Chapter 20
"Bakit nagawa 'yon ni Chief Lucas? Sa tagal na nating magkakasama..."
"Pwede ba, Carlo! Itigil mo na ang kakaiyak mo!" tili ni Mayumi habang hawak ang isang baston. "Hindi maibabalik ng mga luha mo si Chief Lucas!"
Matapos ang insidente sa trono ng mansyon, napadpad ang Defense team sa kwarto ni Lucas, sa kanilang pag-iimbestiga. Habang si Emma at Gregory, pansamantalang humiwalay upang humingi ng kaukulang tulong sa gitna ng pagkawala ng mga otoridad.
"Xander, wala ba talaga tayong ibang gagawin?" tanong ni Anthony matapos na mag-obserba sa silid.
"Habang hindi pa nahuhuli si Chief Lucas, wala tayong maaaring gawin kundi hintayin sina Emma at makipag–coordinate sa mga kabalyero ng House Trillion," sagot ni Xander matapos isara ang hawak na libro. "Tama si Winter. Ang kaligtasan ni Mayumi ang dapat nating prayoridad."
Ngunit nang muling napabaling ang kanyang tingin kay Margaret, pansin ni Xander ang tila pag-aalala ng dalaga nang may buklating aklat. Kaya nama'y agad niya itong nilapitan.
"May... Margaret. May problema ba?" tanong ni Xander.
Sa kanyang paglapit, agad nabatid ni Xander ang kakaibang simbolo sa pabalat ng librong hawak ng dalaga. Isang simbolong tila may pagkakahawig sa isang bampira.
"Ang librong ito... Papaanong napasakamay ito ni Lucas...?" wika ni Margaret.
Nang sumilip sa aklat, agad kumunot ang noo ni Xander nang mabasa ang isang talata.
"Sa gitna ng aming pag-aaral, doon lamang namin nabatid na patungo ang aming pagsasaliksik sa kabilang landas. Imbes na walang hanggang buhay, isang lasong pamatay sa mga bampira ang aming nalikha," basa ni Xander bago humalukipkip. "Anong klaseng libro ito?"
Matapos ang mga salitang iyon, biglang napapikit at napaupo sa sahig si Margaret. Napahawak na lang siya sa kanyang noo bago nagsimulang bumigat ang kanyang paghinga.
Agad namang lumuhod si Xander ay isinandal ang dalaga sa kanyang braso.
"Anong nararamdaman mo?"
"H-Hindi ko alam..." sagot ng dilag. "S-Simula nang tumakas si Lucas, b-biglang na lang sumakit ang aking ulo. Parang nakakakita ako ng imahe ng aking ina... Kasama si Lucas..."
"Hah?!" sambit naman ng nagtatakang si Mayumi. "Sa anong dahilan naman at-"
Sa mga oras na iyon, animo'y tumigil ang oras sa paligid ni Xander. Nagkaroon siya ng kakaibang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag. Walang ideya ang binata kung bakit, ngunit habang dala si Margaret sa kanyang braso, basta na lamang lumukso si Xander patungo sa kabilang parte ng silid at tumilapon sa ere, bago sila lumapag at nagpagulong-gulong sa sahig.
Sa kanyang pagbangon, nang dumako si Xander pabalik sa kabilang parte ng silid, isang eksena ang hindi niya inasahan. Binalot na pala ng yelo ang halos kalahati ng kwarto. Parehong nakulong sa kristal sina Carlo at Anthony nang walang kalaban-laban, at maging si Mayumi ay hindi nakaligtas.
Si Winter ang unang pumasok sa isipan ni Xander. Subalit nang mapansin ang isang lalaking may kahabaan ang buhok at nakatindig sa harapan ng nakulong na si Mayumi, narinig ng binata ang mga salita nito.
"Magaling. Hindi ko akalaing aabot sa ganitong antas ang pagprotekta mo sa dalaga," wika ng lalaking nakatitig pa rin kay Mayumi. "Ang dalaga sa iyong likuran, siya ang tunay na Mayumi Florante, hindi ba?"
Sa pagharap ng lalaking nakaitim na kapa, nanlaki ang mga mata ng binata. Kita mismo ng kanyang mga mata ang naglalakihan nitong mga pangil.
"Bampira? May ikalawang bampira?" pagtataka ni Xander.
BINABASA MO ANG
The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]
FantasyTaglay ang pambihirang abilidad ng kanyang mga palad, isang sikretong misyon ang kailangang gampanan ni Winter Faraon upang iligtas ang dalagang nakaturo ang isang propesiya. Laban sa isang halimaw na nakatago sa dilim, isang paglalakbay sa kontinen...