Kabanata Cuarenta y Dos: Isang Katotohanan

16 1 2
                                    

The Farmhouse
Gapan 2023

Isagani’s Point of View

Isang buong gabi ang lumipas. Walang sinuman sa amin ang nagsalita. Pagkatapos ng eksena ng mga kabataang dalaga kahapon ay hindi na ako kinausap ni Mariposa.

Kahit nang kami ay sumakay sa traysikel, walang nangahas na bumuka ng bibig sa aming dalawa. Naghapunan lang kaming hindi nagkikibuan ng dalawa sa harapan ng pagkain.

Aaminin ko, may kasalanan din ako. Ngunit, biro lamang ang mga iyon sa akin. Siguro nga ay para kay Mariposa, isang kamalian ang aking ginawa. May punto rin naman marahil ang kaniyang mga tinuran na hindi ko man lamang siya ipinagtanggol sa mga kabataang iyon. Bagay na inuusig ako ngayon ng aking konsensya.

Pagkatapos sambitin ang mga katagang iyon sa aking isipan ay napailing na lamang ako’t hinanap ng aking mga mata ang kinaroroonan ni Mariposa. Hihingi lang naman ako ng tawad sa kaniya na bukal sa aking kalooban. Na walang halong biro o kung ano pa mang magmumula sa akin. Nang sa ganoon ay bumalik na ang aming dating magandang pagsasamahan at pagtitinginan.

“Aray! Tulong!”

Ang boses na iyon ay nagmumula sa likurang bahagi ng bahay ni Mariposa. Nagmamadali akong tumakbo upang tingnan kung ano ang nangyari sa kaniya. Nakaramdam ako ng pag-aalala sa tinig na iyon.

Walang ibang nagmamay-ari niyon kung hindi kay Mariposa. Nang marating ko ang likuran ng kaniyang bahay ay nakita kong nakaupo siya sa sahig at nadaganan ng isang maliit na aparador.

“Anong nangyari rito at ika’y nabagsakan ng maliit na aparador na iyan, Mariposa?” tanong ko habang tinatanggal ang nakadagan sa kaniyang kaliwang paa.

Marahan naman niyang hinila ang kaniyang kaliwang paa upang ilayo ito mula roon. Binuhat ko na lamang ang maliit na aparador na iyon at inilayo sa kaniya.

“Salamat,” dinig kong sabi niya at sinubukang itayo ang sarili. Muntik pa itong matumba kung hindi ko lamang mabilis na inabot ang kaniyang kamay at napahawak siya sa aking braso.

Panandaliang katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. Ang aming mga mata ay nagtitigan sa isa’t isa. Tila sinusuri ang bawat kagandahang taglay ng aming mga mukha.

Nang mga oras ding iyon ay muli kong naramdaman ang kakaibang pintig sa kaibuturan ng aking puso. Hindi ko alam kung kailan ito nagsimula. Ngunit, dama ko rin ang bilis ng pulso ni Mariposa sa pulsuhan niyang aking hinahawakan.

“Salamat at paumanhin sa aking kapalpakan.”

Iniwas niya ang kaniyang tingin at inalis ang kamay mula sa aking pagkakahawak.

“Paumanhin sa aking inasal, Mariposa.”

Umiwas na rin ako ng tingin, ngunit napansin ko ang sugat sa kaniyang binti at mabilis iyong sinuri. “May sugat ka. Halika muna sa loob at gamutin natin iyan.”

“Ang OA mo naman. Galos lang iyan at napakalayo sa bituka. Hindi ako mamamatay sa simpleng sugat na iyan,” dinig ko ang mahihina nitong pagtawa. Na alam kong kabaligtaran sa kaniyang ipinapakita. Pero hindi ko alam ang kahulugan ng salitang OA.

“Ano ang ibig sabihin ng salitang OA, Mariposa? Ngayon ko lamang yata narinig iyan mula sa iyo. Isa na namang ekspresyon ba iyan na kailangan kong matututunan?” tanong ko. Nasa sugat pa rin naman ang atensyon ko sa kaniya, ngunit kailangan ko ring sakyan ang anumang pagpapatawa niya.

“Ay, hindi ko ba nagamit iyan? Hindi mo ba narinig ang salitang OA? Tama kang isa ngang ekspresyon iyan. Na ang ibig sabihin ay overreacting. Na gusto ko lamang ipaalam sa iyo na huwag kang masyadong mag-alala nang matindi sa sugat ko dahil hindi naman ito malala. Walang mangyayaring masama sa akin, Isagani. Intiendes?”

Malinaw ang mga salitang ipinaliwanag niya. Ngunit, iba ang sinasabi ng kaniyang mga mata. “Naintindihan ko ang mga salitang iyong binitiwan, Mariposa. Ngunit, iba ang sinasabi ng iyong mga mata. Kahit hindi mo sabihin ay napapadaing ka. Tama ba ako?”

Sumimangot ito sa harapan ko at kumunot ang noo. Pinigilan kong hindi matawa sa inis niyang mukha. Nasanay na ako sa ganoong ugaling ipinapakita niya sa akin. Wala naman akong maipintas kasi sa kaniya.

Liban sa pinatira na niya ako rito sa kaniyang tahanan ng libre at pinapakain pa, hindi na mahalaga sa akin ang nakikita kong ibang ugali niya minsan.

“Ewan ko sa iyo. Bakit ba hindi ka naniniwala? Ang mabuti pa ay pumasok ka na lamang muna sa loob ng bahay at kunin mo ang medical kit sa tokador. Alam mo naman siguro kong nasaan iyon, hindi ba? Nai-tour na rin naman kita sa loob ng aking bahay. Kaya, kampante akong matatagpuan mo ang maliit na bag na kulay pula na may red cross or sign of the cross sa labas. Malinaw ba?” Napangiti ako sa kaniyang sinabi. Napapayag ko ring gamutin ang mga sugat niya.

“Masusunod, binibini este Mariposa. Ako ay papasok na po muna sa loob,” sagot ko na lang at tatalikod na sana upang baybayin ang daan mula sa likuran papasok sa entrada ng bahay niya nang muli niya akong tinawag.

“Hephep! Saan ka pupunta?” kunot na naman ang noo niya nang tanungin ako.

“Sa loob ng bahay mo at kukunin ang pinapakuha mong medical kit,” kumunot din ang noo ko at nagtataka.

“Siyang tunay, Isagani. Ngunit, hindi mo na kailangan pang umikot para makapasok sa loob. Nakikita mo ba ang pintuang ito?” Tinuro niya sa akin ang pintuang nasa harapan lang din namin.

“Isa ba iyang lagusan papasok sa loob ng iyong bahay?” sinubukan kong magpatawa. Baka kumagat sa mga salitang binitiwan niya.

“Tama. Isa nga itong lagusan. Teka bakit lagusan? Hindi. Back door ito. Dito ako dumaan mula sa loob. Dito ka na dumaan para mabilis at kunin mo na ang medical kit. Dali na. Pronto! (Bilis!)”

“Ngayon din, Mariposa. Paumahin,” sagot ko na lamang at dumaan sa harapan niya’t binuksan ang pintuan papasok sa loob.

Tama nga ang panunukso ko dahil para itong lagusang papasok sa pinakasentrong parte ng loob ng bahay. Dinaanan ko ang sala mayor hanggang marating ko ang kusina. Humarap ako roon at hinanap ng aking mga mata ang tokador sa taas ng lababo. Sa pangalawang papag iyon at akin nang binuksan upang kunin.

Pagkakuha ay agad ko itong sinara nang marahan at muling binagtas ang daan kung saan ako nagmula’t lumabas sa pintuan kung saan naghihintay si Mariposa. Pagkabukas ko ng pintuan ay nadatnan ko siyang nakaupo na sa harapan ng maliit na aparador na aking pinatayo na at inayos kanina lamang.

“Narito na ang medical kit na pinapakuha mo, Mariposa,” sabi ko. “Akin na ang iyong paa at---”

Hindi ko natapos ang aking susunod na sasabihin dahil nang iangat niya ang kaniyang mukha sa akin, nasilayan ko ang malungkot nitong matang may umaagos na luha. Nang akin pang pagmasdan ay napansin ko ang isang lumang larawan ng isang babaeng tandang-tanda ko pa ang mukha.

“Siya ba ang dahilan ng iyong pag-iyak?” bahagya akong yumuko at inilagay sa tabi niya ang medical kit

“Siya ang aking lola, Isagani. Si Maria Corazon na iyong nobya,” aniya at tila nakaramdam ako ng pagkagulat nang marinig ang mga katagang binitiwan ni Mariposa.

Remember Me From 1899Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon