Epilogue

6 2 0
                                    

Epilogue

Nakahawak sa kanyang tagiliran si Otis Trillion habang paika-ikang nilalakad ang pasilyong patungo sa throne room ng House Trillion. Nang masilayan ang kanyang trono, hindi na kinaya ng kanyang mga binti ang natamong sugat at napaluhod ito sa sahig.

Sa una, kahit matinding sakit ang kanyang tiniis, mga ngiti pa rin ang kanyang ipinamalas. Dahil sa kanyang pagkakaligtas, sisiguraduhin niyang sa impyerno lamang magbabayad ang mga gumawa nito sa kanya.

Subalit napaltan ng galit ang naramdaman niyang pagod at sakit, nang nabatid ang isang lalaking nakaupo mismo sa kanyang trono.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo sa aking-"

Ngunit sa sandaling iyo'y napatigil sa pagsigaw si Otis. Natulala ito at bahagyang napanganga sapagkat ang lalaking bumungad sa kanya'y taglay ang kanyang mukha.

Maya-maya lang, sa likuran ng lalaki'y may aninong nagpakita. Bumaba ito ilang hakbang mula sa tabi ng trono at nagpamalas ng mga ngiti. Ang lalaki'y nakabaluti ang dibdib at taglay ang simbolo ng gintong agila.

Agad namukhaan ni Otis ang nagpakitang kabalyero; ang kanyang pamangkin, si Kidlat Florante ng House Magdalo.

"Hindi ako makapaniwalang nakaligtas ka sa tiyan ng isang Spirit Beast. Totoo nga ang paniniwala naming mga Pilipino. Mahirap daw mamatay ang masasamang damo."

"A-Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Otis.

"Kailangan ko pa bang sabihin? Ang iyong kasakiman ang dahilan ng iyong pagbagsak. Pero sa pagkakataong ito, hindi kita masisisi. Kahit ako'y nagulat sa bilis ng mga galaw ni Winter. Pag-aakala ko'y ilang araw pa ang aking bibilangin. Hindi ko akalaing katulad ng aking ina, may koneksyon rin siya sa isang Spirit Beast."

Sa mga oras lamang na iyon nabatid ni Otis ang mga nakaraang pangyayari; ang pagkakatalaga ng bagong miyembro ng Defense Team ni Mayumi, ang kautusan sa konseho na hindi niya nalalaman, at ang lalaki sa trono na taglay ang kanyang mukha.

"Pinalano ninyo ang lahat! Kayong mga Pilipino! Ano sa tingin mo ang mangyayari sa oras na malaman ito ni Odin?!"

"Hindi ba't pinalano mo rin ang ilang mga kaganapan? Ang pag-atake ng isang assassin na ikinunekta mo sa mga Dark Guilds, ang pagbibigay mo ng mga tauhan sa ekspedisyon para lamang bihagin ang aking kapatid, at ang tuta mo sa Defense Team kaya naman nakapaghanda agad ang bampira sa oras na dumating sina Lucas galing Gitnang Eterniya..."

Sa oras na iyo'y natahimik lamang si Otis.

"Subalit hindi mo kailangan mag-alala, aking inutil na tiyuhin. Kahit sino'y walang makakaalam sa susunod na mangyayari. Katulad ng panlilinlang mo sa aking ina!"

Biglang bumukas ang pintuan ng silid. Sunod-sunod pumasok sa kwarto ang hindi mabilang na mga kabalyero.

"Lord Otis!" sigaw ng isang sundalo.

"Ayos lang ho ba kayo, Lord Otis?!" sabi naman ng isa.

"Ano pa ang hinihintay ninyo!" utos ng lalaking nakaupo sa trono. "Pinagtangkaan ng mersenaryong 'yan ang aking buhay!"

Matapos ang utos na narinig, nang napabaling ang kanyang tingin sa natitirang yelong nakabalot sa pader, doon nabatid ni Otis ang kabuuang plano ni Kidlat. Nagbago na pala ang anyo ng kanyang mukha. Pati ang kanyang kasuotan, nag-iba na para bang biglang pinaltan ang kanyang pangangatawan.

Sa huling sandali ng kanyang buhay, nakarinig ng boses si Otis sa kanyang isipan.

"Naging masyadong mataas ang iyong pangarap para sa iyong kakayahan, Lord Otis. Ngunit ngayo'y tapos na ang iyong kasakiman..."

Sa paglusob ng mga sundalo, agad bumaon sa likuran ni Otis ang talim ng kanilang mga sandata, dahilan upang bumagsak ang kanyang katawan sa sahig. Muling namang nakarinig ng boses ang nag-aagaw buhay na si Otis sa huling pagkakataon.

"Paalam, aking tiyuhin. Sa akin na ang mga tapat mong tauhan. Sa akin na ang kapangyarihang matagal mong inalagaan. At higit sa lahat, sa akin na ang House Trillion!"

Sa sandaling iyon nagdilim ang paningin ni Otis Trillion.

The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon