WC #20: Tragedy

53 1 0
                                    

Chapter XX

Decades ago...

Sitio Kalamba.

Ito ang bayang kinalakihan ni Ryker at ng kaniyang inang si Olympia. Buhat noong natagpuan nila si Aling Sinang at nangalap ng impormasyon tungkol sa pagiging bampira, napagpasyahan ng mag-inang manuluyan na sa isang permanenteng tirahan. 

Gamit ang mga ginto, pilak, at iba pa nilang ari-ariang nagmula pa sa kanilang ninuno, binili nila angang isang mansyong nagkukubli sa gitna ng malawak na kagubatan. Doon sila nananahan ng napakaraming taon. Kaunti lang ang mga nakatayong bahay sa palibot nito kaya nakadagdag iyon sa mga rason kung bakit mailap sila sa mga tao. 

Hindi sila umiinom ng dugo ng tao, sa utos na rin ni Olympia, maliban na lamang kapag sasapit na ulit ang ikasampung taon nilang nabubuhay. Ngunit bago iyon ay nagkakaroon sila ng ilang senyales ng pagiging bampira tulad ng pagiging uhaw sa dugo, paglabas ng mga pangil, pagkakaroon ng matalas na pandama. Mas nagiging agresibo rin sila at kapag papalapit na ang petsa, may mga pagkakataong hindi nila makontrol ang kapangyarihan nila. Ilang beses nilang nalagpasan ito at nakamit ang pinakamalakas nilang estado. 

Samantala, sa mga normal na araw ay tanging pangangaso at pagpitas ng mga bunga ng puno ang paraan nila para makakain.

Maraming taon ang lumipas at marami ring naging pagbabago sa lugar. Ang dating puro gubat ay natayuan ng mga istruktura hanggang sa maging bayan ang nasa bungad nito at magkaroon na rin ng squatter area. Ang tanging hindi nagbago ay sina Ryker at Olympia na hindi pa rin tumatanda at ang pangungulila sa puso nila.

Sa katagalan ay napagod si Olympia sa kahihintay sa kanilang angkan at napagpasyahan nang magpahinga. Sa kabilang banda, tuluyang naipasa kay Ryker ang sumpa. Hindi siya maaaring mamatay hangga't hindi siya nagiging mortal o hindi kaya hangga't hindi niya naipapasa ang sumpa sa susunod na henerasyon.

Para matulungan ang anak ay nagbilin si Olympia sa kaniyang magdala ng isang tao sa mansyon upang may reserba siya pagdating ng tamang panahon, sa ikasampung taon. Sa unang ikasampung kaarawan ni Ryker matapos uminom ng dugo ng tao, nakakita siya ng isang dayong mangangaso. Kinitil niya ang buhay nito sa pamamagitan ng pagsipsip sa dugo at nanumbalik ang malakas niyang kapangyarihan. 

Kinabukasan ay kumalat sa buong lugar ang nangyari sa mangangaso ngunit hindi kailanman nahuli si Ryker dahil sa tuwing may nagtatangkang humanap sa kaniya sa gubat, nagagawa niyang iligaw ang mga ito.

Paulit-ulit ang bawat araw ni Ryker habang mag-isa siyang nakatira sa mansyon. At sa paglipas ng mga taon at pag-usbong ng mga tao at teknolohiya, natunton ng ibang tao ang tinitirhan niya. Natakot siya noon dahil naalala niya ang laging ikinukwento ni Olympia tungkol sa pang-aapi ng mga tao sa kanilang uri. Dahil doon ay sinubukan niyang makibagay para magawa niyang manatili sa mansyon. At para sustentuhan ang sarili, humanap siya ng ibang trabahong pabor sa kaniya. Bagamat hindi siya nasusunog sa sinag ng araw ay sensitibo naman ang balat niya kaya gabi lamang siya lumalabas.

Hindi kailanman siya nagkaroon ng interes sa mga tao o nagkaroon ng espesyal na koneksyon sa kanila. Mailap siya at hindi makabasag-pinggan. 

Isang gabi, nakakita siya ng isang grupo ng mga kabataang may kani-kaniyang dalang bagahe. Nilakasan niya ang loob niya at noong hindi sila nakabantay ay kinuha niya ang isang bagahe at mabilis na nagtago. Ang isang gawain ito ay nasundan ng isa pang beses. 

Winged ChaosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon