Part 4 - The Storm Prophecy

6 2 0
                                    

Chapter 17

Hindi pangkaraniwan ang pook na dinaanan ng Expedition team pabalik ng Ironchester; isang lupaing may pagkakahawig sa isang tulay na lupa, ngunit napapaligiran ng dalawang bangin sa magkabilang gilid nito. Habang ang mga bangin, tila nakatago ang lalim dahil sa nagtataasang mga punong-kahoy na animo'y ginagabayan ang mga dumadaan sa tulay.

Nakahiga lamang si Winter sa bubong ng bughaw na bagon sa tren, na ngayo'y nagaganap ang isang pagpupulong.

"Simula ngayo'y hindi na kasama ang Defense Team sa rotasyon," pahayag ni Lucas sa harap ng mga kasamahan. "Kaya nama'y inaasahan kong nakatuon ang buo ninyong atensyon sa seguridad ni Miss Mayumi."

"May inaasahan bang problema?" tanong naman ni Xander.

Ilang oras na ang nakalipas nang lisanin ng tren ang huling constant point pabalik sa mansyon ng House Trillion. Pero kahit anong gawing pag-higa ni Winter sa bubong ng bagon, hindi niya napigilang lumingon sa mga mersenaryong ngayo'y nakakalat na sa lahat ng sulok ng tren.

Ang ilan sa mga ito'y nangangabayo at nakahalubilo sa mga kabalyero, habang sinasabayan ang pag-andar ng tren. Ang ilan nama'y nakapanhik sa pasilyo ng iba't-ibang bagon, kabilang ang isang nakatambay sa labas ng bagon ng R&D team.

Masama ito...

Mula sa bughaw na bagon ay mabilisang lumukso si Winter patungo sa katabi nitong bagon na may tatlong palapag. Doon niya tinanaw ang unahang bahagi ng tren.

Walang ibang inaasahan ang binata kundi ang napipintong pag-atake ng mga kalabang hanggang ngayo'y hindi niya matukoy. Kung mangyari man ito, ang tanging mapoprotektahan niya ay ang bagong ngayo'y kanyang sinasakyan, na kinaroroonan rin nina Mayumi, Emma at Amelia.

Ngunit hindi inaasahang paggalaw ang nasaksihan ng binata. Isang mersenaryong nangangabayo ang lumapit sa kanilang bagon at tumapat mismo sa kanya.

"Anong kailangan mo?" tili ni Winter sa gitna ng pagtakbo ng tren.

Subalit walang anumang tugon ang narinig. Basta na lamang inihagis paikot ng lalaki ang isang kulay itim na sobre na agad namang sinalo ng mga daliri ni Winter. Hindi pa man niya nasusuri ang sobre nang binilisan ng mersenaryo ang kanyang takbo patungo sa unahang bahagi ng tren.

Nang kanyang buksan ang sulat, nabasa ni Winter ang isang maikling mensahe para sa kanya.

"Sa oras na ito'y iyong mabasa, itakas mo si Mayumi palayo sa labanan-"

Napahawak muna sa kanyang baba si Winter bago ngumisi. "Mukhang iisa lang ang plano namin ni Kidlat. At mukhang hindi lamang mga tauhan ng kalaban ang nakahalo sa Expedition team."

Agad hinati ni Winter ang liham at pinunit ang unang talata ng sulat. Matapos ibalik ang liham sa sobre at itago sa kanyang bulsa, bahagya siyang tumingala at muling tinanaw ang nauunang mga bagon.

Kung mangyayari man ang sagupaan, maaaring alinman sa unahan o likuran ng tren magsimula ang laban. Pero kung ako ang aming kalaban, mas mainam na sa unahang bahagi ng tren ang unang atakihin.

Sa mga oras na iyon, isang pagsabog ang biglang umalingawngaw sa paligid kay Winter. Pagsabog na nagmula sa unahang bahagi ng tren, sa isang itim na bagong ngayo'y pinagmumulan na ng usok.

Kahit patuloy pa ring umaandar ang sinasakyan nilang tren, ilang mga kabalyero't mersenaryo ang nakita na lamang ni Winter na gumugulong na sa kalupaan patungo sa dilim ng bangin, at tuluyang naglaho sa kanyang paningin.

Ito ang hinihintay ni Winter; ang hudyat ng sagupaan.

Habang nakatitig at nagkamasid sa unahang parte ng tren, dumako ang kamay ni Winter sa kanyang tenga, bago nagsalita sa suot niyang earpiece.

The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon