"Gaano ka man kaingat sa iyong pananalita,
pagdating sa mga tsismosa, ikaw pa rin ang mapapasama."──ʚ♡ɞ──
"Sabi ko sa 'nyo, eh! May taglay na kati talaga 'yang mga 'yan!"
Natigil ang pag-uusap-usap ng mga kapitbahay nina Mela nang mapatingin siya sa mga ito. Bumibili lang naman siya ng Coke at pancit canton para sa meryenda nilang magkakapatid ngunit heto at tila pinagpipyestahan siya ng kanilang mga kapitbahay.
Ibinigay ni Mela ang saktong bayad niya sa tindera at kinuha na ang mga binili upang makauwi. Sabado ngayon at gusto na niyang magpahinga dahil sobrang busy pala ang maging sekretarya ng isang doktor.
Nakakailang hakbang pa lamang ang dalaga nang kaagad rin itong napahinto dahil pinalibutan siya nina aling Marisol, aling Lolita, at aling Kristy, ang nangungunang Marites sa kanilang lugar. "Bakit ho?" tanong nito at diskumpyado sa mga ngiting aso na ipinapakita ng tatlong matatanda. Alam niyang siya ang pinag-uusapan nila kanina dahil sa kaniya lang naman nakatingin ang mga ito.
"Hija, mukhang mayaman ang naghatid sa 'yo kagabi, ah!" mapanuksong sambit ni aling Marisol habang sinusubukan pang kilitiin ang dalaga sa tagiliran.
"Ang gara ng kotse! Magkano ang bili niya do'n?" tanong naman ni aling Kristy habang inilalapit ang mukha niya rito.
"Aba, malay ko naman ho? Hindi naman ako 'yong nagbenta sa kaniya no'n." Depensa naman ni Mela sa sarili habang niyayakap ang bote ng isang litrong Coke kasama ang tatlong pancit canton. "Mauna na ho ako..."
Hindi pa siya nakakahakbang ay napahinto na ito dahil sa pagharang ni aling Lolita. Sa kanilang tatlo, siya ang may kabilugan ang katawan at hindi iyon kayang itago ng maluwang na suot niyang daster. "Nako, hija... huwag kang masyadong umasa ha? Kasi ang mga mayayaman at guwapo, mga magaganda at mayayaman lang din ang gusto."
Tumango naman ang dalawa nitong mga kaibigan at nagpalipat-lipat ng tingin si Mela sa kanila.
"Pinaglalaruan ka lang no'n!" sulsol pa ni aling Marisol.
"Kapag nagsawa na siya sa 'yo, iba naman ang paglalaruan niya."
Isang malakas na buntong hininga ang pinakawalan ni Mela at magkasalubong ang mga kilay nitong tiningnan ang tatlong chismosang kapitbahay. "Hindi ho gano'ng klaseng lalaki si Doc Hanz! Mabait 'yon lalo na kapag tulog!" Sa unang pagkakataon ay tumaas ang boses nito. "Tsaka makikiraan na rin dahil paniguradong gutom na si Sef!"
Rinig pa rin niya ang bulung-bulungan ng kaniyang mga kapitbahay ngunit hindi na niya pinansin ang mga ito. Alam kasi niyang mas lalo lamang siyang aasarin ng mga iyon kung papatulan niya kaya pinili na lamang niyang iwasan ang tatlong Marites.
Tuloy-tuloy itong pumasok sa kanilang tahanan at dumeretso sa kanilang lamesa. Ibinaba niya roon ang mga pinamili at siya namang paglabas ni Sef mula sa kusina. "Akala ko na-traffic ka na sa Edsa, teh. Ang tagal mo samantalang nasa tapat lang ang tindahan," panunuya nito sa kapatid ngunit kaagad ding tinakpan ang bibig nang sikuin siya ni Gabbie at inginuso ang hindi maipintang mukha ni Mela.
"J-Joke lang, ate." Nag-peace sign ito at ngumiti nang malapad ngunit tila walang epekto iyon kay Mela.
"Ano'ng problema, ate?" Naitanong ni Gabbie habang karga-karga ang natutulog nitong anak.
Tiningnan niya ang dalawang nakababatang kapatid, lalo na si Gabbie. Gusto niyang sabihin sa kapatid na hindi niya kasalanan kung niloko siya ng lalaking inibig niya at iniwan siyang luhaan. Gusto niyang sabihin na kahit ano'ng mangyari, nandito lang sila ng ate Sef niya para sa kaniya dahil si Gabbie ang una niyang naisip nang sinabihan siya ng mga Marites nilang kapitbahay na lolokohin lang siya't paglalaruan ni Hanz dahil mayaman ito.
BINABASA MO ANG
Melchora (The Modern Filipina Series)
RomanceMelchora Kabayan, fondly known as Mela Raketera, is the family's bread winner. Palibhasa panganay kaya lahat ng pressure ay napunta sa kaniya, at siya na rin ang tumayong magulang para sa dalawang kapatid niya. Wala siyang panahon para sa isang rela...