Chapter 11
Sa isang kagubatang pinamamahayan ng hindi mabilang na puno't halaman, kahit anong kapal ng kakahuyan nito'y isang tren ang bumabaybay sa sukal nito. Isang tren na binubuo ng sunod-sunod na linya ng mga bagon na iba't-iba ang laki, at hinihila ng pitong tumatakbong elepanteng nababalot sa bughaw na apoy.
Kahit anong daanan ay agad nalusaw. Kahit mga kumpol ng mga puno, ilang naglalakihang mga bato, o kahit ilang mga hayop na nakita na lamang ang sarili sa landas ng mga elepante'y agad nilamon ng bughaw na apoy.
Habang nakaupo sa bubong ng isang puting bagon na di-pangkaraniwan ang laki at hugis, nakita ni Winter ang lahat.
Sa bandang likuran ng tren matatagpuan ang limang itim na bagong kinaroroonan ng mga hukbo ng House Trillion, kasama rin ang ilang mga mersenaryo. Katabi nila ang tatlong malalapad na bagong naglalaman ng mga pagkain, armas at iba pang mga kagamitan sa ekspedisyon. Samantalang nasa unahan naman ng mga ito ang bughaw na bagong tinutuluyan ng Defense Team.
Sa pinaka-gitna ng tren matatagpuan ang kulay ginto at tatlong palapag na bagon ni Mayumi, na katabi rin ang silid nina Sir Odin at Lady Beatrice. Sa unahan naman nito makikita ang apat na puting bagong kakaiba sa lahat. Mga bagon na ang ilan ay hugis bilog, ang ilan nama'y may dalawange palapag, at ang kinaroroonan ng mga siyentipiko sa ilalim ni Mayumi, kasama rin ang mga makabago at komplikado nilang makinarya. Katabi naman nito ang lima pang itim na mga bagong kinaroroonan ng ilan pang hukbo sa ilalim ng House Trillion. Sa pinakaunahan naman karaniwang makikita si Lucas at ilang mga tauhang kumokontrol sa takbo ng tren.
Simple lang ang routine sa ekspedisyon. May ilang mangangabayo't magpapatrol sa likuran at dalawang gilid ng tren, at magpapalitan ang mga kalalakihan sa isinulat na rotasyon ni Lucas. Kada ilang kilometrong kanilang tatahakin ay may isang tauhan galing sa puting bagon na magbibigay ng direksyon sa control room, sa unahan ng tren. At sa oras na may nahanap na panganib sa antas ng may pagbabanta kahit sa mga bagon ng tren, panandaliang ititigil ang mga elepante't agad susugpuin ng hukbo ang anumang panganib sa pinaka-maikling panahon.
Napansin na lamang ni Winter si Lucas na naglalakad sa pasilyo sa gilid ng tren na kumokonekta sa lahat ng bagon. Tumigil ito nang marating ang binata.
"Kumusta ang iyong pamamasyal sa mga bagon? May nahanap ka bang kakaiba o maaaring pagmulan ng problema?" tanong ng butler.
"Bukod sa mga mersenaryong may mga mukhang gustong looban ang tren kesa sa sumunod sa mga utos? Wala naman, Chief. Kailangan lang sigurong may bantay sa mga bagong imbakan ng gamit," sagot naman ni Winter bago dumako ang tingin sa unahan ng tren. "Pero hindi ko inaasahang mga mamahaling elepante ang ginagamit ng House Trillion dito sa Gitnang Eterniya."
"Ang mga Blue Gem Elephants, kung tawagin sa iba ay mga path makers. Tama ka't may kamahalan, pero ang paggamit sa kanila ang isa sa pinaka-epektibong paraan sa pagbaybay dito sa Gitnang Eterniya, maliban sa paglipad sa himpapawid."
"Wala akong ibang complain. Ilang oras na rin simula nang lisanin natin ang Ironchester. So far, kahit masukal na gubat ang ating daanan, wala pa namang akong nakikitang aberya."
"Asahan mong sa mga susunod na oras ay may mga halimaw nang magpapakita. Hindi mahalaga kung kung maliit man o malaki ang panganib nilang dala. Tandaan mo na ang prayoridad ng Defense Team ay si Miss Mayumi lamang."
"Chief, hindi ba't red flag ang mga salitang 'yan?"
Sa sandaling iyon, napabaling ng tingin ang dalawa sa isang nangangabayong kabalyero nang marinig ang sigaw nito. Ilang mga tili pa ang sunod-sunod na narinig ng lahat hanggang sa pumureno ang sinasakyan nilang tren.
"Wolf-type beasts! 10 o'clock!"
Kasabay ng pagtigil sunod-sunod ng nakalinyang mga bagon ang pag-ungol ng ilang mga kabayo. Lumabas mula sa kadiliman ng kakahuyan ang ilang mga lobong mas malaki pa ang ilan sa mga kabayo.
BINABASA MO ANG
The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]
FantasíaTaglay ang pambihirang abilidad ng kanyang mga palad, isang sikretong misyon ang kailangang gampanan ni Winter Faraon upang iligtas ang dalagang nakaturo ang isang propesiya. Laban sa isang halimaw na nakatago sa dilim, isang paglalakbay sa kontinen...