(Adele Medina POV)
"A—ano bang nangyayari?"
Anong klaseng mga tao ba sila? Myembro ba sila ng mga kulto na kumakain ng bangkay? Mukha wala naman sa itsura nila na mga cannibal sila!
Mga malayong kamag-anak ko ba? Imposible rin naman dahil hindi ko sila kamukha!
Or don't tell me na mga mad scientists sila? Balak nilang mag-experiment sa bangkay ko upang subuking buhayin muli!
Kung anu-anong bagay na ang pumapasok sa isip ko. Medyo nagkaroon ako ng clue noong pumasok ako sa loob ng Chinese Temple. Red carpet mula entrance hanggang loob. Natanaw ko ang isang grupo ng mga monghe na nakaluhod sa sahig at sabay-sabay namang nag-aalay ng dasal.
Nang lapitan ko ang mga ito, nakita kong may altar pa pala sa harapan nila na maayos na nakalatag sa pula at gintong mantel sa sahig. May mga nakasinding kandila at insenso, bulaklak, alay na mga prutas na nasa malalaking mangkok at alak sa loob ng isang maliit na banga.
Kilabot ang sunod kong naramdaman nang mapansin na sa kaharap pang pedestal ay may nahihimlay na isang bangkay ng binata.
"Teka... siya 'yung nakita ko dun sa ospital!" At naisip ko, "Siya na ba 'yung tinutukoy nilang si Louie."
Habang tumatagal, palakas ng palakas ang pagdarasal ng mga monghe. Humihingi sila ng patnubay, gabay at basbas mula sa langit upang payagan ang binabalak nilang ritwal.
Ilang sandali pa, may narinig kaming tunog ng maliit na kampanilya. Hudyat na may ibang taong papasok na sa loob ng templo.
Unang pumasok ang buong pamilya ni Xian. Masaya at halatang excited ang parents niya pero si Xian, hindi ko maipinta ang mukha. Nakikita ko ang guilt sa ginawa niyang pagnakaw sa katawan ko. Dapat lang!
Sumunod ay may mga tauhang nagsaboy ng bulaklak sa daraanan. Ipapasok na ang aking malamig na bangkay.
Doon ko lang napansin na nilagyan nila ng kaunting make-up ang mukha ko at pinalitan na rin ang suot kong damit. Black ang dress na suot ko noong inilibing ako ng mga kapamilya ko, pero ngayon ay kulay pula at puti na ito. Noong oras ding iyon, parang magic na ganoon na rin ang suot kong damit sa anyong-kaluluwa ko.
Habang dahan-dahan nilang iminamarcha ang bangkay ko sa loob, naalala ko 'yung mga napapanood kong prusisyon ng mga Santo. Infairness, ang bongga ng pagsalubong na ginawa nila sa bangkay ko.
At paglapit nila sa altar, ipinagtabi na nila ang bangkay ko at bangkay ni Louie.
"Bagay na bagay sila, Xian." Narinig kong pabulong na sinabi ng Mommy niya. Kinikilig pa ito na parang ewan. Kilabot naman ang naramdaman ko. Tama bang kiligin sa parehong bangkay na?
Isang monghe ang tumayo na sa gitna at nag-anunsyo, "Kung handa na ang lahat, maari na nating simulan ang ghost wedding nina Louie Chua at Adele Medina."
May kulog na dumagundong sa isip ko. "Ano? Ghost Wedding!"
Anong kalokohan 'to! Patay na nga ako, pinagti-tripan pa ng ganito!
Naglitanya na talaga ako pero walang nangyari. Naituloy nila ang ritwal para ikasal kami ng bangkay ni Louie.
"Hindi pwede 'to! Tigilan niyo 'to! I object!"
At walang nakapigil sa kanila. Mayamaya pa, pinaharap na rin nila ang Mommy at Daddy ni Xian upang maging kinatawan daw namin ni Louie sa pagsusuot ng singsing.
Ang Mommy nila ang nag-suot ng singsing saaking bangkay. Sa isang kisap-mata, suot ko na rin ito sa aking daliri. Mukhang tunay na gold pero, "Ayoko nito!" At pinilit ko itong tanggalin kaso, "Bakit ayaw matanggal!"
Sumunod ang Daddy nila na sinuotan na rin ng ka-partner na singsing ang bangkay ng anak nilang si Louie.
Wala na! Touch move na!
Biglang may nakakasilaw na liwanag sa gilid ko. I saw a tunnel of light pero alam kong hindi ako nito sinusundo. Nang titigan kong maigi, nakakita ako ng isang anyo ng binata at sumisigaw ito.
"Waaaaaaaaaah!" Nagkabungguan kami at na-realize niya agad ang lugar na kinaroroonan niya. "Teka... bakit ako bumalik?" saka pa lang din niya ako napansin, "Ikaw? Ikaw ulit!"
Pero hindi na rin ako nakapag-react. Natulala na lang ako dahil suot na rin niya sa kanyang daliri ang singsing—ang tinawag nilang wedding rings namin.
Mayamaya pa, napatingin na nga rin siya sa suot niyang singsing at sinundan pa ito ng mas matinding panic nang lingunin niya ang ginagawa ng kanyang pamilya sa aming mga bangkay. "Patay kang bata ka!"
Patay. Patay talaga.
* * *
Kanina pa natapos ang ghost wedding. Tahimik na sa buong templo. Walang nakakaalam na may dalawang kaluluwa naman ang hindi matahimik dahil sa nangyari.
Ang binatang kaluluwa na kasama ko ngayon ay si Louie Chua. 23 years old lamang daw siya, one year ang tanda saakin. Tulad ng hula ko kanina, Chinese-Filipino nga sila. Kaunti na lang, mapapakanta na ako ng Chinito.
Ipinaliwanag na rin niya saakin ang tungkol sa lumang tradisyon ng kanilang pamilya na humantong sa kasalang ito.
"May paniniwala ang pamilya namin na kapag ang isang single na tao ay namatay nang hindi pa ikinakasal, hindi matatahimik ang kaluluwa niya hanggang sa makahanap ito ng kabiyak. Ang sabi nila, sa pamamagitan lang ng 'Ghost Wedding' magtatagpo ang dalawang puso para sabay silang makakatawid sa kabilang-buhay."
"Obviously, hindi totoo ang pamahiin niyo. Tignan mo ang nangyari saatin ngayon."
"Masyadong old fashion kasi sina Mommy at Daddy." Nalulungkot niyang saad sabay buntong-hininga. "Alam mo bang nasa langit na ako. Totoong may Diyos at may mga anghel. Sinalubong nila ako noong mamatay ako at malapit na sana akong makapasok sa kaharian nila. Kaso..."
Ipinakita niya ang wedding ring na nasa kanyang daliri.
"Ang singsing na 'to. May pwersang nanggaling dito na humila saakin pabalik dito sa lupa. Tapos ayun na ang naabutan ko. Ikinasal na pala nila tayo kaya naudlot at paglagay ko sa tahimik. Ganun din ba ang nangyari sayo?"
Napailing naman ako, "Hindi pa talaga ako nakakapunta ng langit. Walang liwanag, walang anghel, wala ang mga 'yun."
"I—ibig bang sabihin, sa impyerno ka nanggaling?"
Napatingin ako ng masama sa kanya. "Mukha ba akong masamang tao! Dahil sa unfinished business ko kaya hindi pa rin ako nakakatawid."
"Ano bang unfinished business mo?"
"Hindi ko pa rin alam eh."
Pareho na kaming natahimik. Tapos narinig ko na lang siyang bumulong, "Sorry."
"Bakit ka nagso-sorry sa akin?"
"Kasi hindi ka pa natatahimik."
Napayuko naman ako. "Sorry rin."
"At bakit ka naman nagso-sorry?"
"Kasi nakakalungkot ang sitwasyon mo. Nasa langit ka na, naging lupa pa ulit. Pero hayaan mo, tutulungan kita. Kailangan lang nating gumawa ng paraan para mapawalang-bisa ang kasal natin at para makabalik ka na ulit sa langit!"
Napangiti na si Louie. At sa sandali niyang pananahimik, mukhang nakaisip naman siya agad ng plano. "Dahil ang pamilya ko ang nagsagawa ng ritwal, alam kong sila lang din ang makakatulong saatin. Isa lang ang naiisip kong paraan para ipaalam sa kanila na hindi natin nagustuhan ang kasal."
"Ano?"
"Ano bang ginagawa ng mga tulad nating kaluluwa? E 'di nagmumulto!"
BINABASA MO ANG
Match Made After Life ✔
Romance[PUBLISHED UNDER PSICOM: Available at all leading bookstores nationwide] ‘Where there is love, there is life.’ Pero paano makakahanap ng LOVE kung maagang nawalan ng LIFE?