(Adele Medina POV)
Dahil pareho kami ni Louie na wala namang alam sa pananakot, isang multo lang ang naisip kong pwede naming lapitan. Sa naaalala ko lang din, libre pa siyang nag-alok na turuan akong manakot—si Sandra!
Agad akong nag-aya na magpunta kami ng sementeryo. Ayos nga ang naging byahe namin dahil pwede kaming lumipad. Walang pagod, wala pang pamasahe at wala pang traffic!
Nang makarating na kami roon, agad na naming sinimulan ang paghahanap sa kanya.
"Siya nga pala, nakalimutan ko palang itanong kanina," medyo nahihiya pang saad ni Louie. "Anong pangalan mo?"
Naisip ko rin, kanina pa kami magkasama at siya nakilala ko na pero ako, nakalimutan kong magpakilala! I guess nasanay na lang ako noong nabubuhay pa ako na basta estranghero, hindi ko na kailangang kilalanin.
"Adele Medina." pakilala ko sa kanya.
"Adele?" tapos napaisip siya at bigla na lang kumanta, "We could have had it all, rolling in the deep..." saka siya tumingin sa reaksyon ko. Nang mapansin niyang hindi ako natawa, napayuko na lang siya at saka bumulong, "Ay grabe. Hanggang dito ba naman, walang natatawa sa joke ko."
Nang sabihin niya 'yun, saka pa lang ako natawa—dahil na rin sa awa ko sa kanya. "Pasensya ka na. Noong buhay pa kasi ako, laging binabanat sa akin ng mga taga-ospital ang joke na 'yan dahil nga Adele ang pangalan ko. Gasgas na kumbaga."
"Speaking of ospital, doon din tayo unang nagkita, 'di ba? Akala ko noong mga oras na 'yun, anghel ka na sumusundo saakin."
Palihim akong napangiti noong naalala ko ang eksenang 'yun. At talagang hindi niya rin nakalimutan! "Pareho tayong kaluluwa na lang noon."
"Sinong mas naunang namatay saatin?"
"Ewan ko. Parang sabay yata tayong namatay."
"Grabeng coincidence, noh? Tapos sa dami ng pwedeng gawing ghost bride ng mga magulang ko para saakin, ikaw pa talaga ang napili nila."
Grabeng coincidence nga talaga! Bakit kami pa ang pinag-match nila?
"Ano nga palang ginagawa natin dito?" biglang bago niya ulit ng usapan.
"Hindi ba sabi mo magmu-multo tayo? Kailangan natin ng expert's advice para takutin ang pamilya mo. May kilala akong magaling manakot."
"Kaibigan mo?"
"Nakilala ko lang din siya dito sa sementeryo. Sabi niya, basta kailangan ko siya, tawagin ko lang daw siya at darating siya."
Tamang-tama at sa wakas, natagpuan ko na rin siya. "Ayun siya! Sandra!!!"
Nakita naming nakalutang si Sandra—or more like nakasabit siya sa puno. 'Yung mahabang buhok pa niya mismo 'yung kunwaring lubid na nakatali sa kanyang leeg. Nakatirik na naman ang kanyang mga mata at nakalabas pa ang dila.
Nanindig ang balahibo ko sa itsura niya pero mas malala ang naging reaksyon ni Louie. Napakapit siya sa balikat ko at nanigas na parang estatwa.
"Oh? 'Wag mong sabihing natatakot ka?"
"Siya ba 'yung gumanap na Sadako sa 'The Ring'? Kamukha niya kasi eh!"
Natawa ako at napabulong na lang sa sarili, 'Hala ka. Siya ang nag-suggest na manakot tapos siya naman palang no.1 duwag.' Pero para palakasin ang kanyang loob, hinila ko na siya palapit kay Sandra.
"We're on the same side, Louie. Kaibigan si Sandra!"
Imbes ako ang babae, ako pa tuloy ang naglakas-loob na unang lumapit kay Sandra. Sa likod ko naman nagtatago at nakasunod si Louie.
"Sandra!"
"Adele! Why hello!" saka gumalaw ang ulo nito na may kasabay pang tunog na parang nababaling buto. "At may kasama ka na? Bagong salta 'din?"
"Siya nga pala si Louie," saka ko siniko si Louie para humarap at magpakilala. "Batiin mo siya."
"He—hello..."
May kakaibang spark sa mukha ni Sandra. Sadya pang may lumabas na dugo nang ngumiti siya para bumati rin. "Hello Louie boy! Welcome to the other side!"
"Hihingi sana kami ng tulong sayo."
"Tulong? Anong klaseng tulong?"
"Pwede bang turuan mo kaming manakot?"
Pagkasabi ko pa lamang 'nun, nakita ko mas lalong bumalot ang itim na aura kay Sandra. Lumutang-lutang pa ang buhok niya na parang galamay ng pusit sa tubig! Basta takutan talaga, excited siya!
* * *
Upang mas maintindihan ni Sandra ang dahilan namin kung bakit gusto naming matutong manakot, ikinwento namin sa kanya ang mga pangyayari. Simula noong may naghukay at nagnakaw sa katawan hanggang doon sa kasalan at muling pagbabalik ni Louie dito sa lupa.
"Aha! Parang arranged marriage pala ang peg ng kwento niyo. Pero may horror twist lang para maiba!"
"At dahil sa nangyari kaya naudlot 'tong pagtawid sana ni Louie sa langit."
"I feel sad for you, boy. Pero bakit mukhang hindi ka naman sad?"
Hindi talaga sad si Louie dahil scared siya! Kaluluwa na nga at lahat, putlang-putla pa siya sa takot. Hindi siya makatingin ng diretso kay Sandra dahil in character pa rin ito sa pag-aala Sadako niya.
Binulungan ko na nga lang ito para pakiusapan, "Sandra, baka naman pwedeng paki-tone down na 'yang dark aura mo. Tsaka ano ba 'yang mata mo? Palabasin mo naman 'yung itim! Tignan mo, umiiyak ka na tuloy ng dugo."
Sa hina na ng boses ko, narinig pa rin ito ni Louie at napatakip siya ng tainga. Grabe, nangangatog na talaga sa takot!
Mabuti na lang at may kunsiderasyon itong si Sandra. Sandali siyang tumalikod at sa muling pagharap niya, normal na ang ayos niya—normal nga ba?
"Louie!" tinapik ko ang duwag sa kanyang likod. "Ayos na. Hindi na siya nakakatakot."
Dahan-dahang kaming nilingon ni Louie. Nagdadasal pa itong bumwelo bago tumingin kay Sandra. "Oo. Tulad nga po ng lahat ng sinabi niya, kailangan namin ng tulong niyo." Wow ha. Ang dami niyang sinabi.
Sandali namang napaisip si Sandra. Hinihimas-himas pa niya ang kanyang mahabang buhok at, "Ayaw niyo ba munang enjoyin 'yan?" wika niya.
"Ha?" nagkasabay kami ni Louie. "Anong ie-enjoy namin?" dagdag na tanong ko naman.
"Kasal na kayo! At parang bagay naman din kayo." saka niya kami hinawakan pareho sa balikat upang paglapitin pa. "Bagay nga! Bakit hindi niyo muna i-enjoy ang married life—I mean, married after life! Hihihi!"
Minsan hindi ko rin ma-gets ang humor nitong si Sandra. "Sandra, seryosong usapan kasi 'to."
"Seryoso naman din ako! Bagay kayo!"
Sandali kaming nagkatinginan ni Louie, at umiwas din agad ng tingin dahil sa hiya. "Tuturuan mo ba kami o ano?" nahihiyang tanong ko na lang.
"Syempre naman tuturuan ko kayo! Tinutukso ko lang dahil malay niyo, may ma-develop! Ahihihihi!"
Dahil sa panunukso niya, mas lalo akong nahiyang tignan si Louie! Pero pansin ko pa rin sa peripheral vision ko na napapakamot na lang din siya sa ulo.
"Madali lang naman manakot. Kung nanonood kayo ng horror movies, 'yung mga kayang gawin ng mga multo 'dun ay kayang-kaya niyo ring gawin sa totoong buhay—este totoong patay pala."
Saka siya lumapit saamin para akbayan kami pareho.
"Don't worry, ako nang bahala sa inyo!"
BINABASA MO ANG
Match Made After Life ✔
Romance[PUBLISHED UNDER PSICOM: Available at all leading bookstores nationwide] ‘Where there is love, there is life.’ Pero paano makakahanap ng LOVE kung maagang nawalan ng LIFE?