Chapter 5
Noong unang panahon, sa mga araw na magkasama pang namumuhay ang mga divine at mga mortal, isang diyos ang ayon sa mga lumang kwento'y pinagtaksilan ng mga tao. Kaya naman sa kanyang galit, isinumpa niya ang mga mortal na nilalang. Pinaniniwalaan ng ilan na dito unang nagpakita ang Crimson Star; ang bituing may kakaibang liwanag sa gabi na nagpapabagsik sa pinakamababangis na halimaw sa kontinente ng Eternia.
"Pero kung ako ang tatanungin, kabaliktaran ang mga nangyari. Imbis na isang sumpa, naging isang biyaya ang Crimson Star. Sapagkat tinuruan nitong maging mas malikhain at matatag ang mga tao, sa oras ng kagipitan at kapahamakan!"
"Ah, hindi po ako turista, Manong. Ilang beses ko na hong narinig ang kwentong 'yan."
"Gan'on ba, iho? Eh, hetong mga prutas na galing sa mga butong nahulog mula sa Crimson Star, hindi ka ba interesado?"
Paghakbang pa lamang sa isang pamilihan, agad sinunggaban si Winter ng mga tinderong may dayuhang mga mukha na tila mas mabilis pa kesa sa mga halimaw na kanilang nakaharap.
Sa una'y pinagtitinginan lamang siya ng mga tao, kahit ibang mga mamimili, dahil sa kakaiba niyang kasuotan. Ngunit nang napahiwalay siya sa Defense Team, doon nagsimula ang kanyang kalbaryo.
"Pwede ho bang padaanin ninyo ako?" hiling ng binata.
Isa ang pamilihan sa lungsod ng Ironchester sa mga lumalagong merkado ng Magnolia. Hindi mabilang ang mga imprastrakturang ipinapatayo rito, kasama na rin ang mga istasyon ng barko at tren na taglay ang mga teknolohiyang mula sa kabilang dimensyon.
Ngunit para kay Winter, animo'y sumpa ang mga ito. Nakakapit na sa kanyang mga braso ang ilan sa mga tindero't tindera at may narinig pa siyang punit ng damit sa kanyang likuran.
"Lubayan n'yo 'ko!"
Inabot si Winter ng tatlongpung minuto bago nalampasan ang pamilihan. Bumuntong hininga na lamang siya sa isang sulok ng kalye at uminom ng Soke Mismo, habang tila kalalabas lamang sa dryer ang suot niyang mga damit.
"Nasa'n na ba ako?" sabi ng binata.
Nang mapansin ang isang harding isang kalye ang layo sa kanya, namukhaan ni Winter ang ilang mga nakatambay sa harapan nito. Doon niya nakita ang Defense Team, na tila kulang pa ng dalawang lalaking miyembro.
Sa kanyang paglapit, saka lamang niya natanaw ang isang kulay-abong mansyon sa likod ng hardin, na may pagkakahawig sa mga kastilyong matatagpuan sa Europa.
Si Mayumi, nang napansin si Winter ay agad pinigil ang pagtawa.
"Mukhang mas na-stress ka sa pamilihan kesa sa kweba," pansin ng dalaga habang nakapamewang malapit sa mga bulaklak.
"Hindi ko inakalang ganito ang palengke rito," sagot naman ni Winter. "Nagmumukhang langit sa kanila ang SM Cyberzone."
Maya-maya lang, ilang tinig ang kanilang narinig mula sa direksyon ng mansyon. Isang dalaga ang naglalakad, kasabay ng isang lalaki, at kumakaway patungo sa Defense Team. May mga buhok ang dilag na kapantay ng kanyang mga labi. May suot siyang puting diyaket na parehong suot ng mga scientist sa laboratoryo ni Mayumi.
"Sila ang huling mga miyembro, Faraon. Silang dalawa ang bubuo sa Defense Team," paliwanag ng butler matapos lapitan si Winter. "Ang dalagang palapit ay si Emma Madeline. Isang healer at ang assistant scientist ni Miss Mayumi. Siya ang kadalasang humahawak sa R&D Team sa absence ni Miss Mayumi. Mga bad boys ang kanyang type."
"Bad boys, huh," sabi naman ni Winter.
"Eto ang initial report mula sa school," wika ng kararating lang na dalaga matapos iabot kay Mayumi ang ilang mga dokumento.
BINABASA MO ANG
The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]
FantasyTaglay ang pambihirang abilidad ng kanyang mga palad, isang sikretong misyon ang kailangang gampanan ni Winter Faraon upang iligtas ang dalagang nakaturo ang isang propesiya. Laban sa isang halimaw na nakatago sa dilim, isang paglalakbay sa kontinen...