Chapter 2 : Justin

139 19 10
                                    

Gabi na noon, mga bandang alas-diyes y'medya. Tapos na ang trabaho ng lahat para sa isang sikat na restaurant sa may Eastwood. Subalit biglang nabalot ng ingay ang dapat sana ay masayang uwian ng mga trabahador nito.

"Napakatanga mo talaga! Lagi ka na lang nagkakamali!" Ang umuugong na sigaw ng manager, na siya ring may-ari ng restaurant, sa isa sa kaniyang mga tauhan. Ang pobreng tauhan ay naisumbong sa kaniyang bisor na pinabayaang ma-overcook ang isa sa mga putahe na kanilang hinanda. Siya ang nakatoka para sa putaheng yaon. Kung hindi lang dahil sa isa sa kaniyang mga "kaibigan" na inuto siya upang maghugas ng pinggan para sa kaniya.

"P.... pasensiya na ho.... ser..." Ang nakayukong tugon ng lalaki, na nahihiya at halos di makatingin ng diretso sa mata ng kaniyang bisor. "G.... ginawa ko lang ho yung pinagagawa ni Edgar.... di daw ho siya makapaghugas kasi... masakit po yung kamay niya."

"Sinungaling!" Sigaw ni Edgar. "Hinugasan ko ang mga plato, nakita ng lahat! Ang sabihin mo, tinulugan mo yung trabaho mo! Bossing, nagsasabi ako ng totoo sa inyo, ako ang naghugas ng mga yan,kahit tanungin niyo pa yung mga katrabaho ko!"

Matalas ang tingin ng manager sa mga nasa kusina. "Totoo ba ang sinasabi ni Edgar?"

Tumango lang ang lahat maliban sa lalaking pinagagalitan. "Sige, naniniwala na ako." Saka niya inutusan ang lahat na umalis na sa kusina. "Kayong lahat, mag-ayos na kayo at umiwi."

Umalis ang lahat sa kusina, nag-ayos, nag-impake ng mga gamit. Wala nang natira sa restaurant, maliban sa lalaki at ang bisor.

Patuloy sa pagpapaliwanag ang lalaki. "Maniwala po kayo.... nagsasabi po ako ng..."

"Wag na tayong maglokohan!" ang sabat ng bisor, habang napapakamot ng ulo. "Alam mo, ilang buwan ka na ba rito? Apat? Lima? Ha, hindi na mahalaga yun. Dahil sa apat na buwan na inilagi mo rito, puro sakit ng ulo na lang ang binibigay. Ni hindi ko nga alam kung bakit nabigyan ka ng trabaho ng dating bisor dito. Pero di na kita matiis. Isa pa, mukhang hindi na rin naman makakatagal ang mga kasama mo." Sandaling nanahimik ang bisor, kinuha ang isang envelope na may lamang pera. Tila pinaghandaan ng bisor ang mga sandaling iyon, hanggang sa sabihin na niya ang desisyon niya sa taong iyo. "Tanggapin mo ito. Tanggal ka na. Hindi pa yan ang huling bayad mo, bumalik ka sa isang buwan."

Nanginig ang boses ng lalaki, ni hindi niya tinanggap ang sobre. Sinubukan pa rin niyang magpaliwanag. "P.... pero, ser...." aniya.

"Wala nang pero-pero. Hindi ka na empleyado rito. Umalis ka na. Yung ID mo, isauli mo paglabas."

Hinawakan niya ang kamay ng lalaki, pinilit buksan ang pagkakakuyom nito, at binigay ang sobre. Sinubukan pang magpaliwanag ng lalaki ngunit hindi na nakinig pa ang bisor. Sa huli, walang nagawa ang lalaki. Inayos ang kaniyang mga gamit, sinara ang dati niyang locker, bago umalis ay walang nagawa ang lalaki kundi ang isauli ang kaniyang ID. Hindi niya matanggap ang nangyari. Pero wala na rin siyang magagawa. Hindi na siya empleyado roon.

************************************************************

Nakasakay na siya ng bus pauwi. Binuksan niya ang bintana, tinanggal ang kaniyang salamin, nilanghap ang hangin habang binabagtas ng bus ang kahabaan ng EDSA, at iniisip ang nangyari sa kaniya. Maraming mga bagay ang pumapasok sa kaniyang isip. Siguro, kung naging mas matapang lang siya na ipaglaban ang kaniyang sarili, nag-iba ang lahat.

Pero ano nga naman ang magagawa niya? Paano nga ba siya magiging mas matapang? Gayong sa kalagayan niya, may iintindi ba sa kaniya maliban sa kaniyang ama?

Kung sa bagay, aniya sa sarili, pang-ilang trabaho na ba niya yun? Dapat nga ay masanay na siya sapagkat ganoon talaga siya husgahan ng mga tao. Dapat nga ay magpasalamat pa siya sapagkat napagbibigyan pa rin siya ng pagkakataon para magtrabaho. Kailangan niyang magpasalamat sapagkat kapiling pa niya ang itinuring niyang ama.

Crazy True Love (thedrift1988)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon