Kabanata 04

63 11 0
                                    

KABANATA 04

(ZETA'S POINT OF VIEW)

Nakalabas na ako ng canteen pero dala-dala ko parin ang kaba. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong takot kanina.

Huminto muna ako para mahimasmasan nang biglang may bumangga sa likuran ko. Sa kaiisip ng nangyari kanina ay hindi ko na pala napansin ito.

Nilingon ko ang taong bumangga sakin at nakita ang isang lalaki na nakaakbay sa isang babae. Amoy alak. Lasing ang lalaki at wala na itong malay.

"Pasensya na, Miss. Lasing kasi itong kasama ko. Pasensya na," paumanhin ng babae.

Tumango lang ako at ngumiti para ipahiwatig na ayos lang ako. Nginitian niya din ako bago maglakad buhat-buhat ang lalaking kasama niya.

May konting dugo sa labi ng babae kanina. Sinaktan kaya siya ng lalaking kasama niya? Inalala ko ang nakita ko kanina. Sa tingin ko ay may relasyon ang dalawang yun. Halata kasi ang sobrang pag-aalala sa mga mata ng babae. Ingat na ingat din siya habang buhat-buhat ang lalaki. Hindi sana tama ang iniisip ko.

Nakarating na ako sa dorm at diretso akyat lang papunta sa room ko. Agad kong hinubad ang jacket ko.

Nahiga ako sa kama at tinitigan ang kisame. Andaming nangyari sakin ngayong araw na ito. Hindi na kinaya ng utak ko ang lahat ng mga nalaman ko.

Lumalalim na ang gabi nang sumilip ako sa bintana. Alas syete na ang oras. Katatapos ko lang na kumain at paniguradong nabusog ako. Unti-unti ko na ring nakakalimutan ang mga nangyari kaninang umaga.

Nag-shower ako at nagsuot ng damit pantulog. Naisipan ko ng matulog ng maaga kaya nagtungo na ako sa may pintuan para isara ito ng mabuti.

Hahawakan ko palang sana ang door knob nang biglang magbalik sa alaala ko ang mga sinabi ni Casano kaninang umaga.

"May welcoming party mamayang gabi para sa mga freshmen. Here's my advice, lock your room and don't let anyone in no matter what they do."

Nagkusa agad ang kamay ko na ilock ng mabuti ang pintuan. Namumuo na naman ang takot at kaba ko. Baka biglang may pumasok dito at patayin ako.

Agad kong pinatay ang ilaw at umupo sa upuan para mag-isip ng pwede kong gawin. Nawala na ang antok ko at parang wala na akong panahon pa para matulog. Kung totoo ang mga sinasabi ni Casano ay hindi dapat ako nakaupo lang dito.

Tahimik akong naglakad at naghanap ng kutsilyo. Sa kasamaang palad ay wala pala akong nadala. Masyado kasi akong bilib sa sarili ko nang pumasok ako rito pero ang totoo naman talaga ay wala akong ideya kung anong klaseng unibersidad itong pinasukan ko.

Wala akong makita na pwede kong magamit na panlaban kung sakali mang may sumugod sa akin. Isa lang ang pwede kong maging sandata ngayon at yun ay ang spatial awareness ko. May kakayahan akong magkaroon ng kamalayan sa mga bagay sa paligid ko at posisyon din ng mga taong malapit sa akin. Nahasa ko ng husto ang pandinig at paningin ko para sa mga ganitong sitwasyon. Hindi naging normal ang kinalakihan kong buhay kaya tinuruan ko ang sarili ko na gamitin ito sakaling nasa panganib ang buhay ko.

Naalerto ako nang makarinig ng mga yapak sa labas. Mahina ito kaya malamang ay papalapit pa lang ito. Nagtaka ako nang wala na akong marinig na tunog.

Maya-maya ay bigla akong nanginig sa sigaw na narinig ko. Babaeng sumisigaw. Base sa pagkakarinig ko ay may kalapitan ito sa kinaroroonan ko.

May tumutulak sa akin na lumabas at puntahan ang taong sumisigaw pero pinangungunahan ako ng takot na baka hindi ito totoo at pakana lamang ng mga taong gustong pumatay sa akin. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Hahayaan ko lang ba na may mamatay dahil nagpadala ako sa takot o lalabas ako kahit na alam kong may posibilidad na ako naman ang patayin nila?

Assasino Playground (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon