Chapter 2

152 7 1
                                    

Napatigil ako sa pag-iisip nang may lumapit sa counter para magbayad. Titig na titig ito sa akin na binalewala ko lang naman. As long as walang ginagawang masama sa akin, it's not worth my concern.

Nang umalis ito ay kaagad namang sinagi ni Marie ang balikat ko. “Nagandahan sayo yon.” Nagtaas-baba pa ang manipis na kilay ng babae para asarin ako. Natatawang umiling naman ako bilang sagot.

Hindi ko pa rin talaga alam kung tatawagin ko ba para itanong. Sa tingin ko kasi ay may kinalaman ang ritwal sa pagkakawala ni Rica.

Hinugot ko ang phone ko mula sa bulsa ng pants na suot. Kailangan ko malaman ang lahat ng nangyari bago mawala si Rica. Nang makita ko na naka-online si Riley na kapatid ni Rica ay agad ko itong tinawagan.

“Ate Sam,” namumugto ang mga mata nito na halatang matagal na umiiyak. “Nawawala si Ate.”

“Ano ba nangyari? Lumabas ba siya ng bahay?” Pinipilit ko patatagin ang boses kahit ang totoo ay hinang hina na ako. Naglalaban ang kagustuhan ko na malaman ang nangyari sa pagkawala ni Rica at ang kagustuhan na maging walang alam sa nangyayari.

“Hindi siya lumalabas ng bahay kapag madilim na, Ate Sam. Lalo na kapag wala naman siyang pasok ng gabi.”

Mas lalo akong nanghina sa narinig, paulit-ulit din na nagplay sa utak ko ang sinabi ni Damian na tanga lang ang gagawa ng bagay na ginawa ko. Susunod na ba akong mawawala?

“Girl, patapos na ang shift natin tulala ka pa din hanggang ngayon.” Maliit lang akong ngumiti bilang tugon. Natataranta buong pagkatao ko pero hindi ko iyon dapat ipahalata dahil nagsinungaling ako kay Marie.

Muling akong nagdalawang isip sa pagtawag sa kanya. Ewan ko, hindi ko talaga alam. Naupo ako saka nakalikot sa phone. Parang sasabog na ang utak ko kaiisip, gusto ko muna ng kapayapaan kahit na saglit lang. Kahit saglit na saglit lang na kapayapaan ay ipagpapasalamat ko na.

Sa kasamaang palad ay hindi ako pinakinggan ng langit. Nag-vibrate ang phone ko kasabay ng paglabas ng chat head mula kay Riley.

'Ate… Wala na siya.'

Ano'ng ibig niyang sabihin? Tumigil ang ikot ng mundo ko nang magsend ito ng mga picture. Iba't ibang anggulo ng walang buhay na katawan ni Rica. May mga kalmot ito sa iba't ibang parte ng katawan. May galos sa mukha at ang ibang sugat niya ay… mukhang punit sa balat niya at kita na ang laman.

Nanginginig ako sa takot at pandidiri. Parang umakyat lahat ng kinain ko kanina at bumara iyon sa lalamunan ko. Hindi ko matanggap… Hindi ko kayang tanggapin ang inabot ng katawan ni Rica. Hindi ito makatao. Base sa sugat, hindi tao ang gumawa nito. Dahil ba ito sa ritwal?

“Marie…” halos pabulong na tawag ko sa babae. Narinig niya naman ito dahil napalingon siya sa akin. Iniunat ko ang braso habang hawak ang phone ko. Lumapit naman ito kaagad at tiningnan ang pinapakita ko.

Napatakip siya ng bibig kasabay ng pag-agos ng luha niya. “Imposible…” Tinawagan niya si Riley gamit ang account ko at agad naman itong sumagot.

“Hindi totoo iyon, diba?” Hindi ko na napigilan pa ang pagtulo ng luha ko nang marinig ang basag na boses ni Marie.

“Sana nga hindi yon totoo, Ate. Pero hindi eh.” Hindi man ako nakasilip ay alam ko na umiiyak na din ngayon si Riley. Halo-halo na ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung alin sa mga emosyon ko ang dapat ko pagtuunan ng pansin. Ang lungkot, dalamhati, kaba, pagkalito, takot. Hindi ko na alam kung ano ang uunahin.

Habang nakikinig ako sa kanilang dalawa ay parang humihiwalay ang kaluluwa ko sa akin. Para akong mawawala sa katinuan. Ipinilig ko ang ulo habang ang mga luha ay patuloy sa pagbuhos.

“Riley sabihin mo na biro lang iyon!” Napahagulgol na si Marie habang nakaluhod sa malamig na tiles ng store. Umaasa na biro lang ang lahat. “Sabihin mo na edited lang iyan!” Humihiyaw si Marie habang nakikipag-usap, hindi ko magawang lapitan siya dahil maski ako ay nanghihina.

Hindi ko siya magawang aluin para tumahan. Nandito lang ako, nakasalampak sa sahig at tahimik na umiiyak. Hindi ko kayang magsalita. Kung susubukan ko naman ay malamang wala din maiintindihan sa sasabihin ko. Masyado na akong basag para magawang magsalita.

Hindi ko kayang marinig… ayoko na marinig, hindi ko na kaya.

Nasasaktan ako dahil wala na ang kaibigan ko, pero nasasaktan din ako sa kalagayan ni Marie ngayon. Naghihiyaw habang umaasa na biro lang ang lahat. Na isang masamang biro lang ang mga nangyayari.

After a day or two, baka ako na ang susunod na paglalamayan. Yun ay kung makikita ang bangkay ko. Doon din ako mauuwi, kailangan ko lang tanggapin.

Bago ako umuwi ay hinatid ko muna si Marie sa bahay nila. Wala kasi ito sa sarili at nakatulala lang sa kawalan. Hindi ko siya kayang pabayaan na lang na umuwi mag-isa dahil baka masagasaan pa siya sa daan.

Nang nasa tapat na ko ng pinto ay halos mayanig ang katawan ko sa sobrang lakas ng pintig ng puso ko. Binuksan ko ang pinto at kaagad na nanlambot ang tuhod ko nang makita ang pigura na nakaupo sa sofa.

Kahit na nanlalambot ang tuhod, pinilit ko maglakad papalapit dito at tuluyan na lang tinanggap ang kahahantungan ko. Umupo ako sa tabi nito at sumandal sa sandalan.

“May itatanong ako.” Hindi ito sumagot kaya nilingon ko ito, only to find out he's staring me. Sinalubong ko ang matalim na titig ng itim nitong mga mata, “papatayin ba ng demonyo ang nag-summon sa kanya?”

My breath hitched as I heard the answer. “Yes.” Hindi na dapat ako nagulat dahil kahapon ko pa iniisip, pero iba pa din na sa kanya manggaling ang sagot.

Nagbawi ako ng tingin at yumuko. Malakas at mabilis pa din ang tibok ng puso ko kasabay unti-unting pagkablangko ng utak ko. Nahihilo na naman ako. Hindi ko alam kung dahil sa puyat. Muling sumagi sa isip ko ang tungkol sa pagpatay ng demonyo sa tumawag sa kanila.

“Papatayin mo din ba ako?”

“Yes.”

Ang katawan ko na nanginginig sa pinaghalong takot at kaba ay biglang nanlamig nang maramdaman ko ang palad ni Damian sa likod ng ulo ko.

Napalunok ako at pinipilit ang kaluluwa na wag hihiwalay sa aking katawan dahil sa sobrang takot. Nang mapatingin ako sa aking kamay ay nanginginig ito ng husto.

Nakahawak pa rin ang kamay niya sa ulo ko nang bahagyang nandilim ang paningin ko, nagsimula na din sa pagbagsak ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan kumawala.

Ang bahagyang pagdilim ng aking paningin ay lalong lumala. Hindi… wag… pakiusap ayoko muna…

Tuluyang nilamon ng dilim ang paningin ko at naramdaman ko na lang na bumagsak ang nanginginig ko na katawan.

BLOODSHEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon