mga kaisipang di lubos maisip

5 0 0
                                    

Hindi niya kailanman nakita ang sariling nagsusulat, kahit na bata pa lamang ay ninais na niyang maging bahagi ng journalism. English at Filipino, aminado siya. Hindi siya ganoon kagaling. Kaya nga laking gulat niya nang matagpuan na lang isang araw ang sariling nagsusulat. Nagsimula sa pasulat-sulat ng 'Reflection Paper' sa TLE, kung saan lahat ng sinusulat niya, totoo-mga karanasang nais niyang magbigay inspirasyon sa iba. Iyon naman kasi talaga ang dapat.

Hindi niya kailanman kinahiligan ang tula, para sa kaniya kasi, hindi siya magaling sa tugmaan. At ang tula, ay mas ririkit kung may tugma. Hindi niya alam kung paano pagtutugmain ang mga salita, gayong iyon lang ang nais niya-ang magpahayag ng nararamdanan. Isa ang dagli sa mga bagay na hirap siyang gawin. Hindi alam kung paano sisimulan, gamit na gamit na kasi ang mga ideyang mayroon siya. At ngayon, hindi niya inaasahan ang lahat.

Masiyado siyang nawili, natuwa at nalunod. Nalunod sa kagustuhang makakilala ng iba, maibsan ang kalungkutan at nagbabakasakali, baka lang naman, mahanap na niya ang gusto niya.

"Sinubukan mong umalis diba?" pagkumpirma ng kaniyang kaibigan. Natigilan siya. Ramdam niya rin pala... sa isip-isip niya.

Ilang beses niya na nga bang sinubukang lisanin ang mundong 'yon? Isa? Dalawa? Tatlo? Marahil ay napakaraming beses niya nang naisip. At sa tuwing sinusubukan niya, hindi niya magawa. Bumabalik pa rin siya sa dating gawi.

Paano niya nga naman kasi lilisanin ang mundong tanging tumanggap sa kaniya? Mundong pinaglalagian niya sa tuwina, mundong. . . naging tanging lugar na pinupuntahan niya sa tuwing ninanais niyang tumakas.

"Hindi nga yata para sa akin ang pagsusulat," mahinang usal niya. Iyan ang tumatak na sa isip niya. Hindi siya para sa pagsusulat, dahil ang mga likha niya ay hindi umaabot sa nais niyang maabot.

Bakit nga ba siya nagsusulat? Bakit niya nga ba sinubukang magsulat? Dahil sa kalungkutan? Kagalakan?

Tama. Nagsusulat siya dahil sa kalungkutang hindi niya maalis, kalungkutang naiibsan sa tuwing nagsusulat siya.
Kagalakan, sa tuwing nagagalak ay nagsusulat. Ngunit hindi. Nagsusulat siya para sa iba. Nais niyang makatulong, maipakita at malaman ng taong 'yon. . . kung gaano ito kahalaga. Tama. Nagsusulat siya upang iparating ang nais sabihin sa isang taong mahalaga. Nais niyang sulatan ang lahat, gawing bahagi ng bawat niyang kuwento, nang sa gayon . . . maramdaman ng mga itong mahalaga sila.

Nakatagpo na ng pamilya, dalawa nga kung tutuusin. Ngunit hindi niya inakala. Ang isang pamilya niya, hindi pala talaga siya kilala.

Kaya hanggang ngayon, nananatiling palaisipan sa kaniya ang lahat.
Para sa kaniya nga ba talaga ang pagsusulat? Isang bagay na matagal niya nang sinukuan ang sagot. Dahil alam niyang hindi, ngunit naniniwala siya, nasa puso niya na ito. At kung sakaling hindi nga iyon para sa kaniya, hindi na iyon mahalaga. Ang importante, nakapagsusulat siya.

Ngunit hindi rin nawawaglit sa isip niya.
'Ayos nga lang kaya ang gawa ko?' Hindi siya mapakali. Hindi niya alam kung may patutunguhan nga ba, ngunit umaasa siya. Sana, magkaroon iyon ng silbi.

"Magiging masaya ka nga kaya?" minsang usal niya sa sarili. Hinahanapan ng sagot ang bagay na hindi siya sigurado. Magiging masaya nga kaya siya? Gayong napakarami ng pumupuna, hinahanap ang dating siya.

"Anong nangyari sa 'yo?" kadalasang tanong ng karamihan. Ano nga bang nangyari sa kaniya? Ang sagot?
"Gano'n talaga!" Hindi niya rin alam. Iyan lamang ang tanging isinasagot sa tuwina, ganoon yata kasi talaga. Kapag pinili mo nang gawin ang bagay na gusto mo, oras na namili ka na... may maisasakripisyo ka. Ngunit ganoon ba talaga? Bakit parang siya lang ang hindi marunong magbalanse?

***
#EEEDarkNightOfTheSoul

a villein's memoirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon