03

151K 4.6K 5.4K
                                    


"Makakauwi na rin..." 

Noong end of the month ay nag-quit na muna ako sa part-time job ko para umuwi ng probinsya. Doon muna ako titira sa bahay nina Tita. Mahaba ang byahe kaya natulog muna ako sa bus. Nang makarating ay sinundo ako ni Manong Teryo gamit ang motor. Pinasundo siguro ako ni Tito. Nasa Manila pa kasi siya. May inaasikaso pa raw.

"Ate Alia!" Parang nagkaroon ng pagpupulong ng mga bata dahil ang daming tumakbo nang makita ako. Hinahabol pa nila ang motor! Nang makababa ako ay isa-isa ko silang niyakap.

"Na-miss ko kayo!" Parang maluluha pa ako habang kinukumusta ang mga bata. "Uy, suot mo ang gawa ko, ha," sabi ko sa isang bata. "May mga dala akong pasalubong!"

Binuksan ko kaagad ang isang bag ko at pinamigay ang mga pasalubong nila galing Manila. Nag-ipon talaga ako para lang may mauwi ako sa mga bata.

"Alia, nakauwi ka na pala! Mananghalian ka muna rito!" sabi ni Lola Reng nang makita ako malapit sa tapat ng bahay nila.

"Okay lang po, 'La! May pagkain na rin pong hinanda si Tita!" sigaw ko dahil medyo malayo siya sa akin.

Pagkatapos kong makipagkumustahan ay naglakad na ako pauwi sa bahay nina Tita. Iyon nga lang ay palagi akong napapahinto dahil may mga bumabating matatanda sa akin. Siyempre, kailangan kong magmano at makipagkumustahan. Matagal din nila akong hindi nakita.

Napagod ako kakaayos ng mga gamit ko. May sarili akong kwarto kung saan ko nilapag ang mga gagamitin ko sa paggawa ng mga damit. Kailangan ko pa ring mag-practice habang bakasyon. Mura ang tela roon sa bayan, tapos sa-sideline ako rito sa probinsya para may pambili. Palagi akong gumagawa ng errands dito tapos binabayaran ako ng mga matatanda bilang pasasalamat. Kaya kong gawin halos lahat!

Kinabukasan, maaga akong gumising at pumunta sa tabing-dagat para maglakad-lakad at mag-stretching. Tulog pa halos lahat ng tao, pero pagkabalik ko ay may mga nagwawalis na sa tapat ng bahay, at may mga batang naglalaro na rin sa labas.

Ang una kong task ay ilista ang mga kailangan ng bawat bahay para masabay ko na sa pagpunta ko sa bayan. Maliit na barangay lang naman kami kaya kilala naming lahat ang isa't isa. Malayo rin kami sa bayan kaya madalas ay nakikisabay na lang ng pabili kapag may pupunta roon.

Nag-motor ako papuntang bayan at isa-isang pinamalengke ang mga nasa listahan ko. "Ikaw pala 'yan, Alia. Oh siya, bigyan na kita ng discount."

"The best ka talaga, Aling Bel!" Ngumiti ako at binigyan siya ng thumbs up. "Babalik ako!"

Maaga rin akong nakabalik sa amin at dineliver sa bahay-bahay ang mga pinabili nila. Wala namang presyo ang serbisyo ko, pero binibigyan pa rin nila ako. Noong una ay hindi ko talaga tinatanggap, pero may pangangailangan din ako kaya tinatanggap ko na ngayon. Kaunti-kaunti lang naman iyon. Pambili ko lang ng mga kailangan ko.

"Bakit naman parang ang dami mong niluluto, Tita? Papakainin mo ba ang buong barangay?" pagbibiro ko nang pumasok ako sa kusina para kumuha ng tubig.

"Dadating ang Tito mo, dala ang volleyball team! Magsisimula na ang summer training nila."

Halos masamid ako sa narinig ko! Ano raw?! Pupunta rito ang volleyball team?! Sina Seven 'yon, ah! Si Sean din ay kasama!

"Saan po sila titira?" nagtatakang tanong ko.

"Diyan sa apartment ni Chad. 'Di ba may pinaparenta siya riyang malapit? Bayad naman 'yon. Lahat ng apartment, occupied na tuloy. Buong team ba naman ang dinala ng Tito mo!"

Naligo na muna ako bago kumain ng lunch. Hindi ko alam kung anong oras dadating sina Tito kaya panay tingin ko sa labas, nag-aabang.

"Alia! Pabukas nga ng pinto!" Nang marinig ko iyon mula sa bintana ay nagmamadali kaagad akong bumaba para buksan ang pinto. Bumungad sa akin si Tito... at sa likod niya ay ang buong volleyball team. Mukhang mga pagod sa byahe at dala-dala pa ang mga gamit nila.

Letters of Past Summer Nights (Old Summer Trilogy #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon