(Adele Medina POV)
Lagpas alas-ocho na ng gabi. Imbes na nasa bahay para manood ng teleserye sa TV o kaya naman ay nakatambay lang sa loob ng kwarto habang nagbabasa ng mga koleksyon kong nobela, narito ako ngayon sa ospital.
Palakad-lakad lang ako sa hallway. Patingin-tingin sa mga paintings na nakasabit sa puting pader. Dinadaan-daanan ng mga nurse na minu-minuto kung mag-monitor sa mga pasyente nila.
'Ang boring talaga rito,' pabuntong-hininga kong nasabi sa sarili. Kabisado ko na ang buong ospital simula bata pa lamang ako. Walang lugar na magandang pagtambayan dito. Kahit 'yung recreation area nila, wala nang talab dahil nakasawaan ko na.
Kung sana lang may poging resident doctor dito tulad ng mga nagiging viral sa social media, e'di sana ay masaya pa ako. Baka doon pa ako tumambay sa office niya! Kaso non-existent ang tulad 'nun sa ospital na ito. How sad.
Napabuntong-hininga ulit ako lalo pa nang mapatingin naman ako sa malaking orasan na nakasabit sa pader. Magli-limang oras na rin simula nang magsimula ang operasyon kanina, 'Kailan kaya matatapos 'yun?'
Mayamaya pa, natanaw ko na ang pamilya ko. Kanina pa rin sila naghihintay sa waiting area at sa pagkakakilala ko sa kanila, hindi pa sila nakakapag-hapunan dala ng pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng operasyon.
Paglapit ko sa kanila, humahagulgol si Mama habang kino-comfort naman siya ni Papa. Nakatayo naman at nakasandal lang sa pader si Ate Giselle. Nakayuko siya at tahimik na bumubulong sa sarili. Nagdarasal.
Tinabihan ko si Mama. Madalas ko siyang sundutin sa tagiliran niya kapag may kailangan ako sa kanya o kapag gusto ko lang siyang kulitin. Pero ngayon, walang epekto ang paglalambing ko.
"Ma, Pa, magiging okay rin ang lahat." Sabi ko pero 'di nila ako pinansin. Nahawa na nga rin si Papa sa pag-iyak. Pasimple pa niyang pinunasan ang unang luhang pumatak pero nagtuluy-tuloy pa rin ito sa pag-agos.
Tumingin ako kay Ate Giselle at siya na lang ang kinausap ko. Sa kanya kasi nakikinig ang mga magulang namin. Bukod doon, magaling siyang magpalakas ng loob. "Ate G! Ikaw na nga ang kumausap sa kanila!"
Natapos din sa wakas sa pagdarasal si Ate. Tumingin siya kina Mama at Papa at kahit alam kong nag-aalala rin, isang ngiti ang ipinakita niya. "Ma, Pa, 'wag na kayong mag-alala. Patapos na rin naman na ang operasyon. Kakayanin niya 'yun."
Napangiti ako dahil 'yun pa nga lang ang sinasabi niya, nakinig na sina Mama at Papa. Natigil din sa wakas ang iyakan!
Tahimik at kalmado na ang lahat. Balita na lamang mula sa doktor ang inaabangan namin.
Ngunit pare-parehong naagaw ang aming atensyon sa gulo at ingay na nagmumula sa kabilang hallway. Isang pasyente mukhang nasa kritikal na kalagayan ang minamadali nilang dalhin sa emergency room.
"Tabi! Tumabi kayo!"
"Ano bang nangyari sa kanya?"
"Nasagasaan daw."
Sa harapan namin dumaan ang mga nagmamadaling hospital personnel tulak stretcher bed na kinaroroonan ng pasyenteng iyon. Lalaki siya. Kung hindi ko kasing edad ay mas matanda lang siguro ng kaunti saakin. Hindi ko masyadong nakita ang itsura niya dahil sa dugong nakabalot sa kanyang mukhang.
Nang medyo tumagilid ang ulo niya, napansin kong bahagya ring bumukas ang kanyang mga mata. At laking gulat ko nang tumingin siya sa direksyon ko. Nakapako talaga ang titig niya saakin kahit palayo na sila.
'Saakin nga ba siya nakatingin?' nagtatakang tanong ko. Imposible kasi 'yun.
"Kawawa naman," narinig kong binulong naman ni Mama.
Dala ng curiosity at dahil wala na rin naman akong ginagawa, nagpaalam muna ako sa pamilya ko para maki-usisa sa nangyayari na doon sa pasyente. Nasa loob na sila ng emergency room at inaasikaso na ng doktor.
Dahan-dahan pa akong lumapit para silipin ang itsura ng lalaking iyon. Pero nabigla ako nang makita ko siyang nakatayo na sa may gilid ko.
"A—anong..." garalgal at halatang nagpa-panic ang boses niya. Wala pa siyang ideya kung ano ang nangyayari ngunit hindi rin nagtagal ay nakita na niyang sarili niyang katawan. "Pa—paanong... hindi... hindi pwedeng mangyari 'to..."
Kaluluwa na siya at nahiwalay sa katawan niya. Kagaya ko na isang kaluluwa rin na wala sa sariling katawan sa mga oras na ito.
At dahil yata sa pagtitig ko sa kanya kaya napansin na rin niya ako sa wakas. "Na—nakikita mo ako?"
Ang gwapo pala niya. Natameme tuloy ako at isang tango na lang ang naisagot.
"Alam mo ba kung anong nangyayari saakin? Mamamatay na ba ako?"
Sa pagkakataong iyon, lalo hindi na ako nakaimik. Hindi ko naman kasi alam ang sasabihin. Maski man ako, hindi rin sigurado sa sitwasyon namin ngayon.
"Anghel ka ba? Nandito ka ba para sunduin ako?"
Napalingon ako sa likod ko, wala naman akong pakpak. Kinapa ko ang bandang ulo ko, wala rin naman akong halo. So ganoon ba ako kaamo at kaganda sa paningin niya para mapagkamalan niyang anghel? Pasimple tuloy akong natawa.
Balak ko na sana siyang pakalmahin... kaso bigla ko namang naramdaman ang malakas na kabog ng puso ko. Tumindi pa ang kirot sa dibdib ko hanggang sa puntong halos hindi na ako makahinga.
Then it hit me. May nangyayaring kakaiba at masama at katawan ko.
"Sandali! Saan ka pupunta?" tanong niya.
Ngunit nauna na akong tumakbo dahil kailangan ko nang balikan ang katawan ko. Pero bago ako tuluyang umalis, nilingon ko siya ng isa pang beses at iba na ang nangyayari sa kanya.
Unti-unting bumabalot ang puting liwanag sa kanya. Wala na ang takot sa mukha niya dahil napalitan na ito ng pagkamangha. Mukhang tatawid na siya sa kabilang-buhay at sa langit pa mapupunta! Ang bait sigurong nilalang nito noong nabubuhay pa.
Noong mga oras na 'yun, parang nahahalina na rin akong lumapit para makisabay sa makatawid na rin. Pero naisip kong hindi pa pala ako handa. Hindi ko pa oras. Marami pa akong hindi nagagawa.
Tuluyan na akong umalis at kumaripas talaga sa pagtakbo hanggang sa marating ko na ang operating room kung saan isinasagawa ang operasyon sa puso ko. Ngunit laking panlulumo ko sa aking naabutan.
Iniiyakan na ako ng buong pamilya ko. Isang masamang balita ang ipinaabot ng doktor, "Ginawa na po namin ang lahat pero hindi na kinaya ng katawan ni Adele ang operasyon. We're very sorry."
Hindi pa ako makapaniwala noong una. Pero nang lapitan ko na talaga ang katawan kong wala ng buhay, tuluyang sumampal saakin ang katotohanan. "Patay na ako."
Pero bakit walang liwanag? Bakit 'yung lalaking nakita ko kanina ay nakatawid naman sa kabilang-buhay? Sobrang daya naman!
Sunud-sunod na ang tanong sa utak ko at nagsisimulang matakot na rin dahil alam kong walang sino man ang makakasagot sa mga 'yun. Kaya ano nang gagawin ko? Ano nang mangyayari saakin ngayon?
BINABASA MO ANG
Match Made After Life ✔
Romansa[PUBLISHED UNDER PSICOM: Available at all leading bookstores nationwide] ‘Where there is love, there is life.’ Pero paano makakahanap ng LOVE kung maagang nawalan ng LIFE?