Kasalukuyang Panahon (Present Day)
Somewhere in GapanIsagani’s Point of View
“Nasaan tayo ngayon, Mariposa? Akala ko ba ay sasakay tayo sa isang barko o eroplanong sinasabi mo?”
Natatandaan ko ang kaniyang mga tinuran kaya, gulat na gulat ako nang makita ang isang estabilisiyementong hindi ako pamilyar.
“Biro ko lang iyon sa iyo kanina, Isagani. Don’t make a fool of yourself, okay?” aniya na biro lang daw. Napakamot naman ako sa aking ulo dahil nalalaman ko ang salitang Ingles na kaniyang winika.
“Hindi ako isang mangmang, Mariposa. Nalalaman ko ang mga salitang iyong binitiwan. Ano ang lugar na ito?” muli kong tanong sa kaniya.
Sa kabilang banda ay gusto ko siyang pagalitan ngunit, iniisip kong huwag na lamang at hayaan na lamang siya sa kung ano ang nais niyang sabihin. Pero kung pagsisinungaling ay hinding-hindi ko iyon palalagpasin.
“Oh, really? Well, isa itong maliit na boutique na may maraming mga imported na kasuotan. Ukay-ukay ang tawag dito. Hindi ko alam kung nag-e-exist ba ang ganitong klaseng pamilihan sa inyong panahon, Isagani,” hindi ko alam ang isasagot ko dahil wala ngang ganito sa aking panahon.
“Ganito na ba kahirap sa panahon ninyo at kailangang ibenta ang mga kasuotang inyong pinagpagurang mabili?” bigla na lamang lumabas sa aking bibig ang mga salitang iyon nang ako ay makapasok.
Napatingin pa sa akin ang isang bantay nang simulan ni Mariposa na pumili ng damit na para raw sa akin.
“Hindi ko alam na ang isang lalaking tulad mo ay matabil din ang dila at hinahamak mo ang aming panahon. For your information, Isagani, hindi pagiging mahirap ang magbenta ng mga damit na hindi na nagagamit. Praktikal ang tawag doon sa aming panahon. Kailangan lang naming magbenta upang matugunan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan lalong-lalo na sa pamilyang hindi lamang isa ang pinapakain. Kaya, kung maaari ay mag-ingat ka sa iyong pananalita.”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay may isang taong nagpaalala sa akin ng aking estado. Nasa panahon nga pala ako ni Mariposa at hindi sa panahon kong lumaki nga sa may kayang pamilya pero maagang nagbanat ng buto para lamang matustusan ang aming pangangailangan. Dumating pa sa puntong ipinagkanulo pa ako ng aking ama bilang pambayad sa mga utang niya dahil sa pagsusugal. Dahil sa nangyari ay hindi na ako muli pang nagsalita. Hinayaan ko na lamang si Mariposa na maghanap ng mga damit na gusto niyang isukat ko at nang makapili ay binayaran na niya ito
“Anong uri ng sentimos o pera ang iyong ginamit para pambayad sa mga kasuotan ko, Mariposa? Maari ko bang makita?” tanong ko sa kaniya matapos itong magbayad. Napukaw kasi ang aking interes sa uri ng sentimo o perang kaniyang ginamit. “Magkano ang iyong binayaran?”
“Two hundred and twenty five pesos, Isagani. Bakit?” nagtatakang-tanong niya.
“Maaari mo bang ipakita sa akin ang iyong salapi?” tanong ko na talaga namang ipinagtaka pa niya saka may kinuha sa kaniyang pitaka.
Inilabas nito ang kulay berdeng papel na may nakasulat na two hundred pesos. Ipinakita niya rin ang kulay tansong bente pesos. Napapailing ako sa aking nakikita nang mga oras na iyon. Ang panghuli ay ang kulay pilak na limang piso. Ang mas ikinagulat ko pa habang tinitingnan iyon ay ang nakalimbag na pangalan ng presidente.
“Gulat ka ano? Sure ako na wala pang ganiyang pera sa panahon ninyo. Saka hindi mo rin kilala ang aming presidente ngayon. Tama ba ako, Isagani?” pagbibida nito na alam ko namang gagawin niya iyon.
“Tama ka, Mariposa. Sa aming panahon ay dalawang sentimong gawa sa tanso at cinco pesos na may mga lagda nina Pedro Paterno, Mariano Limjap at Telesforo Chuidian,” nahihiyang sagot ko. Napayuko pa ako habang ibinabalik sa kaniya ang mga perang kaniyang ipinakita. Hindi na rin ako nagtanong pa matapos makita ang mga pera sa panahon niya kung saan ako kasalukuyang dinala.
Ang ipinagtataka ko lamang ay kung ano nga ba ang tunay na dahilan kung bakit sa aking pagtatangkang wakasan ang aking buhay ay dadalhin ako sa taong dalawampu at dalawampu’t tatlo. Hindi pa rin malinaw sa akin maliban sa akin pang tinutuklas ang tunay na katauhan ni Mariposa sa panahong niya. Ang kuwintas na suot niya ang magdadala sa akin sa kasagutang hinahanap ko subalit, hindi ko alam kung saan ako magsisimula para siya ay tanungin.
“Okay ka lang? Malalim yata ang iniisip mo, Isagani? Tungkol ba ito sa aming pera?” napansin niya ang aking pananahimik habang kami ay naglalakad na. “Dadaan pala tayo mayamaya sa isang kainan o karinderya para kumain. Alam kong gutom ka na rin katulad ko.”
Tumango lamang ako at nanatili pa ring tahimik. Ngunit ang aking isipan ay binabagabag sa aking maling nasabi sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit ang babae sa panahong iyon ay tila madaling masaktan at mabilis ding magpatawad. Inangat ko ang aking mukha at pansamantalang tumigil sa paglalakad na ikinagulat niya.
“Anong ibig sabihin ng mga titig mo, Isagani? Masyado mo akong tinutunaw ng iyong tingin,” tanong nito at napaatras pa nang kaunti mula sa akin.
Yumuko agad ako at nagwika ng aking saloobin. “Paumanhin sa aking mga nasabi kanina, Mariposa. Wala akong intensyon na saktan ang iyong damdamin ng aking mga salitang binitiwan.”
“Sus. Wala iyon. Sanay na ako sa mga ganiyang style. I mean estilo ng pananalita. Huwag mo nang pansinin ang mga nasabi ko. Sorry din kung napagtaasan kita ng boses,” magiliw na sagot niya. “Saka, hindi ka naman Japanese, kaya huwag kang yumuko sa aking harapan na parang isang banyaga sa sariling bansa.”
Narinig ko itong tumawa pero saglit lang at ako naman ay hindi pa rin mapakali hangga’t hindi ko nasasabi sa kaniya ang nais kong sabihin.
“Alam kong mali ang hamakin ang mga mahihirap sa inyong panahon nang walang ebidensya. Lumaki kasi ako sa may kayang pamilya pero bata pa lamang ay pasan ko na ang mundo. Maaga rin akong nagtrabaho matustusan lamang ang aking sarili at ang aking pag-aaral. Hindi ko rin inasahan na ipagkakanulo pa ako ng aking ama sa mga Delos Reyes. At ang ikasal sa kanilang unica hija na hindi ko mahal at hindi pa nasisilayan ang magiging kabayaran sa mga utang ng aking amang si Joselito. Kaya, siguro dinala ako rito sa iyong panahon nang wawakasan ko na noon ang aking buhay.”
Hindi ko alam kung tama ba ang aking ginawang pagsisiwalat kay Mariposa gayong ilang araw ko pa lang naman siyang nakikilala. Ngunit, may parte sa isipan na tama lang na maibahagi ko ang sakit na aking naramdaman. Kahit paano ay mabawasan ang bigat na aking pasan-pasan.
“Teka, sandali. Dadaan muna tayo sa isa pang boutique. May nakalimutan akong bilhin para sa iyo,” sa haba ng aking nasabi ay tila nakalimutan niyang naghihintay ako ng kaniyang opinyon o kasagutan. Napailing na naman ako nang hilahin niya ako papasok sa isa na namang boutique na ang tinutukoy niya pala ay emporio sa aming panahon.
“Ano iyan, Mariposa?” tanong ko nang isa-isa niyang ipinapakita sa akin ang parang hugis triyanggulong kasuotan sa aking pang-ibaba. “Nakakahiya ang iyong asal.”
“Walang nakakahiya sa aking asal, Isagani. Mas nakakahiya kung wala kang suot na underwear o salawal diyan sa loob ng iyong suot na pantalon. Napapansin kong umaalog-alog iyan kapag ikaw ay naglalakad.”
Gumuho ang aking mundo nang marinig ang kaniyang mga tinuran. Hindi ko inaasahang iyon pala ang ibig niyang sabihin habang isa-isang ipinapakita ang mga salawal daw na iyon. Nakalimutan ko palang isuot ang aking bahag nang ako ay magpalit ng damit.
“Medium ka ba o large? Ano kaya ang kakasya sa iyo sa mga underwear na ito? Hindi mo rin kasi ito puwedeng isukat dahil consider as sold na ito. Ano kaya ang puwede kong gawin?”
Gusto ko na lamang na maglaho nang mga oras na iyon dahil ako ay nahihiya sa kaniyang walang prenong pananalita. Huwag naman sana niyang ipasukat sa akin ang kaniyang mga napili dahil wala akong pambayad na sentimo o cinco pisos.
“Hindi na pala kailangang isukat mo pa ang mga ito, Isagani,” nakahinga naman ako nang maluwag. “Basi sa aking pag-oobserba at sa iyong tindig at porma... bagay sa iyo ang medium sizes na mga brief. Ito na lamang ang aking bibilhin para sa iyo. Bibili na rin ako ng large kung sakaling hindi kasya.”
Napansin kong may isang babae nang nakatingin sa aking pang-ibaba nang magsalita si Mariposa kaya, naman ay agad kong tinakpan ng aking mga kamay ang kung ano mang napapansin nila at sumipol na lamang nang mga oras na iyon. Nang makapili siya ay nakayuko na lamang akong sinundan ito.
BINABASA MO ANG
Remember Me From 1899
Romance"Perdona y di adiós, lo siento. Te quiero mucho, Corazón. (Patawad at paalam, irog ko. Mahal na mahal kita, Corazon.)"