Chapter 4

110 6 8
                                    

Naka-ibabaw siya sa akin, ang dalawang kamay ay nasa magkabilaang gilid ng aking ulo.

“Naririnig mo ba ang sarili mo?” Nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha at hindi ko na nagawang sumagot. Itinakip ko ang mga palad sa aking mukha at tahimik na umiyak.

“H-hindi ko na kaya… mababaliw na ko, Damian,” hagulgol ko habang nakatakip pa din ang mukha.

Umalis siya sa ibabaw ko at umayos ng higa sa tabi ko. Naramdaman ko ang palad niya na nasa bewang ko, hinila niya ko palapit at pinatagilid ng higa.

Sumiksik ako sa dibdib niya at doon inubos ang luha na natitira sa aking katawan. Sa dibdib niya na rin ako nakatulog habang nakayakap ang braso niya sa bewang ko.

NANG magising ako ay may naamoy ako na kung ano. Maaliwalas at malamig sa ilong ang amoy nito. Dahan-dahan akong nagmulat ng mata at umupo sa kama at doon ay nakita ko ang aking naaamoy.

Isang tangkay ng pulang rosas, may tinik pa ito. Sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ako ng kapayapaan, kahit nananakit ang mata ko dahil sa kakaiyak ko kagabi.

Bumangon ako para hanapin ang iisang nilalang na pwedeng maglagay nito dito. Natagpuan ko ito sa sofa… nakabalot ng benda ang kanang kamay nito.

Huminto ako sa harapan niya. “Sayo ba galing yung rosas na nakapatong sa upuan?” Nag-angat ito ng tingin sa akin at nagpakawala ng buntong hininga.

Napansin ko na bahagyang namumula ang pisngi nito. Yumuko ito at marahang tumango. “Binangungot ka kanina.” Naupo ako sa tabi niya at hindi nagsalita. “Paulit-ulit mong binabanggit ang pangalang Marie at Rica.” Sumandal ako sa sofa at ipinikit ang mata. Akala ko ayos na ako, hindi pa pala. “Pinilit kitang gisingin pero hindi ka magising. Alam mo ba inaalog-alog na kita pero wala pa din?”

Nagdilat ako ng mata at nakita ko siya na nakatitig na sa akin. “Nakakamatay ba yung bangungot?” wala sa sariling tanong ko habang nakatitig sa kulay itim nitong mga mata.

“Oo.”

Mapait akong ngumiti. “Sa sunod na bangungutin ako, wag mo akong gigisingin.”

Kumunot ang noo nito at halos magdikit ang makapal niyang mga kilay. “Ano ba nangyayari sayo?”

“Pagod na ko. Ayoko na. Kung hindi mo ako papatayin, baka ako na lang ang gumawa non sa sarili ko.”

Kitang-kita ko ang pagdaan ng galit sa kanyang mga mata. Alam ko, hindi ako namamalik-mata lang. “Kaya mo ba i-manage ang convenience store ng mag-isa?”

Napakurap-kurap ako sa biglaang tanong niya ng ganon. “Ha?” napabuntong hininga ito at tumayo.

“Do me a favor.” Hindi ako nagsalita at nakatingala lang ako sa kanya habang siya ay deretso lang ang tingin. Ibinaba niya ang paningin sa akin, “don't mention my name.”

Kaagad siyang naglaho sa paningin ko. Napatingin ako sa oras, alas dose ng tanghali pa lang. Tumayo ako at nagpunta sa kusina para magluto ng pagkain.

Napatanga na lang ako ng makakita ng pagkain sa lamesa. Napakamot ako sa ulo at biglang naalala ang kanang kamay ni Damian na may benda. May sugat yon tapos nagluto pa? Yung totoo, demonyo ba talaga yon?

Napatingin ako sa kamay ko na hiniwa ko noon, nandito pa rin ang sugat pero halata na unti-unti na itong naghihilom.

NANG makarating ako sa convenience store ay nandoon ang manager. Sinalubong ako nito kaagad pagkapasok ko.

“Naka-leave yung bagong pasok.” Napanganga ako ng bahagya dahil sa narinig. Agad? “Sinabi niya naman na ilang gabi lang yon at sa tingin niya naman daw ay kaya mo i-manage mag-isa ang store kaya solo mo ang shift hanggang sa bumalik siya.”

BLOODSHEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon