ang bata at ang diwata

2 0 0
                                    

Matagal nang nag-iisa ang batang 'yon. Matagal na ring binabantayan ng isang diwata. Bata pa lamang ay nais na nitong makagawa ng isang bagay na natatangi, hinahangaan niya kasi ang mga nakikita niya. Hinahangaan niya ang araw, buwan at maging ang mga bituin. Napakaganda nito para sa kaniya.

Nang makita kung paanong nagagawa ng araw na magbigay-liwanag ay nalungkot siya. Gusto niya ring maging tulad nito, ngunit hindi alam kung paano. Napansin ng diwata ang kalungkutan ng bata kaya isang araw tinanong siya nito.

"Ano ang gusto mong mangyari sa iyo?"

"Gusto ko pong magbigay-liwanag sa lahat! Gusto ko pong maging araw!" At naging araw nga ang pobreng bata.

Nakita niya ang lahat, nakapagbibigay-liwanag ngunit agad ring napapalitan ng buwan. Nakita niya kung paanong nagbibigay-liwanag ang buwan sa kadiliman kaya't ninais niyang maging tulad nito.

"Gusto ko pong maging buwan!" nagagalak na aniya sa diwata.
"Hindi ba't araw ka na? Bakit mo gustong maging buwan?" tanong nito, tila nagtataka.
"Gusto ko pong malaman kung ano ang pangyayari sa tuwing wala ang araw, kung madilim lang ho bang talaga. Gusto ko pong makakita ng mga bituin, naririnig ko po kasing napakaganda ng mga ito." Sa isang iglap lang ay naging buwan na siya.

Nakita niya ang mundo, madilim, ngunit maganda. Mayroon pa ring liwanag. Isa siya sa nagbibigay-liwanag at labis siyang namangha. Tumingin siya sa paligid at nakakita ng mga bituin.

"Sila na ba 'yon?" sa isip-isip niya.

Labis siyang namangha. Sinubukan niya itong lapitan ngunit hindi nangyari. Hindi siya makalapit. Sa tuwing nakalalapit ay siya namang paglayo ng mga ito. Nagtaka siya, may mali ba sa kaniya? Makalipas ang ilang araw ay nakita niya ang problema. Nahihigop niya ang liwanag ng mga ito. Nagbibigay sila ng liwanag sa iba pang bahagi ng kalangitan kaya't inintindi niya. Wala siyang kasama, napakalayo ng mga bituin at tanging ulap na naligaw lamang ang kasama niya.

Nalungkot siya sa nangyari kaya't muli siyang humiling.

"Gusto kong makasama ang mga bituin . . . " aniya sa napakalungkot na tinig. Nagpakita ang diwata, nagtataka.
"Bakit? Hindi ba't kasama mo sila?" pang-uusisa ng diwata.
"Opo, pero..." nanghihinang sambit niya.
"Pero?" pagtataka ng diwata.
"Pero di ko po sila malapitan. Gusto ko po silang malapitan..." sagot niya.
"Kung ganoon, gawin mo!" At naglaho ang diwata.

Isa pa rin siyang buwan at naisip niyang tama nga ang diwata. Siya dapat ang gumawa ng paraan kaya't sinimulan niya. Sinubukan niyang lumapit sa mga bituin, ngunit kada lapit niya'y lumalayo ang mga ito, tila nakikipaghabulan. Ilang gabi silang ganoon, at sa bawat gabing lumilipas, nababawasan ang kabuuan niya. Napakasakit para sa kaniya ang nangyari, unti-unti siyang nababawasan at lumiliit. Sa bawat gabing lumilipas, di niya alintana ang sakit.

Makalapit lamang sa mga bituin ang nais niya at nang nagawa nga'y isa na rin siyang bituin. Isa lang ang nasabi niya, napakahirap na proseso. Nanghina siya, nag-agaw buhay ngunit nakita niya ang paghihirap ng iba. Nakita niya kung paanong nasasaktan ang mga ito ngunit patuloy pa ring nagliliwanag. Kitang-kita niya at ramdam na ramdam. Matapos maging bituin ay muli siyang humingi ng tulong sa diwata.

"Hindi ko po kayang maging isang bituin," pagsuko niya. Labis na nagtaka ang diwata.
"Hindi ba't gusto mo silang malapitan? Gusto mong maging tulad nila? Bakit tila ayaw mo na?" usisa nito.
"Hindi ko po kayang maging bituin," amin niya. Hindi niya kayang mamatay at mahirapan. Ayaw niya pang mamatay. Kung kaya't nabuo sa isip niya ang isang desisyon.
"Gusto ko pong samahan ang buwan. Gawin n'yo po akong ulap." Napailing na lang ang diwata at di na tumutol pa.

Naging isa nga siyang ulap, malayang naglalakbay sa kalangitan. Malaya niyang nasasamahan ang araw, buwan at mga bituin. Nanatili siya sa kalangitan, ngunit kung minsa'y umiiyak. Di makapaniwala sa nagawa. Nang mapagod siya'y muli siyang humiling.

"Gusto ko pong mapalayo muna sa kanila, gawin n'yo po akong parte ng kalangitan."

Ngunit walang diwata na nagpakita. Bagkus ay bumalik siya sa dati niyang hitsura—isang bata. At nang magbalik siya'y di niya na alam kung paano mamuhay sa ganoomg estado. Kaya't ang ginawa niya, nagtungo sa iba't ibang lugar. Naghanap ng kasagutan at ikinuwento sa lahat ang kaniyang sinapit. Umaasang baka kapag nagawa niya 'yon, matupad ang huli niyang kahilingan.

Ikinuwento niya kung paanong di siya nakuntento, at sa huli'y sising-sisi. Ngunit para sa kaniya, nakuntento naman siya, ninais niya lang maranasan ang mga iyon. Ngunit ang totoo'y ang nagawang papalit-palit ng gusto'y walang kakuntentuhan.

Nakarating siya sa iba't ibang lugar at muling bumalik sa lugar na pinanggalingan, doon niya muling nakita ang diwata.

"Pasensiya na po, gusto ko lang pong maging tulad nila, hindi ko po alam na . . ." natigilan ang bata, nag-iisip ng idurugtong.
"Na hindi mo kailangang tumulad sa iba dahil nayroon kang sariling kakayahan," dugtong ng diwata. Napatungo ang bata sa narinig.

Doon niya lubusang naunawaan ang lahat.

***
#EEEAkoNoonAtNgayon
#PitongHamonPitongAraw

a villein's memoirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon