Chapter 22
Isang pagkakamali ang kanyang nabatid. Pagkakamaling tila binura ang lahat ng kanilang mga nagawa. At sa pagkakahulog ni Mayumi sa kamay ng kalaban, nagpamalas ang dalaga ng mga ngiting tanging sa bampira lamang nakita ni Lucas.
"Ilang siglo rin ang aking hinintay," wika ng dalaga. "Sa wakas ay mapapasaakin na rin ang kapangyarihan ng isang Stormborn..."
Sa sandaling iyon, walang ibang naisip gawin si Lucas kundi ang sumugod. Ngayong siya'y mag-isa, hindi maaaring mawala ang bampira sa kanyang paningin. At upang mailigtas ang dalaga, kailangan niyang ihanda ang sarili; ang gumawa ng pagkalito't disarmahan ang bampira, upang mabawi ang taglay nitong panulat.
Hawak-hawak ang kanyang mga balisong, ibinuhos ni Lucas ang lakas sa kanyang mga binti at sumugod patungo sa dalaga, sa gitna ng umusbong na kagubatan. Subalit hindi pa man siya nakakalapit, namataan na lamang niyang nagsusulat na ang bampira sa hangin, gamit ang Phoenix Quill.
Sa loob lamang ng ilang segundo, isang malakas na hangin mula sa himpapawid ang tila tinawag sa gitna ng kakahuyan. Sa sorpresa ni Lucas, inangat nito ang lahat ng nasa paligid, bago dumilim ang kanyang paningin.
Pagmulat ng kanyang mga mata, natagpuan na lamang ng butler ang sariling nakahiga sa isang putol na troso, habang puno ng gasgas at sugat ang kanyang katawan. Wala siyang ibang nakita kundi ang makapal na usok na bumalot sa kakahuyan.
"Anong nangyare?!"
Pinilit ni Lucas na makabangon. Ilang beses siyang dumaing matapos na bunutin ang ilang matutulis na kahoy na bumaon sa kanyang mga binti.
Kasabay ng kanyang pagtayo ay ang pagnipis ng namuong mga usok. Subalit hindi lamang ito ang naglaho. Nakita mismo ng sarili niyang mga mata na pati ang kakahuyang katabi lang ng mansyon, tila nabura. Ang natira'y mga kalupaang animo'y nakalbo matapos ang pagbaba ng tinawag na hangin.
"Miss Mayumi! Mayumi!"
Tinanaw ni Lucas ang lahat ng direksyon. Nagpabaling-baling ang kanyang mga tingin, pilit hinahanap ang dalagang nawala sa kanyang paningin. Kahit nakaramdam ng hapdi sa bawat hakbang na kanyang tiniis, lahat ng ito'y para lamang muling makita si Mayumi.
Subalit imbes na ang dalaga ang mahanap, isang higanteng paniki ang nagpakita mula sa natitirang mga usok. Isang paniking mas malaki pa sa isang pampasaherong bus, at may kakaibang kulay na para bang iginuhit lamang, katulad ng mga larawang binubuhay ng Phoenix Quill.
Sa puntong iyon, huli na ang lahat para kay Lucas. Wala na siyang nagawang pagtugon sa ipinamalas na bilis ng halimaw. Nanigas na lamang ang kanyang katawan at tumitig sa kawalan. Tila kanyang nakita ang nalalapit niyang katapusan.
"Patawad, Miss Mayumi, Lady Orella..."
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, ilang pulgada na lamang ang layo niya sa halimaw, biglang nahati ang katawan nito sa dalawa. Kahit nakatindig lamang ang nanghihinang si Lucas, bumagsak ang nahating katawan ng paniki't animo'y buhanging unti-unting naglaho sa hangin.
Lumapag sa kanyang harapan ang binatang pag-aakala niya'y hindi na babalik. Ang binatang ngayo'y may hawak na espadang gawa sa yelo, habang kumikinang ang suot na singsing.
"Kailangan pa namin kayo, Chief," pahayag ni Winter matapos na magpakita. "Ikinalulungkot kong hindi pa kayo maaaring magtungo sa Vampire Heaven, o kung anumang tawag do'n."
Sa iniinda niyang pagod, napaluhod si Lucas nang makita ang mukha ng binata. Nakaramdam siya ng matinding ginhawa sa dibdib, bago huminga ng malalim. Subalit narinig pa rin ang kanyang mga sigaw.
"Bakit ngayon ka lamang, Faraon?! At nasa'n ang Spirit Beast?!"
Napalayo na lang ang tingin ang binata. Tumugon ito habang na nakatitig sa kalangitan, na para bang hindi sigurado sa isasagot.
BINABASA MO ANG
The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]
FantasíaTaglay ang pambihirang abilidad ng kanyang mga palad, isang sikretong misyon ang kailangang gampanan ni Winter Faraon upang iligtas ang dalagang nakaturo ang isang propesiya. Laban sa isang halimaw na nakatago sa dilim, isang paglalakbay sa kontinen...