Chapter 23

12 2 0
                                    

Chapter 23

"What's happening?! Bakit naka-isolate si Lucas?!"

Kasabay ng mga sigaw ng dalaga ay mga luha nito sa pisngi, habang kinakausap ang isang doktor sa harapan ng isang bintana. Bintanang kung saan makikita si Lucas na nakahiga sa isang kama.

"Ipagpaumanhin n'yo po, Lady Mayumi. Subalit delikado ang pagpasok sa loob ng kwarto," pahayag ng doktor. "Isang di kilalang uri ng airborne virus ang ngayo'y nakakalat sa silid, kasama ang pasyente. Sa ngayo'y ginagawa namin ang lahat upang malaman ang panlunas nito..."

Karamihan sa mga naapektuhan ng naging laban ay nilapatan lamang ng paunang lunas, kabilang ang Defense team at ilang kabalyerong nasangkot sa insidente. Bagamat walang anumang buhay ang nawala, tanging si Lucas ang inilagay sa ICU, sa isang modernong ospital ng Ironchester.

"Gawin ninyo ang lahat! Please!" hiling ng dalaga.

Kahit nagtagumpay laban sa bampira, walang ibang magawa si Winter kundi titigan ang tila naghihingalong si Lucas sa isang bintana. Sa oras ding iyon, bigla niyang naramdaman ang palad ni Mayumi sa kanyang braso.

"Hindi ba't may kakayahan ang singsing mong pagalingin ang isang tao?" wika ng naluluhang dalaga. "Bakit hindi mo subukang pagalingin si Lucas, Winter?"

Subalit napaiwas ng tingin ang binata. "Mga ordinaryong sugat lamang ang maaaring pagalingin ng Gambit Ring. Ang sitwasyon ngayon ni Chief... Lampas sa aking kakayahan..."

***

Tandang-tanda niya ang sariling mga ngiti, habang kanyang ikinukuskos ang pisngi sa braso ng kanyang ina. Bagamat iilan lamang ang kanyang natatandaan, ang tanging tumatak sa kanyang isipan ay lubos na kasiyahan sa kanyang kamusmusan.

Hanggang sa dalhin siya ng kanyang ama sa isang gusaling kapos sa mga bintana. Isang lugar kung saan naghihintay sa kanya ang mga kalalakihang may mga ngiti na tila iba ang ipinapahiwatig.

Doon nahinto ang kanyang maikling kasiyahan.

Wala siyang ibang ginawa kundi ang humiga sa isang puting mesa't tanggapin ang mga kutsilyo't kagamitang nagbibigay hinagpis, sa bawat minutong siya'y nakagapos. Ang tanging nasilayan lamang ng kanyang mga mata'y ang nakatapat na liwanag, na siya ring naglalaho kasabay ng paglisan ng mga kalalakihang nakabalot ang mukha.

Sa kabila ng hapdi at sakit na araw-araw niyang tiniis, hindi niya nagawang ihinto ang pagbilang sa mga segundong lumipas. Pagbilang na kanya lamang ititigil, sa oras na mahanap siyang muli ng inang kanyang minimithi.

Lumipas ang linggo, buwan, at taon, patuloy pa rin sa pagbibilang ang paslit. Ang pagbigkas ng mga numerong patuloy na lumalaki sa kanyang isipan, kasalungat ng pag-asa niyang tila unti-unting naglalaho.

Hanggang sa sumapit ang ika-limang taon mula nang siya'y iwan, nakarinig siya ng bukas ng pinto.

"At ano naman kayang laboratoryo ang isang 'to?"

Sa pagbukas muli ng kanyang mga mata, isang dalaga ang kanyang napansin. Dalagang tila isa-isang sinilip ang mga kagamitan sa silid, hanggang sa siya'y nabatid nito.

Agad kumunot ang kilay ng dilag.

"Anong nangyayari dito?" pagtataka ng dalaga. "Anong dahilan at ika'y nakatali?"

Lumapit ang dilag at hinaplos ang kanyang noo.

"Puno ng pasa at sugat ang iyong katawan. Pinapahirapan ka ba nila dito?" muling tanong ng dalaga.

Kakaiba sa lahat ang haplos na kanyang naramdaman. Mga haplos na tila kusang binabalot ng lamig ang kanyang mga naging sugat, at likas na nagpapagaan ng kanyang pakiramdam.

The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon