Chapter 12
Palubog na ang araw nang lumabas si Winter sa isang kulay bughaw na bagon at sumandal sa isang pasamano, sa pasilyo ng sinasakyang tren. Bagamat hinahampas siya ng hangin dahil sa kanilang tulin, doon lamang niya napansin ang rutang tinatahak ng tren. Ang kapatagang kanina'y kanilang binabaybay ay napaltan na pala ng batuhang purok sa tabi ng hindi mabilang na mga burol.
Agad tumalon si Winter patungo sa bubungan ng bughaw na bagon at tumalon pa ulit patungo naman bubungan ng tatlong palapag na bagon ni Mayumi. Doon niya natanaw na winawasak pa rin ng kanilang mga elepante ang anumang mga batuhan na humarang sa kanilang landas.
Ngunit hindi lamang mga elepante ang natanaw ng binata. Napansin rin niya si Gregory na nakasakay sa isang higanteng agila, habang sinusuyod ang gintong kalangitan.
"Handa na ang milk tea mo, Laaaaabs!" tili ni Emma ng sumilip ito sa isang bintana at kumaway sa ikalawang palapag ng isang puting bagon.
"Thank you, my labs!" wika ni Gregory nang kuhanin ang isang bote sa dalaga at muling pumaitaas sa himpapawid.
"Ganito pala ang mga work couple. Cringe ang tawagan," salita naman ni Winter sa hangin.
Tanging si Winter, Xander at Margaret ang nakatokang bantay ni Mayumi sa oras na iyon. Si Gregory ang nakatakdang night watch ng tren sa himpapawid, samantalang parehong nangangabayo sina Carlo at Anthony sa gilid ng tren, kasama ang ilang mga kalalakihan.
Sa kanyang pagbaba pabalik sa pasilyong katapat ng bagon ni Mayumi, napadako si Winter sa kanyang kaliwa. Isang mersenaryo ang nakatitig sa bagon ng dalaga't tila sinusuri itong mabuti. Nang dumako ang tingin ng lalaki sa kanya'y agad itong nagsalita.
"Anong tinitingin-tingin mo, Bata?"
Ngunit bago nakapagsalita, isang boses pa ang narinig ni Winter sa kanyang likuran.
"Ikaw marahil ang dapat tanungin. Anong ginagawa mo sa bagong ito?"
Nang sumilip sa kanyang balikat, napag-alaman ni Winter na galing kay Edwin Latinford ang mga salita.
Hindi na sumagot ang mersenaryo't ngumiti na lamang sa dalawa bago naglakad pabalik sa dulong bahagi ng tren. Si Winter, ilang segundong tumitig sa likuran ng mersenaryo bago tumalikod.
"Nakakaramdam ka rin ba ng kakaibang awra sa mga mersenaryong inarkila para sa ekspedisyong ito?" tanong ni Winter kay Edwin.
"Nagkakamali ka. Para sa inyong dalawa ang katanungan kong iyon. Sa anong dahilan at nakapasok ang isang Pilipino sa prestihiyosong House Marshall?"
Subalit walang narinig na sagot galing kay Winter. Sa halip, bukas ng pinto sa isang puting bagong di-kalayuan ang narinig ng dalawa. Agad nakita si Lucas na nagsasalita habang nakahawak sa bahagi ng kanyang tenga.
"Tamang-tama ang pagdaan mo, Edwin!" sabi ni Lucas matapos lumapit sa dalawa. "Nakatanggap ako ng mensahe. Kasalukuyang naka-engage sa mga bandido ang recon team sa constant point. Kailangan nila ng backup sa lalong madaling panahon!"
"Sa mismong constant point?" sagot naman ni Edwin. "Ngunit papaa-"
Biglang lumapag mula sa kalangitan ang isang agilang tila kasing laki ng isang sasakyan. Dumapo ito sa bubungan ng isang puting bagon bago nito isinara ang naglalakinghang pakpak.
"Pinauna ko na si Gregory at si Emma sa constant point, sa paanan ng isang bulkan. Patungo na rin ang ikalawang recon team upang magsilbi ring backup," paliwanag ni Lucas nang umakyat si Edwin sa higanteng ibon. "Ang misyon ninyo'y makuha ang constant point sa oras ng pagdating ng expedition team!"
"Pero wala akong anumang pagsasanay sa pagsakay sa agila..." giit ng squire nang humawak sa lubid, sa likuran ng higanteng ibon.
"Walang dapat ipag-alala. Nabigyan na ni Gregory ng kautusan ang mga alaga niya."
BINABASA MO ANG
The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]
FantasyTaglay ang pambihirang abilidad ng kanyang mga palad, isang sikretong misyon ang kailangang gampanan ni Winter Faraon upang iligtas ang dalagang nakaturo ang isang propesiya. Laban sa isang halimaw na nakatago sa dilim, isang paglalakbay sa kontinen...