Pag-ahon sa Pagkakabaon

5 0 0
                                    

Sabi nila, masiyado raw matigas ang ulo ko. Hindi kasi ako umaayon sa gusto nilang mangyari. Kadalasan pa nga'y lumilihis ako. At hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangan pa nila akong paluin at pukpukin para lamang tumuwid ng daan. Ngunit sino nga bang niloloko ko? Masiyado nga kasing matigas ang ulo ko, pasaway at hindi sumusunod. Kailangan pa yata talagang masaktan para lang sumunod.

Ilang beses kong sinubukang gumawa ng sariling landasin, ngunit hindi ko magawa. Hawak nila ako, e. Sila ang magdedesisyon. Pero may isa talaga akong ugaling di ko mawari kung totoo o nang-uuyam lang ba talaga. Gumagawa ako ng desisyong pinaninindigan ko pero napapaisip din sa huli, may gusto ba talaga akong patunayan? O hinahayaan ko lang silang diktahan ako?

May isang pangyayari kasing may kontrol naman ako, may pagpipilian ako. Pero inalis nila, sila na mismo ang pumili. Inakusahan ng kung ano-ano at kung gaano nila ako kagustong ibaon sa kinasasadlakan ko, hinayaan ko lang sila. Tinanggap ko ang kung anumang salita galing sa kanila, kung gaanong kalakas ang pukpok nila sa ulo ko'y ganoon ko rin kagustong maibaon na lang. Hindi ako makaalis. Patutunayan ko bang mali sila o patotohanan na lang ang sinasabi nila?

Matigas nga kasi talaga ang ulo ko. Kaya mas pinili ko na lang na makiayon at magpakabaon sa lugar na iyon ngunit . . .

Hindi pa man natutuluya'y agad nang may nag-ahon sa akin. May naniniwala pa rin pala sa akin. Masiyadong akong matigas ngunit isang hilahan lang nila, nakaahon ako. Wala naman talaga akong balak na magpumiglas kaya hindi na rin kataka-taka. Sa aking pag-aho'y kapansin-pansin ang paglihis ko. Hindi na ako maayos—hindi na. Ngunit tinulungan nila ako. Itinuwid at masasabi kong kakaiba ang pakiramdam. Kaiba sa mga nagdaan.

Kahit gaano pa yata katigas ang aking ulo'y, susunod ako sa kanila. Hahayaan ko silang hulmahin ako at gamitin sa tama. Sa itinagal ko rito, sa kanila ko lang yata talaga naramdaman ang kapanatagan.

Matigas nga kasi ang aking ulo, ilang martilyo pa ang ipukpok nila sa aki'y lilihis lamang ako ng landas. Ilang salita lang nila, may kakayahan akong lumihis o magpakabaon at tuluyang masaktan.

Ngunit kaiba ang martilyong nag-ahon sa pakong tulad ko. Ipinakita nila kung ano nga ba ang kahalagahan at gamit ko, matigas man ang aking ulo'y sumusunod pa rin sa kanila—sila ang bukod tanging hindi naging mahigpit. Tinulungan nila ako, at ngayo'y patuloy na hinuhulma, ipinakikita kung para saan nga ba ako. At ngayon ko lang lubusang natanto kung bakit. Hindi pala ganap na martilyo ang nauna. Isa lamang silang bato na masiyado kong iningatan at sa huli'y naipukpok lamang sa aking ulo.

***
#EEEWritingThroughAdversity

a villein's memoirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon