"Hindi na kita nakikita, ah... Mabuti na lang at may sarili kang apartment. May matatakbuhan ako, lalo na't magkaaway kami ng Tito mo ngayon."
Hindi ako nagsalita at hinayaan lang si Mama habang naglalakad siya paikot sa apartment ko, tinitingnan ang mga gamit ko. Dito raw muna siya matutulog ngayong araw dahil magkaaway sila ni Tito.
"Bakit kayo nag-away?" mahinang tanong ko habang inaayos ang mga gamit ko. Ang dami ko pang trabahong kailangan tapusin. Hindi nakakatulong na narito si Mama dahil kailangan ko pa siyang asikasuhin.
Na-guilty rin kaagad ako sa iniisip ko. Inasikaso naman niya ako noong bata ako kaya ano ba naman 'tong isang araw lang, 'di ba?
"Alam mo naman 'yon! Madamot sa pera!" Humiga siya sa kama ko. "Hayaan mo, umo-okay naman na ang Papa mo. Makakabalik na kami sa Cavite niyan kapag gumaling-galing na siya. Ayaw ko na ring makituloy sa Tito mo 'no!"
"Bakit? Ano'ng hiningi mo kay Tito?"
"Eh, 'di ba nasa kanya ang perang binigay ni Ma'am Elyse? Hindi niya binibigay basta-basta! Para sa gamot niya lang talaga binibigay. Paano naman 'yong iba naming pangangailangan 'di ba?" reklamo pa niya.
"Hindi ba nagbibigay ako para doon, Ma?" Lumingon ako sa kanya. "Tsaka huwag na kayong bumalik ng Cavite." Hindi ko alam kung gagawa na naman sila ng kung ano-ano roon. Mas mabuti nang malapit sila sa akin para nababantayan ko sila at nariyan pa si Tito.
"Kung ganoon, bubukod kami ng Papa mo sa Tito mo. Hanapan mo naman kami ng apartment, oh? Iyong ganito rin... Sus, may pambayad ka pala sa apartment, eh. Ikuha mo kami ng Papa mo," sunod-sunod na sabi niya.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at pumikit nang mariin, pinipigilan ang sariling sumagot. Bumuntong-hininga na lang ako bago siya tiningnan.
"Ma... Bakit hindi ka maghanap ng trabaho?" tanong ko.
Napakunot ang noo niya at tumingin sa akin. "Alia, ang tanda-tanda na ng Mama mo, gusto mo pang pagtrabahuhin? Para saan pa't nag-anak kami kung habangbuhay pala kaming magtatrabaho? Anak, dapat ikaw na 'yong bumubuhay sa amin, eh... Tapos na kami. Matanda na kami."
"Ma, hindi pa ako nakaka-graduate," paalala ko sa kanya. "Binubuhay ko rin po ang sarili ko."
"Marami ka namang trabaho, eh... Tingnan mo nga 'to." Nanlaki ang mga mata ko nang ipakita niya sa akin ang passbook ko na kinuha niya sa may drawer. Napatayo kaagad ako para kuhanin 'yon sa kanya pero binuklat na niya. "Oh, tingnan mo nga! Maraming pera ang pumapasok sa 'yo pero hindi mo man lang binibigyan ang magulang mo!"
"Ma!" Kinuha ko ang passbook ko. "Huwag n'yo naman po pakialaman ang gamit ko."
Umupo ulit ako sa desk ko at pinagpatuloy ang ginawa ko. May ipapasa pa ako sa Amora kaya wala akong oras makipagtalo kay Mama. Hindi pa siya tumigil doon kahit hindi na ako nagsasalita. Sinasabi pa niyang wala naman daw pera sa kurso ko at mabuti pang tumigil na ako sa pag-aaral at dumeretso na sa paghahanap ng full-time job. Hindi na ako nakinig dahil marami akong kailangang tapusin.
Noong kinagabihan, nagulat ako nang may kumatok sa apartment ko. Tumayo si Mama para buksan ang pinto.
"Oh, anak, may bisita ka. Iyong anak ni Ma'am Elyse!" masayang sabi ni Mama.
Napatayo kaagad ako at pumunta sa may pintuan. Nakalimutan kong sabihin kay Seven na rito matutulog si Mama! May dala siyang pagkain at halatang kagagaling lang sa training. Nagulat din siya nang si Mama ang magbukas ng pinto.
Lumabas ako at sinara ang pinto sa likod ko, pero binuksan ulit 'yon ni Mama.
"Good evening po," bati ni Seven.
BINABASA MO ANG
Letters of Past Summer Nights (Old Summer Trilogy #2)
RomanceOLD SUMMER TRILOGY #2 Being the niece of the volleyball team's coach, Alia is hired to design the uniforms of the players. Seven, who has had a crush on her since the first time he saw her on the campus, feels shy and awkward whenever her presence i...