie ngayong nagtagumpay kaming ipahatid ang mensahe sa kanyang pamilya. Pero imbes na mag-celebrate, medyo nakaramdam din kami ng lungkot.

"Paghihiwalayin na nila tayo," hindi ko maipinta ang itsura ni Louie.

Hindi ko nga alam kung ganun din ba ang itsura ko kaya nagkunwari na lang akong ngumiti, "Ano ka ba! Okay nga 'yun! Ibig sabihin, makakabalik ka na sa langit!"

"Pero paano ka? Hindi pa natin alam kung anong unfinished business. Dapat sabay tayo, 'di ba?"

Gustuhin ko mang um-oo sa sinabi niya, mukhang wala na rin naman kaming magagawa. Bukod doon, nagmamadali na rin ang pamilya niya.

Walang sinayang na oras ang mga Chua at nagtungo na agad ang mga ito pabalik doon sa Chinese Temple kung saan isinagawa ang ghost wedding.

Nang sabihin nila sa mga monghe ang nangyari sa kanilang mansyon, naalarma ang mga ito at sinabing dapat na ngang paghiwalayin kami. Muli na naming nakita ang mga bangkay namin ngunit nakabalot na ito sa mga kumot dahil nagsisimula na raw maagnas.

Panibagong ritwal na ang isinagawa nila. Ang sabi ni Louie, "Iyan na yata ang tinatawag nilang Separation Ritual." In short, Ghost Divorce!

At habang pinapanood din namin sila, para bang may hindi tama sa pakiramdam ko. Pero ano 'yun? At bakit ganito ang nararamdaman ko? Ito naman ang gusto namin, 'di ba? Ito naman ang gusto ko.

"Adele," biglang inagaw ni Louie ang atensyon ko. "Hawakan mo ako," sabi niya na para bang nagmamakaawa din.

Inabot ko naman ang kamay niya. Mahigpit ang kapit namin sa isa't isa. Hindi ko pinapahalata sa kanya na kabadong-kabado rin ako.

Ilang sandali pa, muling humarap ang Mommy at Daddy bilang mga representatives daw namin. Sila ang nagtanggal sa mga singsing sa aming bangkay.

Hindi rin namin namalayan na nagkabitaw na kami ni Louie.

"Louie..." muli ko sanang aabutin ang kamay niya ngunit nang mapatingin ako sa kanyang reaksyon, nakatulala na ito sa isang direksyon—sa langit. "Louie!"

"Nakikita mo ba, Adele?"

"Ang ano?"

"Ang liwanag... napaka-ganda!" saka lang niya inilahad ang kanyang kamay. "Tara na! Sinusundo na nila tayo!"

Hindi ko makita ang liwanag na tinutukoy niya. Wala rin akong makitang sundo o ano man.

"Adele? Ano pang ginagawa mo? Sabay na tayong tumawid."

Si Louie na ang kusang lumapit sa akin. Ngunit nang abutin niya ang kamay ko, tumagos na lamang ito.

Isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi pa ako makakatawid sa langit. Hindi kami pwedeng magsabay.

"Adele!" nag-panic na siya. Kung kanina, kamay ko lang ang pilit niyang inaabot, ngayon ay parang gusto na niya akong yakapin. Pero kahit ano pang gawin niya, oras na ng kanyang paglisan na hindi ako kasama.

Unti-unti na siyang naglalaho sa aking paningin, "Adele!" at pangalan ko ang huli niyang binanggit bago siya tuluyang nabalot ng liwanag.

At nang maiwan akong mag-isa, napangiti na lang ako. "Sa wakas, nasa langit na ulit siya." Ang hindi ko lang lubos na maintindihan, bakit may luhang pumapatak sa aking mga mata?




Match Made After Life ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon