Prologue
"Tagu-taguan. Maliwanag ang buwan. Wala sa likod. Wala sa harap. pagbilang ko'ng sampu. Nakatago na kayo," nakapikit na pagkanta ni Maddison habang nakadikit ang mga braso sa puno. Kakapikit niya pa lang pero gusto niya na agad magmulat para hanapin ang kaniyang mga kalaro.
"Isa. Dalawa. Tatlo!" pagmamadali niya sa pagbibilang. Ito ang pinakaayaw niya sa lahat, ang maging taya sa tagu-taguan lalo na't apat silang magkakalaro at magagaling silang lahat magtago. Mas gusto lang din niyang magtago dahil bukod sa payat at kasya siya kahit saan, isa sa mga talento niya ay umakyat sa puno. Nakabestida nga lang siya ngayon kaya medyo mahihirapan siya kung sakali.
"Apat. Lima. Anim!"
Kanina ay nagtago siya sa taas ng puno pero nakita siya ni Choco sa pagsigaw niya nang makakita siya ng bubuyog. Siya na tuloy ang taya ngayon.
"Pito. Walo..." Halos mapamulat siya nang bigla siyang makarinig ng mahinang pagtawa mula sa distansya. Hindi pa man niya ito nakikita ay alam niya na agad na si Venice iyon. At mukhang alam na niya rin kung saan ito hahanapin maya-maya.
"Siyam. Sampu!" Agad na tinanggal ni Maddison ang takip sa mga mata niya. Tumambad sa kaniya ang maliwanag na buwan na nasa kalangitan. Ito ang tanging nagbibigay ng ilaw sa parke kung nasaan sila dahil pundido ang street lights banda rito. Full moon ngayon kaya napakaganda nitong pagmasdan. Kung hindi lang talaga siya naglalaro ay malamang tinitigan niya na ito hangga't gusto niya.
Madilim sa may parte ng punong kinatatayuan ni Maddison kaya kinailangan niya pang igala ang paningin niya sa paligid. Medyo maliit lang ang espasyo sa parke, sa tabi ng ilog, pero marami-rami nang pagtataguan dahil sa mga punong nakapalibot dito. May ilang maliliit ding pwesto sa gilid ng bangketa kaya posibleng doon magtago ang kahit isa sa kanila.
Maingat na humakbang si Maddison para hindi marinig ang natatapakan niyang damo at mga tuyong dahon. Balak niyang manggulat sa unang matataya niya. Ngingisi pa lang sana siya nang biglang may sumigaw mula sa kaniyang likuran. Agad siyang napalingon at nakita ang galit na mukha ng kaniyang inang si Ruth habang nagmamartsa palapit sa kaniya. Nakapameywang ito at may hawak na sandok ang kaliwang kamay.
"Maddy! Sinasabi ko na nga ba't andito kang bata ka!"
"'N-Nay!" tarantang pagtawag ni Maddison at kulang na lang ay magtago para makaiwas sa sermon at palo nito.
"Akala ko ba bibili ka lang ng patis? Ba't gabi na ay di ka pa bumalik?!"
Nanlaki ang mga mata niya at saka naalala ang dapat niyang gawin kanina pang hapon. Pinabili siya kanina pero nakita niyang nag-chi-chinese garter sina Venice, Choco, at Keisha, halos mga kaedaran niya, kaya sumali siya sa laro nila.
"Asan ang perang binigay ko?" tanong pa ni Ruth gamit ang mas kalmadong boses.
"Pinambili na po ng ice cream kanina," nahihiyang pagkamot ni Maddison sa ulo.
"Hay nako!" tanging reaksyon nito at mahigpit siyang hinawakan sa braso. "Pinag-alala mo akong bata ka! Sabi nang wag kang paggala-gala sa gabi, wala ka pa man ding kasama."
"Bakit po ba, nay?"
"Baka may aswang na sa paligid at matangay ka pa."
"Di naman po totoo ang aswang," ngiwi ni Maddison. Sinabi na iyon sa kaniya ng lola niya noon. Ayon dito, panakot lang daw sa mga bata ang aswang para hindi sila maging pasaway at lumabas kapag gabi na.
"'Di aswang kundi bampira! Baka mamaya mahuli ka ng bampira."
"Pam...bira?" naniningkit na mga matang tanong ni Maddison. Sa labing-isang taong niyang nabuhay sa mundo, ngayon niya lang narinig ang salitang iyon. Gawa-gawa lang kaya iyon ni nanay para matakot ulit ako?
"Oo. Yung sumisipsip ng dugo ng makukulit na batang gaya mo."
Biglang umihip ang malakas na hangin. Nanuot sa balat ni Maddison, pati sa batok, ang lamig kay Maddison dahil nakapuyod ang kulot niyang buhok. Nagtindigan ang mga balahibo niya kaya agad siyang napayakap sa kaniyang ina. Bigla rin siyang kinilabutan sa hindi malamang dahilan.
"Nay..." takot na sambit niya at saglit na lumingon sa paligid para hanapin ang mga kalaro niya pero bigo akong makita sila. Marahil ay narinig ng nila ang sermon ni Ruth kaya hindi na sila nagpakita pa.
"Halika na't bumalik sa bahay. Nakauwi na ang ama mo galing sa trabaho," dagdag nito at kinalas ang yakap niya. Hinawakan nito ang kanang kamay niya at nagsimula nang maglakad.
Kumunot ang noo ko ni Maddison at bumilis ang tibok ng puso dahil sa biglaang panlalamig ng sariling katawan. Pakiramdam niya ay may nakamasid sa kaniya kahit na imposible dahil tahimik at wala na siyang nakikitang tao sa paligid na malapit sa kanila.
Lumingon ulit si Maddison likuran at tumingala sa buwan. Naghihintatakutan siya nang makakita ng hugis-tao na anino sa ere at pares ng pulang halos tuldok na—parang mga mata. Kinusot niya ang mga kaniyang mga mata at tumingin ulit pero wala na siyang nakita pa.
Namamalikmata lang yata ako, sa isip-isip niya.
"Dalian mo nang maglakad, Maddy. Gutom na rin ang mga kapatid mo," paghatak sa kaniya ni Ruth. Wala na siyang nagawa kundi sumunod. Iwinaksi niya na rin sa kaniyang isip ang pigurang nakita niya kani-kanina lang.
Pagkatapos ng gabing iyon, lagi nang tinatakot si Maddison at ang kaniyang mga kapatid ng kanilang ina. Lagi na nitong binabanggit ang tungkol sa bampira. Wala na ang lola nila kaya wala nang nakakontra sa mga sinasabi nito. At simula rin ng araw na iyon ay hindi na siya lumabas nang mag-isa kapag gabi.∞
BINABASA MO ANG
Winged Chaos
VampireAs soon as Maddison realized that Ryker was winged and the way they flew in the night sky, she knew it was chaos. *** Maddison Palacio, a senior high school graduate, works as an assistant of Ryker Verano- a lone vampire heir who lives alone in a ma...