Hanggang ngayo'y sariwa pa rin sa iyong balintataw ang lahat.
Muli mong binalikan ang eksenang labis na kinagigiliwan.
"Ano ang mas gusto mo?" tanong mo sa kaibigan. Tinitigan ka lamang nito, tila inaabangan ang sunod mong sasabihin.
"Sa?" usisa nito sa iyo.
"Sa tsokolate at Bulaklak. Ano ang mas pipiliin mo?" sagot mo.
"Gusto ko ang tsokolate, pero bawal naman sa akin iyon. Masiyadong matamis. Maganda rin sana ang bulaklak kung hindi nga lang ako nangangati," sagot nito sa iyo.
Natahimik ka noong oras na iyon. Nag-iisip kung ibibigay nga ba ang dala o huwag na lang.
Sa huli, pinili mong itabi ang biniling tsokolateng tagpipiso at ibigay naman ang bulaklak na siyang 'yong ginawa mula sa papel.
Hanggang ngayo'y sariwa pa rin sa iyong alaala ang ngiti niya nang tanggapin ang bulaklak.
"Bulaklak na papel? Marunong ka pala gumawa ng ganiyan. Salamat, ha?" aniya na siyang ikinagalak mo.
Kakaibang tuwa ang naramdaman mo noon, pag-ibig na nga marahil.
Sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang tuksuhan, naamin mo na rin sa sariling iniibig mo nga ang kaibigan.
Sa naalala'y natatawa ka na lang din. Bago kasi ang araw na iyon ay lagi kang napagkakaisahan ng inyong mga kaibigan, gusto mo raw si Cecil—na kababata ninyo, na labis mo namang itanggi.
"Marco, kumusta na kayo ni Cecil?" tanong ng isa mong kaibigan.
"Ayos lang naman. Bakit?" sagot mo naman.
"Kayo na ba?" muli nitong tanong.
"Anong 'kayo na ba?' ang pinagsasabi mo? Walang ganoon, 'Tol!" tanggi mo.
"Akala namin kayo? Pero lagi kayong magkasama diba?" usisa nito.
"Oo, nahahabag ako, e. Laging umuuwing mag-isa," katwiran mo.
"Pero, Tol. Gusto mo siya?" Natigilan ka no'n, di alam ang magiging reaksyon.
"Hindi, 'Tol. Magkaibigan lang talaga kami!" depensa mo, na narinig ng mga paparating mo pang kaibigan.
"Si Cecil ba 'yan? Talaga ba, P're? Kaibigan?" tanong ng isang bagong dating.
"O baka naman ka-ibigan?" Nagtawanan ang lahat habang ikaw ay hindi alam ang gagawin.
Nahihiya ka noon.
Pero kung aalalahanin mo ngayon, natatawa ka na lang din.
Matapos ang araw na bigyan mo siya ng bulaklak, nagtapat ka ng pag-ibig na agad ding natugunan.
"Mahal din kita, Marco," aniya.
"S-seryoso ba 'to?" di makapaniwalang sambit mo.
"Totoo, Marco!" kumbinsi sa iyo ni Cecil.
"Totoong mahal din kita," dagdag pa nito.
Nagtatalon ka sa tuwa, at niyakap pa ang babae.
Masaya noon, hindi ba? Masaya ka na noon.
At nasisiyahan ka pa ring balikan ang alaala ninyo.
Ngunit hindi mo napigilan ang mga sumunod na nangyari.
Ninais niyang lumipad, gamitin ang bagwis na siyang labis mong tinutulan.
Sinubukan mong putulin ang bagwis niya, ginawa mo ang lahat mawala lamang iyon, hanggang sa di mo namalayang, wala na pala siya.
Hindi siya nakalipad, ngunit nilisan ka pa rin niya.
Hanggang ngayo'y sinisisi mo pa rin ang sarili.
Nang sinubukan mong pigilin ang kaniyang paglipad, natuto siyang labanan ang sarili. Pinili niyang lumaya mula sa iyo. Nilisan ka niya at hanggang ngayo'y hindi mo iyon matanggap.
Nakakatuwang balikan ang alaala, lalo na't kung tungkol sa kaniya.
***
#EEESawingPagibig
BINABASA MO ANG
a villein's memoir
Short Storya collection of flash fictions written in the group El Escritor's Esfera from 2018-2020