Hanggang ngayon, naaalala ko pa rin ang nakalipas. Hindi ko inasahang ang mga nagsabing lunas na gagamot sa amin ay isa palang lason na sisira sa amin.
"Mali! Hindi kayo dapat ganito!" pasigaw na asik ng isa sa kanila.
"Mali? Paanong mali? Ganito na kami noon pa man, anong mali roon?" nakakunot-noong tanong ko, nagtataka.
"Kung ganoon, mali ang paniniwala ninyo. Hayaan mong ituro namin sa inyo kung ano ang tama," tila may pagmamalaking aniya.
Nakilala ko siya sa pangalang Fernan, bago lamang siya sa amin noon ngunit tila ba pagharian niya na kami. Itinuro niya nga ang sinasabi niyang tama, natuto kami, napagtantong tama nga siya. Nagpatuloy siya sa pagtuturo sa amin ng tama, hanggang sa ang naging batayan namin. . . ay walang iba kundi siya—ang mga turo niya.
Sa tulong niya, nalaman namin kung ano ang dapat at hindi dapat gawin.Hindi nagtagal ay isa naman sa kasamahan nila ang nagsalita, "Kailangan ninyo ng sariling pagkakakilanlan, kailangan ninyo ng pangalan."
"Ngunit may pagkakakilanlan na kami!" pagtutol ko.
"Kung ganoon, ano ang iyong pangalan?" paghahamon niya.
"Ako si—" Natigilan ako bigla. Ano nga bang pangalan ko?
"Kita mo na? Di mo nga alam ang—"
"Ako si Sinang!" pasigaw kong sagot nang maalala ang aking ngalan.
"Puwes, hindi na ngayon. Ikaw na ngayon si Ina," tila nang-uuyam na sambit niya bago tuluyang umalis.
Siya si Roy, ang nagbigay sa amin ng bagong pagkakakilanlan. Dahil sa kaniya, ako'y naging ganap nang si Ina mula sa pagiging Sinang.
Marami silang ipinatupad na batas, sila na mismo ang naging batas. Naisin man naming sumalungat ay hindi maaari—hindi kami handa, wala kaming laban.
Sa mga sumunod pang pangyayari, marami sa amin ang hindi na nagawang makapagtimpi. Marami ang nagreklamo ngunit walang nangyari. Gumawa kami ng paraan para mapansin nila. Karamihan pa nga ay gumawa ng ingay sa tahimik na paraan. At doon, napansin nila kami. Ngunit hindi upang tulungan bagkus ay upang lalo pang pahirapan. Hindi ako matahimik, sinubukan naming lumaban ngunit sa huli. . . ang natamo nami'y puro sugat at pasa.
At sa tuwing nagugunita ko ang mga pangyayaring iyan, hindi ko maiwasang isipin at alalahanin ang ilan sa aming kasamahan.
"Kailan nga ba tayo naging tama? Lagi naman tayong mali," minsang rinig ko sa usapan nila. Dalawa sila noon, at ako'y nakamasid lang.
"Tama ka nga, ngunit kung tutuusi'y matagal na tayong tama," pagsang-ayon ng kausap.
Nagsalita muli ang isa at ang sumunod niyang sinabi ang nagbigay ng labis na pangamba sa akin. "Mag-iingay ako sa tahimik na paraan, ikaw nang bahala sa kanila." Sumang-ayon lamang ang kausap niya.
Sa tuwing nakikita ko ang kalagayan namin ngayon, di ko maiwasang sumang-ayon sa kanila. Matagal nila kaming pinagmukhang mali kahit na sila naman ang totoong ganoon. At ngayon, nakikita ko kung gaano kalaki ang epekto nila sa amin.
"Kailangan n'yo ba ng tulong? Matutulungan namin kayo, kung pahihintulutan ninyo," sambit ng bagong panauhin sa isa naming kasamahan.
"Kailan nga ba naging lunas ang lason? Mukhang mauulit na naman," tanging naisip ko.
***
#EEETalambuhayNiPinas
BINABASA MO ANG
a villein's memoir
Short Storya collection of flash fictions written in the group El Escritor's Esfera from 2018-2020