Chapter 7

68 4 2
                                    

“Tinatanong kita kanina kung buntis ka ba?” Pag-uulit niya sa kanyang tanong.

Nang maduwal ako kanina ay kaagad niyang hinablot sa akin ang betamax na nasa basong hawak ko at binayaran niya ang binili namin saka ako hinila sa madilim na lugar at bigla na lang kaming napadpad sa bahay.

“Bakit mo naman naisipan na itanong yan?” kunot noo na tanong ko dito dahil naguguluhan ako sa bigla niyang pagtanong non.

“Huwag mo ibalik sa akin ang tanong.” Salubong ang kanyang makakapal na kilay, naiinip na sa paghihintay sa aking sagot.

Napalunok ako dahil sa pinagsamahang inis at hiya, ramdam ko din ang pinipigil niya na inis. “Hindi ako buntis.”

“Ano yung pagduwal mo kanina?”

Bakit ba siya tanong ng tanong? Sinabi na ngang wala lang yon eh.

Napahilot ako sa sentido at inipon ang lahat ng lakas ng loob, “nandidiri ako,” mahinang sambit ko.

“Hindi ipis ang kausap mo kaya huwag kang bumulong!” Napapitlag ako sa gulat dahil sa biglaang pagsigaw niya.

Nagluluha ang aking mata nang sinalubong ko ang tingin niya. “Nandidiri ako sa sinabi mo at natatakot ako dahil baliwala lang sayo ang mga yon!” nanginginig ang katawan ko nang iwanan ko siya sa sala. Pumasok ako sa kwarto ko at isinara ang pintuan.

Umupo ako sa kama at tinitigan ang aking mga palad na nanginginig. Itinaas ko ang aking mga paa para mayakap ko ang aking mga tuhod at sumubsob doon.

Ilang segundo lang ang lumipas ay mas lalong lumala ang panginginig ng katawan ko. Ramdam ko ang takot na nagpapanginig sa katawan ko pero hindi ako makaiyak. 

Naguguluhan ako, parang sasabog ang ulo ko dahil sa pag-iisip. Nakakaramdam ako ng takot na hindi ko alam kung para saan. Ang tanging malinaw lang sa akin ay hindi ako natatakot sa kanya.

Naramdaman ko ang pagbukas ng pintuan at ang mahinahong pag-sara nito pero hindi ako nag-angat ng tingin. Muli ay hindi ko maintindihan ang sarili. Kanina ay nahihiya ako, natatakot, at ngayon naman ay naiinis.

Nababaliw na ba ako?

Lumubog ang kaliwang espasyo ng kama sa aking gilid at ramdam ko ang presensya ni Damian. “Sorry.”

Inangat ko ang paningin ko sa kanya. Hindi siya nakatingin sa akin, nakatulala lang na nakatanaw sa bintana ng kwarto.

“Sa totoo lang,” lumunok siya at bumaling sa akin. “Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ganoon ang naging reaksyon ko.”

Nag-iwas siya ng tingin at yumuko. “Parang hindi ko na kilala ang sarili ko. Ang mga kilos at reaksyon ko, sobrang iba na kumpara sa dating ako.” Tumalungko siya sa harapan ko at hinila ang binti ko para lumaglag ito pababa sa kama.

Nahigit ko ang hininga ko nang mabilis niyang ilapat ang kanang kamay niya sa tiyan ko at hinayaan iyon na nakadikit ng ilang segundo. Masyado itong mabilis at dahil sa gulat ay hindi ako nakagalaw sa kinauupuan.

Napatitig ako dito nang bigla itong tumayo, “tatanggapin mo ba yung inaalok sayo?”

Napaisip naman ako sa tanong niya. Hindi ko alam kung tatanggapin ko ba dahil kung tanggapin ko ito, maiiwan si Damian sa store. May bahagi sa akin na tutol doon.

“Hindi ko alam,” Maliit na boses na sagot ko habang nakayuko.

Napataas ang paningin ko sa kanya nang magsalita siya. “Tanggapin mo yung alok sayo. Sayang din yon.” Napakurap-kurap ako para siguruhin na wala na siya sa aking paningin. Wala na siya.

Bigla akong nakaramdam ng bigat sa aking dibdib. Hindi naman ako nahihirapan huminga, sadyang mabigat lang talaga. Nang gabing iyon, natulog ako na may bigat sa dibdib na mula sa hindi ko alam na dahilan.




~+~





Matagal na rin noong huli kong nakita si Damian. Nag-sorry lang siya at hindi na muli pa nagpakita. Mahirap at nakakapanibago dahil kahit na kumpleto ang tulog ko, pakiramdam ko ay may kulang.

Ganon na lang ba yon? Pagkatapos niya akong sigawan nang hapon na yon, sorry lang tapos hindi na siya magpapakita? Sana pinatay niya na lang ako kung aalis lang din pala siya ng walang paalam. Sana sinabi niya kung babalik pa ba siya o hindi na. Sana alam niya na may naghihintay sa pagbabalik niya.

Pinahid ko ang luhang tumulo pababa sa aking pisngi gamit ng likod ng aking palad. Tumingala ako para pigilan pa ang pagkawala ng mga susunod na luha pero ang pagtingala ko sa madilim na kalangitan ang nagpabuhos nito.

Kalangitan… ang dilim nito,

Kakulay ng pares ng mata niya.

Napahikbi ako kaya yumuko ako ang hinayaan na tumulo ang aking mga luha. Alam ko naman na hindi ito titigil. Palagi namang ganon. Kahit na anong pilit ko na pigilan ang aking mga luha, hindi ito tumatalab.

Napabuntong hininga na lang ako nang matapos tumulo ng aking mga luha. Tinuyo ko ang pisngi at naglakad na papasok sa bahay.

Nang maisara ko ang pinto ay ramdam ko kaagad ang lamig na mula sa mga pader sa lahat ng sulok ng bahay. Binalewala ko ang lamig ng bahay dahil pasasaan pa at masasanay rin naman ako. Sanay na akong mag-isa dati at sigurado ako na makakasanayan ko rin itong muli.

~+~



HINDI pa rin siya bumabalik. Kahit na anong pilit ko sa sarili na masasanay rin ako, hindi ko magawa. “Samantha, girl!” Tili ni Trisha, kasamahan ko sa cafe. Kagaya ng sinabi sa akin noon ni Damian bago siya maglaho, tinanggap ko ang alok ni Vince. “Aalis ako mamaya! 30 minutes bago ang end ng shift natin.”

Nakatitig lang ako ng mataman sa maaliwalas nitong mukha at bakas maging sa kanyang mga mata ang saya. Ganito rin kaya ako kasaya kung sakaling nandito siya?

“Trisha,” Mahinang tawag ko sa kanya na nagpatigil sa kanyang sandaling pagsasaya. “Anong pakiramdam kapag may gusto ka na tao?”

Napaisip naman ito bigla. “Hmm,” mariin niyang pinagdikit ang kanyang mga labi, tila nahihirapan bumuo ng salita. “Hindi ko kaya i-describe yung pagkagusto pero kaya ko i-describe sayo yung pakiramdam kapag mahal mo yung isang tao.”

“Nandoon yung para kang bumalik sa simula, kung saan hindi mo alam kung ano ba talaga yung gusto mo, yung tipong naguguluhan ka sa mga bagay tungkol sa sarili mo."

Marami pa siyang sinabi at lahat ng iyon, ang kahihinatnan ay mahal ko nga siya. Ayokong paniwalaan iyon lalo pa at wala naman akong matibay na ebidensya kaya hindi pa din naman ako sigurado.

Tatlong buwan, Damian. Binibigyan kita ng tatlong buwan para bumalik sa akin. Kapag natapos ang tatlong buwan at wala ka pa rin, babanggitin ko ang pangalan mo.

BLOODSHEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon