Kabanata Cuarenta y Tres: Trahedyang Hindi Malilimutan

17 2 3
                                    

Gapan 1899

Corazon’s Point of View

Pagkarinig na pagkarinig ko ng boses na iyon ay alam na alam ko ng kay Trinidad. Lumabas ako sa ilalim ng maliit na talipapa at nagmamadaling tumakbo palabas. Pinigilan ako ni Simeon. Hinawakan niya ang aking kamay, ngunit mabilis ko iyong tinanggal at nagpatuloy sa pagtakbo.

“Corazon! Corazon! Sandali!” dinig ko pang tawag sa akin. Binalewala ko siya at lalo pang binilisan ang pagtakbo. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kong may mangyaring masama sa aking nakababatang kapatid.

“Hermana! Hermana Corazon! Simeon!” muli niyang pagtawag sa amin. Tama ang aking hinalang si Trinidad nga iyon, kaya habang tumatakbo ay sumagot ako’t sinisigaw ang kaniyang pangalan.

“Trinidad! Trinidad! Narito ako!” Nakalabas na ako sa pagtago at nang magtama ang aming paningin, nakangiti itong tumingin sa akin. Subalit….

Sa unang putok na aking narinig ay nakatitig pa rin ako sa aking nakababatang kapatid.

Sa pangalawang putok, nakita ko ang mga kulay pulang dugong lumabas sa kaniyang bibig.

Sa pangatlong putok ay tumigil ang mundo ko nang makita ang dahan-dahang pagtumba ng aking bunsong si Trinidad.

Hindi ko na alintana kung ano pa ang mangyayari sa akin nang mga oras na iyon. Bago pa man sumayad sa lupa ang kaniyang mukha ay nakatakbo na ako’t nasalo siya.

“Corazon!”

Nabibingi ako sa aking paligid. Ni hindi ko nga nilingon man lamang si Simeon na alam kong nakikipagtagisan na ng lakas sa isang tulisang bumaril sa aking bunsong kapatid. Yakap-yakap ko ang aking kapatid at hindi ko na rin namalayan ang pag-agos ng mga luha ko pababa sa aking pisngi.

Durog na durog ang aking puso nang hindi na gumalaw ang aking kapatid. Sinubukan kong ilagay ang isang kamay nito sa aking balikat nang makailang beses, ngunit tila gulay na itong nalalantang hindi na kayang umakbay sa akin.

Hindi ko na mapigilan ang lungkot at ang sakit na aking nararamdaman. Batid kong hindi mapatawad ng aking sarili ang sinapit ng aking nakababatang kapatid, kaya hinayaan ko ang aking sarili na sumigaw hanggang sa mailabas ko ang galit at sakit sa aking dibdib.

“Trinidad!”

Ilang beses kong sinigaw ang kaniyang pangalan.

Ilang ulit kong niyayakap ang aking bunsong kapatid.

Samu’t saring mga bagay ang sumasagi sa aking isipan.

At sa lahat ng mga salitang pumasok, tanging paninisi at panunumbat sa aking sarili ang nangingibabaw.

“Corazon, wala na si Trinidad. Halika na at iwan na muna natin ang kaniyang wala nang buhay na katawan. Kailangan na nating umalis. Kailangan muna nating magtago. Corazon!” Sigaw nang sigaw sa akin si Simeon.

Pinatatayo na niya ako, ngunit binibigatan ko lamang ang aking sarili’t hindi nagpadala sa kaniyang paghila sa akin. Mahigpit pa rin ang aking yakap sa aking bunsong kapatid na pinaslang nang walang matinding dahilan.

“Hindi mo na maaaring buhayin ang isang wala nang pulsong kapatid mo, Corazon. Kung mahal mo ang iyong kapatid, piliin mong mabuhay para sa kaniya,” hindi ko maintindihan ang kaniyang mga tinuran.

Labis-labis ang aking pagdadalamhati. Ngunit, mapilit si Simeon at hinawakan niya ang aking pisngi’t pilit na inihaharap ang aking mukha sa kaniya.

“Corazon, ang iyong kaligtasan ang mahalaga sa ngayon. Pangako, babalikan natin ang iyong kapatid at bibigyan ng disenteng libing. Nakikiusap ako. Kahit ngayon lamang ay makinig ka sa akin. Nangangako ako sa harapan ng yumao mong kapatid na babalikan natin siya at sabay natin siyang ihahatid sa kaniyang huling hantungan.”

Bugbog na bugbog at durog na durog na ang aking puso. Ngunit, may punto si Simeon. Kung magmamatigas pa rin akong hindi sundin siya ay baka dalawa na kami ang mabaril dito sa kalsada. Nagpatianod na lamang ang aking katawan at hindi na naging pabigat pa nang ako ay kaniyang hatakin at patayuin.

“Mangako ka, Simeon. Mangako ka na babalikan natin si Trinidad. Mangako ka!” luhaan akong mahigpit na hinawakan ang kaniyang braso’t tinitigan siya.

“Pangako. Nangangako ako, Corazon,” aniya at niyakap ako. Saglit lang iyon at agad niyang hinawakan ang aking kaliwang kamay saka mabilis na nagtatakbo.

Lumingon ako sa kinaroroonan ng aking nakahandusay at wala nang buhay na katawan ng aking bunsong kapatid habang pinapakawalan pa rin ang mga luhang ayaw tumigil sa pagpatak.

Nang tuluyan nang mawala sa paningin ko si Trinidad ay ibinaling ko ang tingin sa harapan at hinayaan si Simeon na hawakan pa rin ng mahigpit ang aking kamay upang iligtas ang aming mga sarili. Hindi ko na mabilang kung ilang liko, kaliwa, at kanan, diretso at eskinita na ang aming dinaan sa pagtakbong iyon.

“Dito na muna tayo pansamantalang magpahinga at magtago, Corazon.”

Bumitaw sa pagkakahawak ng aking kamay si Simeon. Dahil wala ako sa aking sarili at hindi gaanong napagmasdan ang aming mga dinaanan, hindi ko rin namalayang dinala na pala ako sa isang bukirin.

Sa ilalim ng isang malaking puno ay inalalayan niya akong umupo. Siniguradong walang nakasunod sa amin, kaya nagmasid muna si Simeon sa kapaligirang aming pansamantalang pahingahan at pagtataguan. Ako naman ay napayakap sa aking mga tuhod at napasubsob pa ang aking mukha sa aking mga kamay. Doon ay tahimik akong humagulgol.

“Corazon,” tinig ni Simeon. Inangat ko ang aking mukha at nakita ang kaniyang nag-aalalang mukha. Pawisan man ito ay hindi naman nakabawas ng kaniyang kagandahang lalaki. Mestizo rin ito at may matangos na ilong na bumagay sa kaniyang bilog na mukha.

Kahit pansamantala kong pinuri si Simeon sa aking isipan, hindi naman mawaglit sa akin ang sinapit ng aking bunsong kapatid, kaya napayakap na lamang ako sa kaniya.

“Maaari kang umiyak nang malakas, Corazon. Ilabas mo ang lahat ng nararamdamang bigat sa iyong dibdib. Hayaan mong ang aking balikat ang magsilbing unan upang gumaan ang iyong pakiramdam. Ligtas ang bukirin na ito, kaya makakaasa kang tayong dalawa lamang ang makaririnig ng iyong pag-iyak. Tanging ako lamang ang makakakita ng iyong pagluha.”

Sa mga salitang kaniyang binigkas at binitiwan ay lalo ko lamang pinakawalan ang bigat mula sa aking dibdib at nagtangis sa kaniya. Hinayaan kong ilabas iyon sa kaniya nang walang anumang pag-aalinlangan.

Ramdam ko ang kaniyang pag-aalala at sinseridad na pagaanin ang aking kalooban. Sa kaniyang mahihinang paghagod sa aking likuran, lalo ko pang hinigpitan ang aking pagyakap sa kaniya. Habang ako ay tumatangis at humahagulgol na nakayakap kay Simeon, nakikidalamhati rin ang paligid sa aking nararamdamang kalungkutan.

Mahal kong Trinidad, patawarin mo ako sa aking paglisan at kapabayaan. Nangangako akong babalikan kita’t kukunin ang iyong katawan at bibigyan ng disenteng libing. Patawad, Trinidad. Patawad sa aking kapabayaan. Patawad.

Sa aking isipan ay naisiwalat ko ang mga salitang iyon na puno ng hinagpis at pagtangis habang mahigpit pa ring niyayakap si Simeon. Ibinuhos ko pa sa mga balikat niya ang aking hindi matapos-tapos na paghagulgol at pagluha hanggang sa naramdaman kong ako ay nanghina at nawalan na ng malay.

Samantala… sa hindi kalayuan, ay naroon ang isang matandang napapailing na ibinaba ang kaniyang sumbrero’t nag-usal ng mga salita patukoy kay Maria Corazon at Simeon.

"Nagsimula na ang iyong pagdurusa, Corazon. Masusundan pa ito hanggang sa mapagtanto mong bitawan na lamang ang iyong pagmamahal kay Isagani’t tanggapin si Simeon nang buo sa iyong puso. Sa iyong lahi pa rin magpapatuloy ang kuwento ng pag-ibig sa kasalukuyan. Nawa ay tanggapin mo na lamang ang iyong kapalaran, Corazon. Na sa mga sandaling ito ay nalalaman na ni Isagani na ikaw ang abuela ni Mariposa sa kasalukuyan."

Remember Me From 1899Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon