Kabanata 14

38 2 1
                                        


Dumaong ang kanilang barkong sinakyan saktong alas otso nang umaga. Hindi magkamayaw ang apat na dalaga sa pagtili, tuwang tuwa sila na matapakang muli ang lupa nang probinsyang nakasaksi sa kanilang kabataan hanggang sa sila'y lumaki at magdalaga.

Sumakay na sila sa sasakyang maghahatid sa kanila sa bayan ng San Fernando. Hindi mapalagay si Celestine at sabik na sabik na siyang makita at makakwentuhan ang kaniyang ama't ina. Iniisip niya rin kung nakauwi na ba si Chrysostom na kaniyang nakababatang kapatid.

Pagkatigil ng sasakyan sa harap ng mansyon ng Aguilar ay agad silang nagbabaan. Agad na humalik sa pisngi ni Celestine ang kaniyang dalawang kaibigan at nagpaalam na mauuna na sila sapagkat maging ang mga ito'y sabik na sabik na ring makita ang kanilang pamilya.

"Manang Adelpa!" pagtawag ni Celestine at saka kumaway kaway sa matandang nasa kanilang hardin. Napalingon ito sa kaniya at agad na nanlaki ang mga mata nang makita ang kaniyang alaga na nakangiti nang malawak sa kaniya. "Celestine?" kumurap kurap pa ito at ng masigurong tunay ngang nasa kaniyang harapan ang kaniyang alaga ay napasigaw siya sa tuwa at agad na tumakbo papalapit sa tarangkahan ng mansyon. "Celestine! Narito na si Celestine!"

Mula sa loob ay nadinig ni Senora Celesa ang nagsisisigaw na si manang Adelpa kaya dali dali siyang napasilip sa bintana upang tignan kung ano ang nangyayari sa labas. Napahawak siya sa kaniyang bibig at patakbong bumaba upang siguraduhing ang panganay na anak nga niya ang kaniyang nakitang hinahagkan ng kaniyang katiwala. Unti unting nagbagsakan ang mga luha nang Senora pagtapos makumpirmang ang kaniyang Celestine nga ang kaniyang nakita mula sa taas.

"Ina!" ngiti ni Celestine at saka patakbong lumapit sa kaniyang ina na ngayon ay tumatangis sa may sala. Agad na niyakap ni Celestine ang Senora Celesa. "Kumusta, ina?" agad na tanong nito pagtapos kumawala sa kanilang yakap. Ang labis labis na pangungulila nang Senora sa kaniyang anak ay natuldukan. Halo halong emosyon ang nararamdaman nito ngayon. Hindi niya akalaing susupresahin siya nang kaniyang anak ngayong araw, hindi nito batid na ito'y uuwi sa kanilang tahanan sapagkat noong tumawag ang kaniyang anak sa kaniya ang sabi nito'y hindi ito makakauwi sa pasko dahil sa dami nang kanilang gawain sa paaralan kung kaya't ganito na lamang ang tuwa niya nang makitang muli ang kaniyang unica hija.

"Ayos lang... Ikaw?" nakangiting saad ng Senora. "Humaba ang iyong buhok, ah. May bago ka ring hikaw..." wika nang Senora habang hinahaplos ang mukha nang kaniyang anak. Natawa ang dalaga sa sinambit ng kaniyang ina. Talagang napansin pa nito ang mga bagay na iyon.

"Kasama ko po si tiyo Robert at ang kaniyang buong pamilya," sinenyasan ni Celestine ang kaniyang pinsan na pumasok na sa kanilang bahay.

"Martha!" agad na nagyakapan ang dalawang mag amiga. Natawa naman ang dalawang dalaga sa inaasal ngayon ng kanilang mga ina. Tiyak na labis silang nangulila sa isa't isa at marami na naman silang kwentong pagsasaluhan mamaya.

Pumanhik muna sa kaniyang silid ang dalaga at agad niyang inihiga ang kaniyang sarili sa kaniyang malambot na kama. "Ganoon pa rin ang iyong ayos at bango noong ika'y aking iniwan. Talagang hindi pinabayaan ni ina na magkaroon ng dumi at sapot ng gagamba ang aking silid," nakangiting sambit ni Celestine sa kaniyang sarili.

"Tawagan mo ako kapag nakarating ka na sa iyong paroroonan,"

Agad na napabalikwas sa kaniyang higaan ang dalaga nang biglang maalala ang sinabi sa kaniya ni Lucifer. Dali dali niyang dinukot sa kaniyang bulsa ang kaniyang telepono at tinawagan ang numero nang binata.

[Magandang umaga... Sino ito?] tanong ni Lucifer mula sa kabilang linya. Hindi na nito nagawang tignan sa kaniyang telepono kung sino ang tumatawag. Agad na kinilig ang dalaga nang marinig nito ang bagong gising na boses ni Lucifer. Lalo itong lumalim at napakaganda nito sa kaniyang pandinig.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 04 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Art of Love Where stories live. Discover now