KABANATA 34

3K 117 3
                                    

His Story

×××

Ilang beses na sinubukang tawagan ni Brion ang numero ni Meanne, pero mukhang wala itong balak na sagutin siya. Nagdulot iyon sa kaniya ng pagkabalisa kaya taranta niyang kinuha ang susi ng kotseng ginagamit niya kapag naroon siya sa isla Verde.

Hindi naman siya miyembro ng pamilya kaya wala siyang sariling villa roon sa isla. Sa halip, kapag narooon siya ay doon sa main villa siya tumutuloy. Nagpapasalamat narin siya at mayroon siyang sariling kwarto roon na siya lang ang nakagagamit.

Habang nagmamaneho ay nakasilip si Brion labas ng bintana. Ewan niya ba kung bakit imbes na maging mahimbing ang tulog niya sa ganitong kaaya-ayang panahon ay pumapasok sa isip niya si Treyton. Naiinis siya sa sarili dahil hindi naman na iyon kasama sa trabaho niya, pero kapag naiisip niya kung gaano ka-miserable si Treyton kapag ganoon ang panahon ay hindi niya mapigilang makaramdam dito ng awa.

Ganito rin ang panahon noon... Kahit matagal na iyong nangyari ay sariwa parin sa alaala niya ang lahat na para bang kahapon lang iyon naganap.

Teka si sir Treyton ba 'yon? Ang lakas ng ulan ah, bakit nasa labas siya?

Sinundan ng tingin ni Brion ang naglalakad na si Treyton. Agad niyang nakita ang hawak nitong bangka. Mukhang maglalaro ito. Wala man lang itong suot na kapote.

Baka magkasakit ito.

Kababata niya si Treyton. Dahil halos doon na rin siya nakatira sa Hacienda ng lolo nito ay nakasama niya ito roon at nakakalaro paminsan. Dahil halos ka-edad niya lang ito ay naging malapit sila sa isa’t-isa. Mabait naman kasi ito. Hindi ito katulad ng kapatid na si Trevor na tahimik lang, kaya hindi niya alam kung paano kakausapin.

Bitbit ang dalawang payong ay sinundan ni Brion ang daang tinungo ni Treyton. Naabutan niya itong naglalaro sa pool. Maya-maya lang ay humahangos na dumating ang mommy nito. Pinapapasok nito si Treyton. Imbes na pumasok naman ang batang si Treyton ay nakipaghabulan pa ito sa ina habang walang tigil sa katatawa. Nang mahuli ito ng ina. Imbes na paluin ay niyakap lang nito si Treyton at hinagkan pa sa noo.

“Pumasok ka na sa loob ang lamig na ng katawan mo oh. Batang 'to.” may pag-aalalang sambit ng ina nito.

“Pero 'yong bangka ko po. Iyon nasa gitna na tuloy.” Nguso naman ni Treyton sa bangkang laruan na gumagalaw sa gitna ng pool.

“Hay, pasaway na bata. Oh sige na kukunin na ni mommy. Diyan ka lang sa gilid ha.”

Marunong naman lumangoy ang ginang pero nang sandaling iyon. Habang kinukuha nito ang bangka ay bigla nalang itong pinulikat. Nahirapan itong ikampay ang mga paa dahil doon. At kahit nagsisimula na itong lumubog sa pool ay hindi nito sinubukang humingi ng tuloy kay Treyton dahil ayaw nitong sundan siya ng anak sa pool. Alam kasi nito na hindi marunong lumangoy ang anak at ayaw nitong mapahamak lang ito.

Huli na ng mapansin ni Treyton na nalulunod ang ina. Sa takot ay napatitig lang siya dito.

Habang si Brion naman ay tumakbo kaaagd nang makita ang nangyari. Pero dahil yata sa ulan ay nahirapan siyang humanap ng matanda sa paligid. Pagdating tuloy ng tulong ay hindi na nila naabutang buhay ang ina ni Treyton.

Iyon ang nangyari. Iyong bagay na nagpapabigat sa dibdib ni Treyton hanggang ngayon.

Pagbaba ng kotse ni Brion ay hinanap niya kaagad sa paligid si Treyton at tama nga ang hinala niya na nasa labas na naman ito. Naroon ito sa sulok ng bahay, pero hindi lang ito nag-iisa dahil kasama rin nito si Natalia. Yakap ito ng babae at halatang pinakakalma.

Nagmamadali niyang nilapitan ang dalawa. Nagulat pa siya nang mabilis na sumunod sa kaniya si Treyton na parang nasa tamang pag-iisip na ito.

Sa totoo lang, kaya niya tinatawagan si Meanne ay dahil ito lang ang nakapag papakalma kay Treyton sa ganoong sitwasyon. Kung siya lang ay hindi niya ito mapapasunod dahil para itong robot na naubusan ng baterya. Pero nang oras na iyon... Alam ni Brion na si Natalia ang dahilan kung bakit niya naipagawa dito ang mga bagay na inutos niya.

Maswerte si Treyton dahil mukhang nakatagpo pa ito ng isang Meanne. Pero hindi katulad ng unang Meanne na mukhang wala naman talagang pakialam sa nararamdaman niya.

×××××

“Kanina pa nag-iingay ang phone mo, bakit hindi mo sagutin?”

Bahagyang napapitlag pa si Meanne nang marinig ang pagsasalita ni Trevor sa likuran niya. May bitbit itong baso na may lamang whisky na lumapit sa kaniya.

“Ah, iyong kaibigan ko lang ito sa Manila. Nangungulit lang kaya ayoko ng kausapin,” pagsisinungaling ni Meanne. Pagkatapos niyang patayin ang phone ay isiniksik niya iyon sa bulsa.

Sumilip sa labas ng bintana si Meanne. Dahil kanina pa siya tinatawagan ni Brion ay alam niyang kailangan siya ni Treyton. Psh! Palagi naman e. Kapag malakas ang buhos ng ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ay tila bumabalik si Treyton sa nakaraan na sinasariwa sa isipan ang pagkamatay ng ina. At siya lang ang nakapagpapakalma dito. Kaya nga siguro sila tumagal e. Dahil kailangan siya ng binata.

Kailangan siya pero bakit nagawa siya nitong talikuran?

Naroon siya ngayon sa villa ni Trevor dahil ayaw siya nitong patuluyin sa sarili nitong villa. Tapos ngayon ay hihingi ng tulong ang sekretarya nito. No way! Ipararamdam niya kung gaano siya kahalaga sa buhay nito para pakawalan lang.

“Haist... Ba’t kaya ang lakas ng ulan?  Wala namang bagyo ah.” Silip ni Trevor sa labas ng bintana.

Bukod sa kanila ni Brion ay wala ng nakaaalam ng pinagdadaan ni Treyton kapag ganoon ang panahon. Kaya siguro walang pag-aalala sa mukha ni Trevor. Ayos lang. Galit rin naman ito sa kapatid kaya siguradong kahit malaman nito ay wala itong pakialam.

×××××

Dahil hindi mapakali si Natalia ay bumalik siya sa kwarto ni Treyton. Iniisip niya kasi na baka magising ang binata at lumabas na naman. Hindi siya patulugin ng ganoong isipin kaya minabuti niyang tumungo nalang sa kwarto ng binata.

Bakit naman kasi hindi pa tumitigil ang ulan?

Dahil sa nakasinding lampshade ay natanaw kaagad ni Natalia si Treyton sa pwesto nito. Maingat siyang lumapit dito. Nakakainggit ang tulog nito. Halata kasi sa mukha nito na nahihimbing na ito.

Ang unfair mo ha. Bakit ang sarap ng tulog mo, tapos ako pinag-iisip mo ng ganito.

May pag-iingat na nahiga si Natalia sa tabi ni Treyton. Maluwag ang kama nito kaya kahit humiga siya roon ay hindi gaanong nagkalapit ang mga katawan nila. Inihilig niya ang katawan paharap dito. Tamang-tama dahil nakaharap din ito sa gawi niya ay napagmasdan niya ang mukha nito.

Masuyong hinawi ni Natalia ang ilang hibla ng buhok nito na nakatabon sa mukha. Kapagdaka’y pinagmamasdan niya ito ng maige.

Hindi halata sa itsura nito na mayroon itong mabigat na dinadala. Kung pwede niya lang sana itong tulungan para mabawasan iyon.

Pero paano?

Kung iyong unang babae nga na sumubok ay walang nagawa, siya pa kaya?

“Bakit kailangan mong kimkimin ’yan sa dibdib mo? Pakiusap, huwag mong piliin na pahirapan ang sarili mo dahil kapag nakita kang ganiyan ng taong nagmamahal sa'yo ay tiya na dobleng hirap ang mararamdaman nila. Kung kailangan mo ng taong makikinig sa’yo ay pwede ako. Handa akong makinig. Hindi mo kailangang salirinin ang sakit dahil maraming tao ang handang dumamay sa’yo at isa na ako doon. I’m here Treyton. Nandito lang ako. Kung hihilingin mo na manatili ako sa tabi mo, ay mananatili ako...”

HOURGLASS 1: Natalia's RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon