Kabanata Bente-Sais: Torpeza (Awkwardness)

24 2 0
                                    

Sa Tahanan Ni Corazon
Gapan, 1899

Isagani’s Point of View

Sino si Simeon? Bakit ganito ang aking nararamdaman? Bakit wala akong alam tungkol sa manliligaw ni Corazon? At bakit ganoon na lamang ako nasasaktan nang marinig mula sa aking mahal na tawagin sa ibang ngalan. Na tila ipinaparamdam sa akin ang malaking kasalanang aking ginawa.

“Nasasaktan ka ba?” bulong sa akin ni Mariposa. Napailing lang ako at pilit na ngumingiti habang pinagmamasdan siyang nakadungaw sa kanilang bintana.

Nang payagan si Simeon ng ama nitong si Bernardo na pumanhik ay lalo lamang akong napako sa aking kinauupuan. Namamawis na rin ang aking mga palad dahil sa isiping iyon. Hindi ko alam tuloy kong magagalit ba ako o maiinis dahil may isa akong karibal na makikila sa puso ng aking kasintahang si Corazon.

Ngunit, hindi ko naman siya masisisi kung ganoon na lamang ang kaniyang tinuran na magkunwaring hindi ako kilala at simpleng kaibigan lamang ako ni Mariposa. At dahil nga roon ay nakalimutan kong magtatagal pala si Mariposa sa aking panahon nang hindi nalalaman kung kailan kami babalik.

“Anong iniisip mo, Isagani?” muli na naman niyang bulong sa akin habang ang mga mata ay nakatuon kina Corazon at Trinidad na kasalukuyan nang nakaupo sa aming harapan, sa malapad at mahabang bangkô.

“Iniisip ko kung bakit ka pumayag na manatili rito sa aming panahon, gayong mas gusto mong naroon ka sa kasalukuyan. Tama ba ako o hindi?” mahinang sagot ko na lamang na kunwari ay may pinag-uusapan lamang kaming dalawa sa harapan ni Corazon. Napapansin ko kasing panay ang sulyap niya sa aming dalawa.

“Hmmm. Puwedeng mag-stay dito? Ang ibig kong sabihin ay mananatili muna ako rito hanggang gusto ko. Hindi naman siguro masama?” sagot niya saka ngumiti kay Corazon nang magtama ang kanilang paningin.

“Anong pinag-uusapan ninyo, Mariposa? Lito? Maaari bang malaman ang mga iyan?” biglang tanong naman ni Corazon at agad na nagpaypay gamit ang kaniyang abanikong nasa kaniyang mga kamay.

“Naku, wala kang dapat alalahanin, Corazon. Hindi bagay sa iyo ang maging marites sa iyong panahon,” sagot naman ni Mariposa na ikinagulat ko rin dahil sa salitang sa panahon lang dapat niya iyon sinasabi.

“Marites? Ano kamu ang salitang binitiwan mo, Mariposa? Marites? Wala yata ang ganiyang salita sa aming panahon kahit pa suriin ko ang lahat ng librong nabasa ko na. Saang diksyunaryo ko ba maaaring matagpuan ang salitang iyan?” lagot na. Mukhang hindi tatantanan ni Corazon si Mariposa hanggang hindi nito naririnig ang tamang kahulugan ng kaniyang mga sinabi.

“Corazon, huwag masyadong pagtuunan nang pansin ang kaniyang mga tinuran. Ang tinu---” hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil tumayo si Mariposa at tumabi pa sa kinauupuan ni Corazon.

“Naku, Corazon, my friend este kaibigan. Tama si Isa—este si Lito na huwag mong masyadong isipin ang mga nasabi ko pero ibubulong ko sa iyo ang sagot.” Napakamot ako sa ulo at tila naguguluhan dahil siyempre, hindi ko maririnig ang kung anuman ang ibinulong ni Mariposa sa kaniya.

“Tama ba ang aking narinig, Mariposa? Natatawa naman ako sa ibig sabihin niyan. Marites pala ang tawag sa mga taong ganiyan? Isang bagong salita ang aking nalaman mula sa iyo. Turuan mo pa ako sa ibang salitang maibabahagi mo sa akin ha?” hindi ko inasahan ang komento ni Corazon sa ibinulong ni Mariposa sa kaniya.

“Marami akong isi-share este ibabahagi sa iyo, Corazon. Marami pa tayong oras at araw na pagsasamahan,” hindi ko gusto ang mga sinasabi ni Mariposa. Mukhang nakakatakot na magsama ang dalawa. Magsasalita sana ako nang lahat kami ay napalingon sa paglitaw ng isang bisita.

“Magandang araw sa inyo, Corazon, Trinidad. May mga panauhin ka pala rito. Mukhang kailangan ko na lamang na bumalik sa susunod na araw,” pagbati nito sabay alis ng kaniyang suot na sumbrerong hinabi mula sa abaka.

“Huwag kang magdamdam, Simeon,” sagot naman ni Trinidad. “Hindi bagay sa iyong ugali ang maging madamdamin.”

“Trinidad, ang iyong mga salita. Huwag mong biruin si Simeon. Iangat mo ang iyong mukha, Simeon at umupo ka sa bakanteng silyang nasa aming harapan nang maipakilala ko sa iyo ang aking mga kaibigan,” magalang namang sabi ni Corazon dito. Ako naman ay titig na titig at sinusuri ang kabuuan ni Simeon mula sa hibla ng kaniyang mga buhok sa ulo hanggang sa suot nitong baro at maluwang na pantalon.

“Maraming salamat, Corazon. Hindi pa rin nagbabago ang iyong kabaitan sa akin kahit na ilang beses na akong---” hindi natapos ni Simeon ang kaniyang sasabihin nang sumingit na naman si Trinidad.

“Manahimik ka na lamang, Simeon. Hindi ko gusto ang iyong susunod na sasabihin. At isa lang din ang sagot ko sa iyo, hindi ako papayag na maging katipan ka ng aking hermana Corazon,” anito saka bumusangot. Ako naman ay lihim lang na napangiti sa sagot ni Trinidad. Alam kong hindi ito boto sa akin kaya, mananahimik na lamang ako.

“Trinidad, ilang beses ko bang sinabi sa iyo na igalang mo si Simeon. Hindi ba at nalalaman mong magkasing-edad lamang kami ni Simeon? Kaya nararapat lamang na tawagin mo siyang hermano dahil nakatatanda siya sa iyo. Maliwanag ba?”

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang pagiging mahinhin ni Corazon kahit sa pananalita niya sa kaniyang kapatid. Hindi mo pa rin malalaman sa kaniyang ekspresyon na nagagalit siya.

Ang galaw at paypay ng kaniyang abaniko ay may ibig ipakahulugan. At nalalaman kong isa iyong paraan ng paglalabas ng kaniyang pagkagitla o pagkainis sa kung sino man ang hindi nagbibigay ng galang sa nakatatanda. Ganoon ang pagkakakilala ko sa kaniya. Malaki ang respeto niya pagdating sa mga nakatatanda sa amin.

“Paumanhin, Corazon. Mukhang tama naman si Trinidad sa kaniyang mga isiniwalat. Alam mong batid mong matagal na akong nanliligaw sa iyo. Ngunit magpa-hangggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung may pag-asa pa ba ako sa iyo. Hindi ko rin batid  kung ilang gabing panghaharana pa ang aking gagawin makuha ko lamang ang iyong matamis na Oo.”

Dahil sa mga narinig ko ay bigla akong napatayo sa aking kinauupuan. Ikinagulat iyon ng lahat kabilang si Mariposa at nagtama pa ang aming paningin ni Corazon. Mabilis kong iniwas ang mga tinging iyon at kuyom ang mga kamaong itinago ito sa aking likuran.

“Paumahin kong nagulat ko kayo, Corazon. Magpapaalam lamang sana akong lalabas saglit at magbabanyo. Maaari ba?” pagpapaalam ko. Mabilis akong nakahanap ng kasinungalinga at sana ay payagan ako.

“Kung ibig mo, pinapayagan kita. Trining, maaari mo bang samahan si Lito at ituro sa kaniya kung saan ang ating palikuran?” nakangiting sagot niya at humarap kay Trinidad para samahan ako.

Tumango na lamang ako at tumayo na rin si Trinidad saka nakasimangot na naglakad paalis sa kanilang harapan. Nagpaalam na rin ako kay Mariposa na kaniyang ipinagtaka.

“Ikaw na muna ang bahala kay Corazon at sa kaniyang bisita, Mariposa. Alam mo na ang iyong dapat na gagawin. Paumanhin. Bababa na muna kami ni Trinidad. Paalam.”

Remember Me From 1899Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon