(Adele Medina POV)
Nalibot na namin ang buong mansyon ni Louie. Buhay prinsipe pala ang mokong na 'to sa sobrang yaman nila! At parang mahirap mag-multo dito dahil sa sobrang laki at madalas ay hiwa-hiwalay pa ang kinaroroonan ang natitirang myembro ng pamilya.
Pero tuloy pa rin ang balak namin na manakot mamayang gabi. May nakahandang plano na kami.
Habang naghihintay, tumambay na lang kami sa isa sa mga kwarto. Hindi ko napigilan na mangialam sa mga photo album na maayos na naka-stock sa bookshelves na naroon. Nakakita ako ng family picture na kumpleto ang mga Chua.
"Ang pogi mo pala 'nung buhay ka pa." noong unang beses kasi sa nakita ko siya na hindi pa siya multo, duguan siya at nag-aagaw buhay na.
"Hanggang ngayon naman ah! May nagbago ba sa itsura ko?"
"Sabog kasi 'yung bungo mo sa likod. 'Yan yata 'nung nasagasaan ka."
"Ha? Sabog?" Nagpanic siya at napakapa sa likod ng kanyang ulo. "Nasaan? Saan?"
Natawa na lang ako. Ang utu-uto! "Hahaha! Joke lang! Pero mas pogi ang Kuya Xian mo kaysa sa 'yo."
"Napo-pogi-an ka 'dun? Paalala ko lang, siya ang nagnakaw sa bangkay mo."
"At ano namang kinalaman 'nun? Pogi pa rin naman siya!"
Saka ako naghalungkat pa sa mga photo album hanggang sa maka-jackpot ako at makahanap ng mas marami pang pictures ni Xian.
"Oh kitams! Ang gwapo niya talaga! Iba eh!" hindi ko naitago ang kilig ko. Si Xian talaga ang tipo kong lalaki. Siguro kung nagkita kami noong buhay pa ako, hindi malayong magka-crush ako sa kanya. Kaso, "Sayang lang dahil patay na ako."
"Hoy, hoy! Kapatid ko 'yang pinagnanasaan mo ah." saway niya sa akin bigla.
"Ano naman? Bawal ba?"
"Technically, ako ang asawa mo kaya pangangaliwa nang matatawag 'yan! Tsaka kaunting respeto naman! Nasa pamamahamay ko pa man din kita."
Napataas ako ng kilay, "Eh kung asawa mo ako, ibig sabihin may karapatan din ako rito!"
"Tss! Amin na nga 'yan!" bigla niyang hinablot ang mga pictures ni Xian at itinago na ito. Saka siya nag-abot ng panibagong photo album at nakita ko ang pagyayabang sa mukha niya, "Iyan na lang ang tignan mo. Puro pictures ko lang ang mga nandyan."
"Ayoko nga! Feeling mo ang cute mo?"
"Cute talaga ako." saka siya nagpa-cute sa harap ko. "Hindi ba?"
Okay fine! Cute naman talaga siya! Pero hindi ko na sinabi para hindi na lumaki ulo niya!
Napagpasyahan kong mahiga na lamang sa kama na naroon. Enjoy nga dahil ang bango, ang lambot at kumportableng higaan nito.
"Siya nga pala, kaninong kwarto ba ito?"
"Sa akin." saka siya lumapit sa akin. "At kama ko 'yang hinihigaan mo!"
"Wag kang mag-alala. Hindi ko inaangkin."
Tumabi na lamang siya sa paghiga.
Sumunod ay katahimikan. Pareho na lamang kaming nakatitig sa kisame.
Nagpapakiramdaman kami at hindi ko man sadyain, nakaramdam ako bigla ng kalungkutan. Bipolar na multo na yata ako.
"May ipagtatapat ako sa 'yo, Louie."
Bigla siyang napabangon ng wala sa oras, "Ano?"
Tumingin ako sa kanya at hinawi ko siya upang bumalik siya sa pagkakahiga. Ayokong nakatingin siya sa mukha ko habang sinasabi ko ito, "Alam mo noong nainis ako sayo dahil ang tanga ng pagkamatay mo, ang totoo ay naiinggit lang talaga ako sayo."
Nagulat siya sa sinabi ko at, "Bakit naman?" 'yun lang ang naitanong niya.
"Naiinggit ako sa 'yo dahil kahit namatay ka na, at least na-enjoy mo ang buhay mo. Hindi tulad ko."
Sandali akong bumangon ulit upang abutin 'yung photo album niya at saka bumalik sa pagkakahiga. Tapos ay binuklat ko ito para isa-isahin nang tignan ang mga litrato ni Louie simula pa noong kabataan.
Nakakatuwang tignan ang mga litrato niya, pero habang tumatagal ay mas nalulungkot din ako.
"Naiinggit ako kasi nakaranas ka ng mga ganito." Itinuro ko 'yung litrato niya habang naglalaro siya sa labas. "Hindi ko man lang kasi naranasan na makipagtakbuhan at makipaglaro sa labas kasama ang mga kaibigan. 'Yung naarawan ka at nangangamoy pawis kapag umuwi. 'Yung nadadapa at nasusubsob dahil sa kalikutan. Ang saya mo dito oh!"
Saka ako tumingin sa kanya. Kaso hindi ko na rin napigilan ang nagbabadyang luha ko sa mga mata ko kaya minabuti kong umiwas na lang ulit ng tingin.
"Ang gaganda ng mga alaalang iniwan mo sa mga pictures na 'to. Pero ako noong kabataan ko hanggang sa bago ako namatay, puro nasa loob ng bahay at ospital lang ang mga kuhang litrato ko."
Habang sinasabi ko ang mga ito, nagtuluy-tuloy na rin ang luha ko. Ang tanging nagawa ko na lang ay takpan na ang mukha ko.
"Walang nangyari sa buhay ko, Louie. Madalas kong tanungin ang Panginoon kung bakit ganoon ang buhay ko. Walang ups pero maraming downs! Napakadaya! Naiingit ako kasi dahil sa sakit ko, nasayang ang buong buhay ko. Tapos ngayong kahit patay na ako, pagsubok pa rin sa pagtawid sa langit. Hindi ko mapigilang hindi magtampo."
Sa pagkakataong iyon, bigla na akong niyakap ni Louie. At dapat sa mga oras na ito, itinulak ko na siya pero hindi ko ginawa.
Ang tagal ko kasing kinimkim lahat ng sama ng loob ko. Lahat ng hinaing at galit ko sa mundo, nailabas ko rin sa wakas. At kailangan ko si Louie ngayon para i-comfort ako. Pakiramdam ko lang na kung kasama ko siya, magiging okay din ako.
Ilang sandali ko pang ibinuhos ang lahat ng emosyon ko hanggang sa medyo nabawasan rin ang bigat na dinadala ko. Pagkatapos, dahan-dahan ko na ring bumitaw si Louie sa pagkakayakap saakin upang silipin ang mukha ko.
Nakuha pa niyang punasan ang natitirang luha sa pisngi ko bago niya ako nginitian ulit.
"Alam mo, hindi ko rin alam kung ano ang isasagot sa 'yo ng Diyos sa mga tanong mo. Isa lang ang sigurado ko, mahal Niya tayo at mahal ka Niya. 'Wag mong isipin na pinabayaan ka Niya. Ang isipin mo, tinuruan ka Niya kung paano maging matatag ngayon. At naalala mo ba 'yung sinabi mo sa akin doon sa store? Na mas masaya itong ginagawa natin bilang multo? Baka 'yun naman ang purpose kung bakit hinayaan ka Niyang manatili pa muna rito. Para maranasan mo naman lahat ng masasayang pinaggagawa natin, 'di ba?"
Saka niya inabot ang aking kamay. "At sigurado ako na kapag nakatawid na tayo sa langit, hindi na tayo kailanman dadanas pa ng hirap sa piling Niya."
"Pero may unfinished business pa ako. Hanggang ngayon nga, hindi ko pa rin alam kung ano 'yun. At kung makatawid ka man, siguradong hindi ako makakasama."
"Basta! Gagawa tayo ng paraan! Sabay tayong tatawid, promise ko 'yan!"
Nakita ko ang determinasyon at sinseridad sa mukha niya. At kahit nag-aalangan ako, gusto kong maniwala. Magtitiwala ako.
Nagngitian kami at ang nasabi ko na lang din sa sarili ko, 'Oo. Ano man ang mangyari, sabay dapat kami ng lalaking 'to na tatawid sa langit.'
Pero bago muna 'yun, oras na rin pala para takutin na ang pamilya niya.
BINABASA MO ANG
Match Made After Life ✔
Romance[PUBLISHED UNDER PSICOM: Available at all leading bookstores nationwide] ‘Where there is love, there is life.’ Pero paano makakahanap ng LOVE kung maagang nawalan ng LIFE?