Narito na naman siya, hindi ko alam kung bakit siya laging pumupunta rito sa parke.
"Bakit ka laging nandito?" hindi ko na natiis na itanong.
"Hm, bakit nga ba?" sinagot niya ako nang nakangiti. Ngunit isa rin namang tanong ang ibinigay niya.
"Marami namang tao sa paligid, maraming puwedeng lapitan, pero bakit ako ang nilapitan mo?" tanong ko.
Naaalala ko noon, gabi iyon at iyon din ang unang beses na nakita ko siya. Gaya ng inaasahan, hindi niya ako napansin. Medyo madilim na iyon at narito ako sa parteng inari ko na sa tagal ng pananatili ko. Maraming mauupuan sa paligid noon, sinusundanan ko lang siya ng tingin ngunit . . .
-
"Maaari bang maupo rito?" tanong niya na bumigla sa akin.
"N-nakikita mo 'ko?" pagtataka ko. Tumango siya bilang tugon at agad na umupo sa tabi ko.
-
Doon nagsimula ang lahat. Ilang buwan na rin ngunit lagi siyang pumupunta rito tuwing gabi. Hindi ko alam kung bakit ngunit nang minsang tanungin ko siya . . .
-
"Mahirap mag-isa, gusto lang kitang samahan," ang naging tugon niya.
-
Mag-isa, matagal na nga akong nag-iisa sa lugar na ito. Nakapapagod din, nakapanghihina ngunit may gusto akong hintayin, o malaman kaya nananatili pa ako.
"Gaya ng sinabi ko sa iyo noong una, gusto lang kitang samahan. Mahirap ang mag-isa, lalo na't walang nakakikita sa iyo." Muli niya akong nginitian.
"Ikaw, bakit nananatili ka pa rin?" tanong niya.
"Ilang taon ka na ba rito? Lima? Anim? Dapat noon pa lang umalis ka na, bakit narito ka pa rin?" dagdag niya pa.
Napabuntonghininga ako sa narinig. Matagal na panahon na nga rin, marahil ay oras na para umalis, at magbahagi.
"Mahigit limang taon na akong naririto, pero may hinihintay ako, may gusto akong malaman bago tuluyang lumisan," panimula ko.
"Ano?" tanong niya. Tinignan ko siya sa kaniyang mga mata bago tuluyang nagsalita.
"Ang rason kung bakit ako namatay." Halatang nabigla siya sa narinig ngunit nagpatuloy lang ako.
"Limang taon na rin, pero sariwa pa rin sa akin ang lahat." Napangiti ako sa naalala.
"Kaya ba nandito ka pa? Gusto mong maghiganti? Hindi mo matanggap na wala ka na?" sunod-sunod niyang tanong. Umiling ako bilang sagot.
"Matagal ko nang tanggap na wala na ako. Gusto ko lang makita ang taong 'yon. Hindi ako mapapalagay hangga't hindi ko siya nakikita," sagot ko.
Tanggap ko naman na kasing patay na ako. Pero gusto ko lang din masigurong nasa mabuting kalagayan ang taong iyon.
"Naglalaro lang siya noon diyan." Itinuro ko ang puwesto sa tapat namin. "Kinukulit niya pa ako noon na makipaglaro sa kaniya pero hindi ako pumayag. Mas gusto ko lang na umupo rito at pagmasdan ang ginagawa niya." Muli akong napangiti.
-
"Kuya Brent! Laro na ho kasi tayo!" aya niya sa akin.
"Hindi na, pagod pa si Kuya. Panonoorin na lang kita," nakangiting sagot ko.
"E, Kuya. Malungkot ho maglaro mag-isa. Gusto ko ho ng kalaro. Dali na po," pangungumbinsi pa nito.
"Kuwentuhan mo na lang ako. Kumusta sa inyo?" tanong ko.
"Ayon po, lasing na naman po si Papa. Nakakatakot siya, Kuya. Sana nga po kunin na lang ako ni Mama, e," nakasimangot na kuwento nito.
"Matatauhan din siguro ang Papa mo." Nginitian ko siya bago tuluyang samahan sa paglalaro.
-
"Ano ang nangyari noon?" kababakasan ng pait ang tinig niya na siyang ipinagtaka ko.
"Dumating 'yung tatay ng bata, tapos ayon. Sa sobrang lasing kinaladlkad si Lalay. Siyempre nangialam ako." Napangiti ako nang mapait sa naalala.
-
"Huwag nyo naman ho sanang kaladkarin 'yong bata," pigil ko sa matanda.
"Sino ka ba para mangialam? Anak ko 'to, kaya wag kang mangialam!" Natumba ako sa lakas ng pagkakatulak nito.
"Papa, masakit po." Palakas nang palakas ang iyak ng bata. "Kuya!" tawag pa nito sa akin habang umiiyak, tila humihingi ng tulong.
"Kuya, pakiayos naman po ng hawak ninyo. Nasasaktan ho 'yong bata," anas ko habang pilit na tumatayo.
"Aba't!" Binitiwan siya ng kaniyang ama at agad akong sinugod.
"Ikaw, pakialamero ka rin, e!"
Ilang sapak pa ang natanggap ko hanggang sa . . .
-
"Hanggang sa?" tanong niya na tila ba nabitin.
"Nabagok yata ako sa mismong kanto ng upuan na ito. Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Nalaman ko na lang, wala na ako," sagot ko.
"Bakit nandito ka pa rin? Bakit hindi ka pa umaalis?" pang-uusisa niyang muli.
"Gusto ko lang malaman kung kumusta na si Lalay. Kung maayos na ba siya, o kung . . ."
"Kung?"
"Kung ligtas na ba siya sa ama niya. Hindi ko alam. Basta ang gusto ko lang makita ulit siya para makasiguro akong ayos lang na nawala ako. Para mapanatag na rin ako." Nginitian ko siya.
"P-paano kung bumalik siya rito, makikilala mo pa ba siya?" tanong niya na tila ba emosyonal.
"Siyempre, limang taon pa lang naman ang nakararaan. Makikilala ko pa rin siya."
"Pero bakit hindi mo ako nakilala, Kuya Brent?" mga katagang nagpatigil sa akin.
"A-anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ko.
"Ako to, si Alyza yung batang nangungulit sa iyo noon. Si Lalay," aniya. Mas lalong kumunot ang aking noo.
"P-paanong . . . hindi ba dapat—" wala akong maapuhap na salita na sasapat sa kalituhang nararamdaman. Paanong nangyaring siya ang batang iyon gayong . . .
"Mahigit sampung taon na ang nakalipas buhat nang mangyari ang lahat, Kuya Brent. Ikinulong si Tatay noon, may mga tumulong sa iyo. Matagal na panahon kang nasa hospital hanggang sa tuluyang bumigay ang katawan mo limang taon na ang nakararaan," kuwento niya.
Kaya pala ganoon . . .
"K-kumusta ka? Maayos ka ba? Paano—"
"Kinuha ako ni Mama matapos makulong ni Papa, naging maganda ang buhay ko, Kuya. Masaya akong makita ka ulit, Kuya . . ." aniya nang may ngiti sa mga labi.
"Masaya rin akong malaman na naging maayos ang kalagayan mo." Ginantihan ko siya ng ngiti.
Mapapanatag na rin ako sa wakas.
***
#EEEDeadMenTellTales
BINABASA MO ANG
a villein's memoir
Cerita Pendeka collection of flash fictions written in the group El Escritor's Esfera from 2018-2020