Chapter 2

11 2 0
                                    

Chapter 2

"Ano, impressed ka ba? In love ka na, ano?"

Sariwa pa rin kay Winter ang mga nangyari bago nagsimula ang unang klase sa umaga. Nakatatanggal man ng sigla ang makinig sa mga salita ni Mayumi Florante, naging interesado naman ang kanilang pag-uusap dahil sa ipinakitang hiyas na nagtataglay na kakaibang kapangyarihan.

At ngayon, sa kanilang klase sa Mahika I, nakaupo lamang siya sa kanyang silya't nag-iisip-isip, habang kusang umiikot sa kanyang palad ang hawak ang ballpen.

Ano pa ba ang kailangan kong dalhin sa ekspedisyon?

Nakalista na sa isang papel ang ilan sa mga balak niyang dalhin sa nalalapit na ekspedisyon. Bagamat walang ibang ginagawa, kabaliktaran naman ito ng mga kamag-aral niyang ngayo'y nakaupo sa gitnang sahig ng kwarto, habang ang kanilang mga upuan ay sama-samang nakapwesto sa likuran ng silid.

Bawat nakaupong mag-aaral ay may kanya-kanyang dalang basong tubig. At bawat baso'y may nakalutang na kapirasong dahon.

Kahit ang guro sa unahan ng klase, sa kanyang mesa'y may nakapatong rin na baso. Nang ilapit ang kanyang palad sa gilid nito, nakita ng lahat ang naging pag-ikot ng dahon sa ibabaw ng tubig.

"Ang mana na nagmumula sa aking palad, ito ang dahilan kung bakit umiikot ngayon ang dahon, kahit hindi ko ito hinahawakan," pahayag ni Sophia sa harapan ng klase. "Ngayon, kayo naman. Muli ninyong ipikit ang inyong mga mata at huminga ng malalim."

Sa mga oras na iyon, nabalot ng katahimikan ang silid-aralan. Tanging mga ihip mula sa dumaang hangin ang narinig ni Winter sa kanilang silid.

"Pakiramdaman ninyo ang mana sa ating paligid. Mula sa hangin, sa mga puno, pati na rin sa mga ibong humuhuni. Unti-unting papasok ang enerhiyang ito sa inyong katawan at hihigupin patungo sa inyong dibdib. Ipahinga ninyo ang inyong mga braso at sabay i-focus ang inyong diwa sa inyong mga palad."

Isa-isang umikot ang mga dahon sa tubig nang ipatong ng mga mag-aaral ang kanilang palad sa mga baso. Humakbang muna ang guro at inobserbahan ang kanyang klase, hanggang sa napansing sabay-sabay nang nakapagpapaikot ng dahon ang lahat ng nakapikit niyang mag-aaral.

"Good. Ipagpatuloy lamang ninyo ang pag-cultivate ng mana hanggang sa inyong makakaya. Kung sino man ang huling makapag-paikot ay exempted sa ating susunod na pagsusulit."

Mana. Ang enerhiyang natural sa lahat ng bagay, may buhay man o wala. Hindi man nakikita ng ordinaryong mga mata, ang mana'y importanteng kasangkapan ng mga abilidad na noo'y sa mga pantasya lamang nakikita.

Bagamat hindi ito likas sa mga Pilipino, may isang prosesong ibinahagi ang mga Eternian matapos na madiskobre ang daang nag-uugnay sa dalawang dimensyon; ang proseso ng pagkolekta ng mana mula sa kapaligiran, kung tawagin ay Mana Cultivation.

"Chippy, Boy Bawang, Zesto Orange? Anong listahan 'to?" tanong ni Sophia matapos hablutin ang papel sa upuan ni Winter. "Anong akala mo sa isang expedition sa Eternia, field trip?"

Sa kanyang pag-iisip, hindi napansin ni Winter na nasa tabihan na pala niya ang kanyang guro. Nagkamot muna siya ng ulo bago sumagot.

"Hindi po ba kayo rin ang nagsabi na dapat i-enjoy ang hamon ng buhay?"

"Sabihin ko lang sa'yo, Winter. Mga halimaw ang makakaharap ninyo sa Eternia, hindi traffic enforcers!"

"Halimaw, pulis, traffic enforcer... Pare-pareho lang naman po 'yon, Sensei."

Dahil sa kanyang likas na talento, si Winter lamang ang ngayo'y nakaupo sa kanyang silya at hindi kabilang sa aktibidad ng klase. Sapagka't nabibilang ang binata sa mga tinatawag na Inheritor, mga bihirang indibidwal sa Pilipinas na may katawang kayang lumikha ng sariling mana. Taliwas sa mga tinatawag na Prayers, na kailangan munang mag-cultivate ng mana tulad ng aktibidad ngayon ng kanyang mga kamag-aral.

The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon