Chapter Three
Napangiwi ako habang palingon-lingon kung saan na ako nakarating sa malaking subdivision. Nahihilo na ako. Hindi naman ako bobo, pero hindi ko kasi natandaan ang dinaanan namin kaninang papunta rito.
Kung bakit ba naman kasi nagpadala ako sa inis sa Levi na iyon, eh! Sana pala ay maayos akong nagpaalam kina Cass para naihatid nila ako. Medyo dumidilim na pa naman. Atsaka ang may nakakatakot ay ang ideya na nasa subdivision ako, normally kasi ay nasa labas ang mga aso rito. Baka mahabol at makagat ako ng wala sa oras.
Mayamaya lang ay biglang nag-ring ang cellphone ko. Pagtingin ko no'n ay si Cass ang tumatawag, at halos magpasalamat naman ako dahil doon.
"Hello, Cass?" bati ko pagkasagot ko sa tawag, rinig ko pa ang malakas na pagtatawanan ng mga kaibigan ni Levi sa background.
"Jas, bakit umalis ka agad? Hindi ka man lang nagpaalam! Sabi ni Kuya Levi nagmamadali ka raw! May nangyari ba?" sunod-sunod na tanong niya na may halo pang pag-aalala.
"Ah, nakalimutan ko kasi na may part time pa pala ako. Kailangan kong i-tutor iyong anak ng kapitbahay namin," pagsisinungaling ko. "Ang kaso Cass, mukhang naligaw ata ako. Nandito pa rin ako sa subdivision, hindi ko na kasi matandaan iyong dinaanan natin kanina," dagdag ko pa.
"Nasaang street ka ngayon? Pupuntahan ka namin!" tanong niya.
Iginala ko naman ang mga ko sa paligid, may nakita naman ako agad na street signage kaya lumapit ako ro'n para basahin.
"St. Anthony Street ang nakalagay," sagot ko.
"Alright, diyan ka muna. Papunta na kami," sabi ni Cass at ibinaba na ang tawag.
Tahimik naman akong umupo sa isang silyang gawa sa bato na nasa ibaba lang ng street signage. Bigla na namang bumalik sa isip ko ang mga pangmamata sa akin ni Levi at ang mga paratang na wala namang basehan.
Nakakasakit lang ng loob na ang dali sa kanyang ibato sa akin ang mga masasakit na salitang iyon gayong hindi naman niya ako kilala talaga. Ito na rin ang dahilan kung bakit gusto ko na maging successful sa buhay. Gusto ko na may maipagmalaki rin balang araw.
"Hoy, baklang engot!" agad akong napalingon sa nagsabi no'n. Nakita ko si Levi na nakasakay sa isang sports car tapos ay masama ang tingin sa akin. "Scholar ka pa naman pero ang bobo mo! Pati ako na-abala mo pa!" aniya kaya napangiwi ako.
"Pakituro na lang ng daan palabas ng subdivision, kesa dumaldal ka pa riyan," wika ko na lang.
"Sumakay ka na bago pa ako mas mainis sa 'yo!" sigaw niya sa akin.
At kesa maghintay sa wala ay sumakay na lang ako sa sasakyan niya. Kahit na alam kong labag sa loob niya na gawin ito at medyo na-excite pa rin ako kasi first time kong makasakay ng sports car. Grabe! Ang saya pala sa feeling. Darating ang araw na makakabili rin ako ng ganito.
Ilang sandali lang ay nakita ko na ang gate ng subdivision. Nag-ready na ako ng upo para sa pagbaba pero kumunot ang noo ko nang diniretso niya ang pagmamaneho.
"D-Dito na lang ako, makakasakay na ako ng jeep mula rito pauwi," wika ko.
"Inutusan ako ni Mom na ipagpaalam ka sa mama mo para doon ka rin matulog sa bahay! Hindi ko alam kung anong pang-uuto ang ginawa mo, eh!" aniya kaya napangiwi ako.
"Hindi papayag si mama, iyon na lang ang sabihin mo. Atsaka sabihin mo rin na marami pa akong kailangang gawin!" depensa ko naman.
"Sa tingin mo mas susundin kita kesa sa sarili kong nanay?" sarkastikong tanong niya kaya mahina akong natawa.
BINABASA MO ANG
Paper Planes (BL Story)
General FictionWe often feel like we're paperplanes, trying to fly high with hopes. But just like paperplanes, we easily get broken as we land at the surface of grief.