Chapter 3

7 2 0
                                    

Chapter 3

"Honestly, anong laman ng kokote mo at napadpad ka sa R&D?"

Matapos ang paggamit ng Storm Jewel, walang ibang nagawa si Winter kundi sundan si Mayumi Florante papalabas ng laboratoryo. Pag-aakala ng binata, sa ibang gusali ng eskwelahan ang kanilang paroroonan. Ngunit sa direksyong ngayo'y nilalakad ng dilag, tila ibang lugar ang kanilang destinasyon. Kaya nama'y habang naglalakad, napakamot ng ulo si Winter.

"Sa'n ba tayo papunta?" tanong ng binata.

Pansamantalang tumigil sa paglalakad si Mayumi saka sumulyap sa kanilang likuran. Gumala muna ang mga mata ng dalaga sa lahat ng direksyon na para bang may pinagtataguan, bago sila nagpatuloy sa paglalakad. Sa mga oras na iyo'y nalaman ni Winter ang kanilang destinasyon; ang isang bus na nakaparada sa bandang likuran ng eskwelahan.

"Ang R&D Team at mga personnel ng laboratory lamang ang bukas aalis," pahayag ni Mayumi. "Ako, ikaw at ang Defense Team ay nakatakdang umalis ngayong tanghali. Nakahanda na ang ating sasakyan."

"Agad-agad?" sagot ni Winter bago binuksan ang dalang bag. "Pero ang dala ko lamang ay ilang libro at dalawang piraso ng Lucky You Pancit Canton..."

"Sinong nagdadala ng instant noodles sa school?" bulong naman ng nagtatakang si Mayumi.

Paglapit ng dalawa sa bus, binati sila ng isang lalaking tila nakaabang na sa kanila. May dayuhan siyang mukha at aakalaing nasa edad kwarenta pataas. Naka-shades rin ito at nakasuot ng itim na unipormeng animo'y isang butler ng makapangyarihang pamilya.

"Nakahanda na ang lahat, Miss Mayumi," sabi ng lalaki matapos sumilip sa kanyang orasan. "Pasado alas onse na ng tanghali. Kayo na lamang ang aming hinihintay."

Matagal nang namumukhaan ni Winter ang lalaki. Siya ang parehong lalaking laging nakasunod kay Mayumi saan man ito magpunta, at may dala-dalang kutsilyong itinututok nito sa leeg ng sinumang nagbabalak manligaw sa dalaga.

"Ipinakikilala ko si Lucas Manfred, ang aking personal butler at ang pinuno ng Defense Team."

Biglang tinanggal ng butler ang suot niyang shades. Ipinakita nito ang mga mata niyang banyaga at tumitig kay Winter ng masama.

"Ngayon ko lamang nakita ang lalaking ito, Miss Mayumi," sagot ng butler bago hugutin ang isang patalim sa kanyang bulsa. "Ito ba ang panibago mong manliligaw?"

"Siya si Winter Faraon, Lucas. Isang squire at inheritor, na nagmamay-ari ng isang Blessed Item..."

Agad napabaling ng tingin si Winter sa dalaga. "Teka, pa'no mo nalaman ang tungkol sa aking-"

Sa mga oras na iyon, isang lalaking estudyante ang bumaba ng bus. Isang estudyanteng naka-uniporme rin at agad nagtungo kay Winter, habang may mga ngiti sa kanyang mukha.

"Ikinagagalak kong makilala ka, Winter," bati ng estudyante matapos iabot ang kamay. "Ako nga pala si Alexander Cortez. Tawagin mo na lamang akong Xander. Mas lalong mapapanatag ang loob ko na may isa pang Blessed Item na hawak ang ating grupo."

Isa pa...?

Habang nakikipagkamay, may isa pang bumaba ng bus. Isang estudyanteng may mukha ring dayuhan at nakasuot ng school uniform tulad ni Mayumi, ngunit may hawak na isang baston na gawa sa kahoy. Isang dilag na nagtataglay ng dilaw na buhok at luntiang mga mata, ngunit ngayo'y may mga tinging tila puno ng pagkainis.

"Akala ko'y palihim ang ating pag-alis? Hanggang kailan mo pa ba kami paghihintayin, Miss Half-half?" tanong ng dilag nang lapitan harapan si Mayumi. "Sabihin ko lang, hindi sa'yo naikot ang mundo!"

Agad namang nakaramdam ng masamang enerhiya si Winter mula sa dalawang dalagang ngayo'y nasa kanyang harap.

"All you have to do is wait. Bakit ngayo'y paiyak ka naman, Miss Number Two?" tanong pabalik ni Mayumi. "Hindi ba 'yon kayang iproseso ng utak mo?"

The Storm Princess [Anime For Filipino Fans]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon