Sanay na

5 0 0
                                    

Habang naglalakad, hindi mo maiwasang makarinig ng ingay. Hanggang sa inyong tahana'y rinig pa rin ang kaguluhan sa labas. Kung noong una'y nababahala ka, sa paglipas ng ilang tao'y nasanay ka na rin. “Ganito naman talaga rito. Kailan ba sila nagbago?” Natawa ka na lang sa naisip mo.

Oo nga. Napakagulo. Ilang taon na rin, ngunit ganoon pa rin talaga kagulo. Kung minsan nga'y napapaisip ka pa.
“Kailan nga ba nagsimulang gumulo ang lahat?” Hindi mo kasi talaga maalis sa isip mo ang kagustuhang makamtan ang kapayapaan.

“Bakit nga ba magulo? Naiisip din kaya ng ibang tao ang naiisip ko? Nararamdaman din kaya nila? Nababahala rin ba sila? Gusto na rin ba nila ng katahimikan?” mga paulit-ulit mong naiisip at tanong sa sarili. Na sa huli, nauuwi na lang sa “Gusto ko nang matulog.”

Pero sa bawat umagang dumarating sa buhay mo, hindi mo maiwasang patuloy iyong isipin. Araw-araw ka pang nanonood ng balita noon, umaasang may mapapanood na bago, may malalamang bago, at sa huli madidismaya lang. Kaya ngayon, di mo na nakaugaliang manood.

Oo nga naman. Bakit ka pa nga ba manonood, kung paulit-ulit naman nang balita ang makikita mo? Patayan. Nakawan. Problema sa gobyerno. Pulitika. “Wala na ba talagang bago?” minsang tanong sa sarili.

Anong petsa na nga ba ngayon? Naalala mo, ilang taon na ang nakalilipas. Pumutok ang balita tungkol sa katapusan ng mundo, may eksaktong petsa pa nga. Isa ka sa nabahala. Hindi malaman ang mararamdaman. Nagsimulang mapuno ng takot at mga tanong. Sunod-sunod na sensyales ang pinamalita, ngunit . . .

“Anong nangyari?” tanong mo matapos ang itinakdang araw.

At ngayon, hindi mo maiwasang matawa. Siguro, matagal na ngang nagwakas ang mundo. Noong mismong araw ding 'yon, “Kaya siguro pakiramdam ko, matagal na kong patay.” Natawa ka na lang sa naisip.

“Siguro nga, matagal nang nagwakas ang mundo. Ang buhay ko, ang buhay ng lahat. Siguro noong mismong araw ding 'yon, nawala kami. Nananatili na lang kami dahil ito ang nakasanayan. Siguro matagal na kaming patay, itinuturing na buhay ang sarili dahil sa nakasanayan na. Mga taong walang mapuntahan. Kundi ang mundong kinagisnan.”

***
#EEETwitteratureEncounters

a villein's memoirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon