Epilogo: Pagsasara Ng Unang Yugto At Pagbubukas Ng Panibagong Aklat

61 2 0
                                    

Sa Puno ng Haribon
Lumang Gapan
Gapan 2023

Isagani’s Point of View

“Handa ka na ba, Mariposa?” tanong ko sa kaniya nang umagang iyon. Nasa harapan na kami ng malaking puno ng Haribon, sa Lumang Gapan.

Pinagsaluhan namin ang gabi sa ilalim ng puno. Sa ilalim ng buwan nang walang anumang pag-aalinlangan. Ngayong, dumating na ang huling araw ng pananatili ko sa panahon ni Mariposa ay nakikita ko ang magiging kahihinatnan ng pag-iwan ko sa kaniya.

“Tumatagos sa iyong mga mata ang kalungkutan at pagdadalamhati, Mariposa. Hindi pa naman ako pumanaw sa iyong harapan. Hindi pa naman tayo nakababalik sa aking panahon. Kaya, tahan na. Huwag ka nang lumuha pa dahil hindi madali sa aking iwan ka.”

Muli akong bumitaw ng mga salitang magpapagaan sa kaniya. Subalit, batid rin ng aking puso at isipan na kaming dalawa ay maghihiwalay sa araw na ito. Kaming dalawa lang ang nakatayo sa harapan ng puno ng Haribon.

“Naalala mo ba ang araw na bumagsak ako sa iyo dito sa Lumang Gapan na ito, Mariposa?” Bagama’t ipinapaalala ko lamang sa kaniya ang unang beses na ako ay kaniyang nasilayan, tumalikod ako upang itago ang aking mga luha.

“Alam kong mahirap din sa iyo na lisanin ang mundo ko, Isagani. Ngunit, anong magagawa ko kung isa ka lamang bisita o dayuhang dumating sa aking panahon?” dinig kong sabi niya. Batid kong pinilit lamang niyang ilabas ang mga katagang iyon.

Pinahiran ko muna ang aking mga luha bago muling humarap sa kaniya. Lumapit ako sa kaniya at inangat ang kaniyang mukha. Nang magtama ang aming mga mata ay napakalungkot nito. Ayaw tumigil sa pagdaloy ang kaniyang mga luha. Napayakap agad ito sa akin at humagulgol na parang batang hindi kayang bitawan ang kaniyang paboritong laruan.

“Ano na ang magiging silbi ng aking buhay kung wala ka na rito, Isagani?” biglang nagbago ang kanina lang na katagang kaniyang binitiwan.

“Kapag wala na ako rito ay nais kong bumalik ka sa iyong dating nakasanayan, Mariposa. Nalalaman kong hindi magiging madali sa umpisa, ngunit alam kong matapang kang babae. Wala kang inuurungang anumang pagsubok na darating sa iyong buhay. Makakaya mo. Makakaya mo kahit wala na ako.”

Hinigpitan ko na rin ang yakap ko sa kaniya at pigil pa ring umiiyak. Nakasubsob na ang aking mukha sa kaniyang leeg at balikat. Naisin ko mang huwag nang ituloy ang pamamaalam, ngunit hindi rin maaari. Hindi ko hawak ang buhay ko rito sa kasalukuyan. Anumang oras ay maaari akong maglaho nang parang bula sa harapan niya.

“Husto na, Mariposa. Oras na upang ako ay iyong ibalik sa aking panahon at saksihan ang katotohanan sa aking pagpanaw.” Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya’t ilang beses na pinahiran ang kaniyang mga luha. “Pakiusap, Mariposa.”

Tinitigan niya akong luhaan ang mga mata. “Tama ka, Isagani. Kailangan na nga kitang pakawalan at kalimutan na lamang ang lahat ng mga alaalang pinagsahaman nating dalawa nang sa ganoon ay makalaya ka na.”

“Huwag, Mariposa. Hindi ko nais na kalimutan mo ako at ang alaalalang binuo nating dalawa sa anim na araw na iyon. Batid kong masakit para sa iyo na ako ay bitiwan, ngunit umaasa rin akong darating ang araw na magkikita tayong muli,” sinadya kong sabihin sa kaniya ang mga salitang iyon.

“Reincarnation ba ang tinutukoy mo?” luhaan pa rin ang mga matang tanong niya.

“Ang sinasabi mo bang reincarnation ay muling pagkabuhay?” pagkukumpirma ko at tumango ito bilang pagsang-ayon. “Kung masilayan mo man ang aking pagpanaw, ipinapangako kong hahanapin kita at magkikita tayong muli, Mariposa.”

“Hindi man ako naniniwala sa reincarnation, Isagani pero paniniwalaan ko ang iyong mga salita upang pakawalan ka na’t bumalik sa dating nakasanayan ko. Ipangako mo lamang sa aking muli na hahanapin ako’t ipagpapatuloy natin ang naunsiyaming pag-iibigan nating dalawa. Mangako ka, Isagani. Mangako ka.”

Ang mga butil na kristal na luhang umaagos sa kaniyang mata ay hindi ko kayang balewalain. Labis-labis na nagdurusa ang aking kalooban kahit pa hindi pa kami naghihiwalay sa isa’t isa. Ngunit, nakapagbitaw na ako ng pangako at paninindigan ko ito.

“Pangako, Mariposa. Nangangako ako sa iyong harapan ngayon na tayo ay muling magkikita’t itutuloy ang pagmamahalang ating pinagsaluhan kagabi. Dadagdagan natin ang mga alaalang iyon. Ipangako mo ring anuman ang mangyari ay hahanapin mo rin ako’t magpakilala ka kung sakali.”

“Mahal na mahal kita, Isagani. Walang nasayang na sandali para sa akin ang makasama ka rito. Patawarin mo sana ako sa mga nagawa kong kamalian sa iyo at sa piniling pag-ibig ng aking abuelang si Maria Corazon sa iyong panahon.”

“Iniibig din kita, Mariposa. Mahal na mahal na mahal kita. Hindi rito nagtatapos ang ating kuwento. Magkikita tayong muli sa takdang panahon.”

Pagkatapos magbitaw ng mga huling habilin sa isa’t isa ay hinawakan ko ang kaniyang mukha at ibinigay ang mga huling halik ng pamamaalam ko sa kaniya. Tinugon naman niya ito at niyakap namin ng mahigpit ang isa’t isa.

“Husto na ang palabas at ka-dramahan ninyong dalawa. Hindi ko na kayang manood pa ng romantic comedy slash tragic na kuwento ninyo rito sa kasalukuyan. Hawakan na ninyong dalawa ang kamay ng isa’t isa nang matapos na itong nobela.” Bumitaw agad kami sa pagkakayakap nang marinig namin ang tinig ni Don Lucio. Hindi na lamang kami nagsalitang dalawa at napatitig na lamang sa isa’t isa na hinawakan ang aming mga kamay.

Mariposa’s Point of View

Epal talaga itong matandang hukluban na ito. Panira ng moment.

Naisiwalat ko na lamang ang mga salitang iyon sa aking isipan at hinawakan na rin ang kamay ni Isagani. Pagkahawak na pagkahawak namin ay may kung anong enerhiyang humigop sa aming dalawa. Gulat na gulat ako nang makita ko ang aking sariling nasa harapan ng pamilyar na bahay kung saan sumugod ang ama ni Maria Corazon.

“Ito ang bahay ni Isagani. And where the hell is he?” tanong ko agad. Hinanap ng aking mata kung bakit humiwalay sa akin si Isagani. Pero hindi ko siya matagpuan.

“Sumunod ka sa akin, Mariposa,” biglang litaw naman ng matandang hukluban mula sa likuran ko at nagsalita. Wala akong choice kung hindi sundan siya.

May isang maliit na pasilyo sa gilid ng bahay na iyon at doon dumaan si Don Lucio. Nakasunod lang din ako. Ilang saglit pa ay tumigil ito. Muntik pa akong mabunggo sa kaniyang likuran kung hindi ko pa tiningnan ang aking dinaraanan.

“Pagmasdan mo sa ikalimang palapag ng bahay nila, Mariposa. Sa oras na tumalon si Isagani riyan at masisilayan mo ang nakahandusay niyang katawan ay babalik ang lahat sa dati. Ibabalik ka sa iyong panahon ng kaniyang pagpanaw mag-isa. Kung may matitira mang alaala niya sa iyong pagbabalik sa kasalukuyan, ikaw na ang bahala kung paano mo ito itatago’t hahanaping muli ang kasagutan. Kung mabura man ang alaala niyang iyon sa iyong isipan, panahon na lamang ang makapagsasabi kung kailan at saan kayo muling pagtatagpuin. Paalam.”

Wala akong maintindihan sa kaniyang mga sinabi dahil nakatuon ang aking mata kay Isagani na nakatayo sa ikalimang palapag ng bahay nila. Sinubukan kong sumigaw at tawagin ang kaniyang pangalan, pero bigo ako dahil hindi niya ako naririnig. At sa mismong harapan ko, nakita ko ang kaniyang pagtalon.

Nagtatakbo ako patungo sa kaniyang kinabagsakan at halos gumuho ang mundo ko nang makita ang wala nang buhay niyang katawan. Bumagsak ang ulo nito sa isang bato na naging dahilan agad ng kaniyang pagkamatay. At nangyari na nga ang sinabi ni Don Lucio. Hinigop na ako ng isang enerhiya at ibinalik sa kasalukuyan kong panahon.

“Hi, mga ka-butterfly! Na-miss ba ninyo ang inyong bida at bida-bidang si Mariposa Corazon? Live po tayo ngayon dito mula sa isang sikat na tourist attraction. Hindi ninyo kailangang gumastos ng malaki para lang makapunta sa Ilocos kung mayroon namang tinatawag na Little Vigan of the Philippines, called Gapan!”

WAKAS…

Remember Me From 1899Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon