Kabanata 13

19 6 16
                                        

Tahimik na pinagmamasdan ni Celestine ang buong paligid. Ni isa ay walang nagsalita sa kanilang dalawa at nanatiling tikom ang bibig. Dahan dahan lamang ang mga paghakbang na kanilang ginagawa bilang pagrespeto sa espasyo.

Pagkalabas nilang dalawa sa naturang lugar ay agad na nagsalita ang binata. "Kaawa awa ang kanilang sinapit sa loob ng piitang iyon... Hindi man lang nila naranasang mamuhay sa mundo nang masaya't mapayapa."

"Tama ka riyan, Lucifer. Nawa'y nasa maayos na kalagayan na sila ngayon." sagot ni Celestine at saka muling humakbang. "Ang Fort Santiago ay ginamit bilang isang silid piitan sa loob ng maraming siglo. Maraming mga kuwento ang nagkalat tungkol sa pagpapahirap at pagpatay sa panahon ng pananakop ng mga hapones ng kilalang Kempei Tai, lihim na sangay ng militar ng Imperial Japanese Army... "

"Alam mo ba na si Jose Protacio Rizal y Alonzo Realonda, ang pambansang bayani ng Pilipinas, ay nakakulong sa isa sa mga kuwartel ng Santiago noong huling linggo ng Disyembre, taong isang libo walong daan at siyamnapu't anim? Siya ay binitay noong ika-tatlongpu ng Disyembre. Ang kanyang pagkamatay ay nagbunsod ng rebolusyon ng kalayaan laban sa Espanya. Habang siya ay nakaupo sa kanyang selda, si Doktor Jose Rizal ay sumulat ng kaniyang huling liham sa kanyang mahal na kaibigan na si Propesor Fernando Blumentritt."

"Parang narinig ko na nga iyan..." tumatango tangong saad ni Lucifer habang nakahawak sa kaniyang baba. "At hindi naman sa pagmamayabang ngunit kabisado at saulo ko ang nilalaman ng liham na iyon," ngiti ni Celestine.

"Talaga? Kung tunay nga ang iyong tinuran, sabihin mo sa akin ang nilalaman nito," hamon ni Lucifer sa dalaga.

"Ehem, ehem," tumikhim muna ang dalaga bago tuluyang magsalita gamit ang kaniyang pinalalim na boses.

"Mahal kong Kapatid,

Kapag natanggap mo ang liham na ito, ako ay patay na. Bukas ng alas siyete, ako ay babarilin; ngunit ako ay inosente sa krimen ng paghihimagsik. Ako ay mamamatay na may tahimik na budhi. Adieu, ang aking pinakamahusay, ang aking pinakamamahal na kaibigan, at huwag kailanman mag-isip ng masama tungkol sa akin!

Fort Santiago, 29 December 1896

Regards sa buong pamilya, kay Sra. Rosa, Lolena, Conradito, at Federico.

Nag-iiwan ako ng libro para sa iyo bilang aking alaala"

Sunod nilang pinuntahan ang Baluarte de Santa Barbara, na itinayo noong taong isang libo limang daan at siyamnapu't tatlo. Ito ay isang batong balwarte na bumubuo sa bahagi ng Fort Santiago sa Maynila. Ang balwarte'y dating imbakan ng mga bala at armas na kalaunan ay ginawang bilangguan.

Matatagpuan din sa nasabing balwarte ang ilang lugar tulad ng Media Naranja, kung saan makikita ang tanawin ng Ilog Pasig mula sa itaas at ang Rizaliana Furniture Exhibit kung saan makikita ang ilan sa mga kagamitan ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Natunghayan ng malapitan nila Celestine at Lucifer ang ilan sa mga lumang gusali sa balwarte na nasira na at nagsilbi na lamang na alaala gayundin ang mga daanan na pinaglumaan ng panahon at kasaysayan.

Masayang nilibot ng dalawa ang buong balwarte. Hindi maalis ang ngiti sa mukha nang dalaga maging ang pagkinang ng kaniyang mga mata. Natutuwa siyang makita, mahawakan, at malakaran ang lugar na naging saksi nang kasaysayan ng Pilipinas mula sa panahon ng mga datu at raha, na kung saan ang dating Maynila ay sinakop at naging teritoryo't pamahalaan para sa mga Espanyol at Amerikano. Naging saksi rin ito noong panahon ng digmaan laban sa mga Hapones na naging dahilan upang ito'y masira na siyang muling inayos upang maging pasyalan ng ating mga kababayan para maigunita at maalaala ang ating makulay na kasaysayan.

The Art of Love Where stories live. Discover now